Kabihasnang Indus

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang kabihasnang Indus, o tinatawag ring kabihasnang Harappan ang pinakamatandang kabihasnan sa subkontinente ng India. Umusbong ang kabihasnan sa lambak sa pagitan ng Ilog Indus at Ganges sa Timog Asya, na kilala rin bilang Lambak Indus o Indus Valley. Umiral ang kabihasnang ito mula 2500-1700 BK.

Unang natukoy ang kabihasnang ito noong 1921 sa Harappa sa rehiyon ng Punjab, at noong 1922 sa Mohenjo-daro, malapit sa Ilog Indus sa rehiyon ng Sindh. Kapwa nasa kasalukuyang teritoryo ng bansang Pakistan ang dalawang lugar. Itinalaga bilang isang UNESCO World Heritage Site ang guho sa Mohenjo-daro.

Ang Pamayanang Neolitiko Bago ang Indus

Tinatayang noong 3500 B.C.E lumitaw ang mga neolitikong pamayanan sa Baluchistan (kasalukuyang nasa Pakistan) na nasa bandang kanluran ng Ilog Indus. Isa sa mga pamayanang ito ay ang Mergarh. Batay sa mga nahukay na labi sa Baluchistan, agrikultural at sedentaryo ang pamumuhay ng mga tao rito. May ebidensiya rin ng pag-aalaga ng tupa, kambing, at ox. Nagsimula ang paggawa ng palayok na may pintura at paghurno ng tinapay at paggawa ng cereal. Samantala, ang kanilang mga bahay ay gawa sa ladrilyo mula sa luwad tulad ng sa Sumerya.

Harappa at Mohenjo-daro

Dalawang malalaking siyudad ang kinikilala bilang mga sentro ng kabihasnang Indus, ang Harappa at Mohenjo-daro. Mayroon ring mahigit 100 malilit na mga bayan. Ang dalawang siyudad ay kapwa nasa 1.6 kilometro kuwadrado ang kabuuang sukat, at kakikitaan ng maayos na pamamahala. SInasabi ring maaring naunang naitatag ang kabisera sa Mohenjo-daro, na madalas sirain ng mga baha. Nakakapagsulat at nakakapagbasa ang mga residente ng rehiyon. Tinawag na Dravidian ang wikang ito.

Sinasabing nabuo ang kabihasnang Indus mula sa kabihasnan ng mga kalapit na lugar. Ginamit rin ang modelo ng agrikultura sa Mesopotamia para magamit ang matabang lupa sa lambay ng Ilog Indus. Matapos ang matagumpay na agrikultura, lumawak ang naging teritoryo ng kabihasnan. Kabilang sa mga itinatanim ang trigo at sebada, gayun din ang linga at iba pang mga halamang butil. Marunong ding mag-alaga ng hayop ang mga nanirahan sa rehiyon, at sinasabing nag-alaga sila ng mga aso, pusa, mga ibon, baboy, kamelyo at buffalo. Maari ring inalagaan ang elepante, at ginamit ang tusk nitong gawa sa garing.

Isa sa pinakakilalang artifak mula sa kabihasnang Indus ang mga maliliit na selyong kakakitaan ng mga hayop at iba pang nilalang. Hindi malinaw kung paano at kailan natapos ang kabihasnang Indus dahil sa pagkalat ng kultura nito sa ibang bahagi ng rehiyon.

Mga Sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.