Kabesang Tales

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Telesforo Juan de Dios, higit na kilala bilang Kabesang Tales, ay isa sa mga tauhang binigyang-buhay ni Jose Rizal sa kaniyang nobelang El Filibusterismo. Sa nobela, ang mag-anak ni Tales ay naninirahan sa bayan ng Tiani, karatig ng San Diego.

Mga Indio sa Gubat

Namasukan noon si Tales bilang kasapi ng lupain ng isang kapitalista. Nang magkaroon ng sapat na ikabubuhay, siya ay nagsarili, at sa tulong ng pamilya ay nilinis nila ang masukal na kagubatan. Namatayan si Tales ng isang anak habang pinagyayaman ng kaniyang pamilya ang lupain. Sa kabila nito, patuloy na nagsikap ang mag-anak hanggang sa maging masagana ang kanilang mga ani. Gayunman, ang munting kasaganaang naranasan nila ay hudyat pala ng mga kasawiang nakatadhana sa pamilya.

Si Rizal at ang mga Magsasaka

Si Kabesang Tales ay matibay na pagsasalarawan sa mga naging kapalaran ng mahihirap na Pilipino na sa kabila man ng pagsusumikap ay malimit pa ring maging biktima ng inhustisya. Katunayan, may isang yugto sa El Filibusterismo kung saan binanggit ang isang pangyayaring nagtatampok sa naganap na suliraning pang-agraryo noong 1887–1891 sa Hacienda de San Juan Bautista (ngayon ay Calamba, Laguna) na saklaw ang lupain ng pamilya ni Rizal. Nagkaroon ng protesta noon ang mga magsasaka laban sa mga paninikil na mga prayle.

Sa huling bahagi ng ika-10 kabanata na pinamagatang “Karangyaan at Karalitaan,” binanggit ang mga pangalang Luis Habaña, Matias Belarmino, Nicasio Eigasani, Cayetano de Jesus, Mateo Elorde, Leandro Lopez, Antonio Lopez, Silvestre Ubaldo, Manuel Hidalgo, at Paciano Mercado (kuya ni Rizal). Sila ang mga mamamayan ng Calamba na nakipaglaban para sa kanilang karapatan sa lupaing kanilang nasasakupan laban sa hindi makatarungang paniningil ng upa ng isang korporasyon ng mga Dominikano. Dahil may mga pinag-aralan, nakipaglaban sila sa korte. Sa kasamaang-palad, tinawag pa rin silang mga filibustero at kalaban ng pamahalaan.

Alab ng Puso

“Natagpuan ko na sa wakas ang taong aking hinahanap!” Sinabi ito sa sarili ni Simoun nang makaharap si Kabesang Tales nang minsang nagpalipas siya ng gabi sa munting tahanan ng matanda.

Hindi man direktang hinikayat ni Simoun si Kabesang Tales ay napagtagumpayan niya ang balak. Ginamit niya ang karalitaan at silakbo ng damdamin ng matanda upang higit na pag-alabin ang diwang mapanghimagsik nito. Lutang din ang simbolismo ng rebolber ni Simoun bilang kapalit ng gintong relikaryong may mga esmeralda at brilyante ni Maria Clara na nasa pangangalaga noon ni Juli, ang dalagang anak ni Kabesang Tales. Matatandaang ibinigay ni Maria Clara ang relikaryo sa isang ketongin na ibinigay naman kay Basilio nang minsang ito ay gamutin; at binigay naman ito ng binata sa kasintahan. Masasalamin nito ang pagtatalo ng isipan ni Kabesang Tales kung ano ang pinakamainam na gawin sa mga oras na iyon—ang magpatawad o ang maghiganti. Sa huli, kinuha niya ang rebolber, umakyat ng bundok, at sumanib sa mga tulisan.

Kinilala si Kabesang Tales bilang Matanglawin at naging kilabot ng Luzon. Gayunman, nagtapos ang kaniyang buhay sa kamay ng anak na lalong naging sanhi ng kaniyang pagiging sawimpalad.

Anino ng Nakaraan

Sa panahon ng mga Espanyol lumaganap ang ganitong suliranin ng mga Pilipinong magsasaka. Napailalim kasi sa pangalan ng Hari ng Spain ang mga lupain sa Pilipinas. Pinatupad sa bansa ang encomienda. Naging batas din ang paghahati-hati ng mga lupain sa bawat barangay at pag-aatas sa mga prayle na pamahalaan ang malalawak na lupain. Upang higit na mapakinabangan ang mga ito, pinaupahan ng mga prayle sa mga Pilipinong magsasaka ang maraming lupain sa bansa, higit sa mga magsasakang walang titulo ng lupa. Piling mga tao lamang din ang binibigyan ng karapatan ng pamahalaan na magkaroon ng sariling lupain, tulad ng mga pinuno at mga taong nagsilbi para sa kabutihan ng Hari. Ang ganitong pangyayari ay mahihiwatigan sa isang diyalogo ni Tales:

“Naglilingkod ako at maraming taon nang naglilingkod ako sa hari sa pamamagitan ng aking salapi at pagpapagal, ngayo’y hinihingi ko sa kaniya na bigyan niya ako ng katarungan, at dapat niya itong ibigay sa akin.”

Ang paninindigang ito ni Tales sa nobela ay paninindigan din ng mga Pilipinong magsasaka hanggang sa kasalukuyang panahon. Bagama’t hindi sariling lupain ang sinasaka ng karamihang magsasaka ay nagtitiyaga at umaasa pa rin silang maibibigay sa kanila ang karapatan at titulo ng lupa.

Paglalahad ng Katotohanan

Maituturing man ang nobela bilang isang akdang kathang-isip, may mga nobela pa ring hinahango sa mga tunay na pangyayari. Sa wikang English, tinatawag na historical novel ang isang nobela na ang banghay ay ibinatay sa isang makasaysayang pangyayari. Layunin nitong buhayin o ilahad sa makatotohanang detalye ang diwa, galaw, at kondisyon ng lipunan na itinatampok dito. Maaari itong gumamit ng mga aktuwal na persona o paghaluin ang isang fictional at makasaysayang personalidad.

Samakatwid, ang El Filibusterismo ay maituturing na historical novel sapagkat ibinatay ang mga pangyayari sa nobela sa mga aktuwal na karanasan at obserbasyon ng may-akda sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas. At si Kabesang Tales ay isa lamang sa mga patunay nito.

Mga Kuwento ni Tales

Sa paglipas ng panahon, ang mga kagaya ni Tales ay ginagamit pa ring pangunahing persona sa mga akdang pampanitikan na pumapaksa sa inhustisya at paghingi ng katarungan, tulad ng sumusunod.

  • Mga Anak-Bukid ni Rosauro Almario (1911). Ang nobelang ito ay tungkol sa dalawang magsasaka at magkasintahang sina Tonyo at Juli. Nagplano silang magpakasal ngunit biglang dumating ang isang suliraning dala ng isang pensiyonadong Pilipino.
  • Ang mga Anak Dalita ni Patricio Mariano (1911). Ang mahihirap ay patuloy na naghihirap dahil sa mga mapagsamantalang kapitalista ang tema ng nobelang ito. Si Ata ang pangunahing tauhan ng nobela na manggagawa sa isang pabrika.
  • Luha ng Buwaya ni Amado V. Hernandez (1983). Ito ay nobela na nagtatampok ng mga pag-aaklas ng mga magsasakang biktima ng kasakiman ng isang mayamang pamilya na nagmamay-ari ng malawak na lupaing kanilang sinasaka.

Sa kasalukuyan, marami pa ring “Tales” ang nakararanas ng mga pangaapi. Hihintayin pa ba nating maging Matanglawin din ang mga inapo ng kabesa?

Mga Sanggunian

  • Jose Rizal, salin ni Virgilio S. Almario. El Filibusterismo. Quezon City: Adarna House, 1998.
  • Virgilio S. Almario. Si Rizal: Nobelista (Pagbasa sa Noli at Fili Bilang Nobela). Quezon City: The University of the Philippines Press, 2008.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.