Kaamulan

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Kaamulan Festival ay isang pagdiriwang na ginaganap sa lalawigan ng Bukidnon tuwing ika-3 hanggang ika-7 ng Marso.

Kasaysayan

Ang salitang “kaamulan” ay nagmula sa salitang Binukid na “amul”, na nangangahulugan “tipunin”. Isa itong makabuluhang pagtitipon ng mga kasapi ng tribo sa Bukidnon. Maaari itong maging isang ritwal sa pagiging datu, isang seremonya sa kasal, isang pagdiriwang ng pasasalamat tuwing panahon ng ani, isang kasunduan sa kapayapaan o lahat ng mga ito.

Pinagmulan ng pagdiriwang

Nagsimula ang unang pagdiriwang ng Kaamulan festival noong taong 1974 kasabay ng pagdiriwang sa kapistahan ni San Isidro Labrador. Naisipan ng lokal na pamahalaan na imbitahin ang mga katutubong tribo upang maging bahagi ng pagdiriwang at simula noon ay naging isa na itong tradisyon.

Pagdiriwang

Ipinagdiriwang ang Kaamulan sa lalawigan ng Bukidnon, partikular sa lungsod ng Malaybalay, simula sa ikatlong linggo ng Pebrero hanggang ika-10 ng Marso. Bilang isang etnikong pagtitipon, ipinagdiriwang ng Kaamulan ang mga tradisyon at pinagmulan ng pitong tribo na orihinal na bumuo sa lalawigan ng Bukidnon. Ang mga tribung ito ay kinabibilangan ng Bukidnon, Higaonon, Talaandig, Manobo, Matigsalug, Tigwahanon at Umayamnon. Marami sa mga miyembro ng nasabing mga tribo ang nagtitipon-tipon na nakasuot ng mga hinabing kasuotan at mga aksesorya katulad ng mga hikaw, kwintas, pulseras, mga anting at iba pang adorno sa katawan. Nagsasayaw sila, kumakanta at gumagawa ng mga ritwal ng makakasama. Hindi tulad ng ibang mga pagdiriwang na puno ng magagarbong presentasyon at kinakailangang turuang umarte ang mga estudyante mula sa iba't ibang paaralan bilang miyembro ng mga katutubong tribo, ang Kaamulan ay kinatatampukan ng mga lehitimong miyembro ng iba't ibang tribo. Kilala ang Kaamulan para sa paggawa ng mga tunay na ritwal ng mga katutubo.

Ilan sa mga ritwal na ginagawa bilang bahagi ng pagdiriwang ang pangampo, isang uri ng pagdarasal, ang tahulambong ho datu, isang pulitikal na ritwal para sa pagbibigay ng kapangyarihan bilang datu, ang panumanod, isang seremonya para sa mga espiritu, ang panlisig, isang ritwal para sa pagpapalayas ng mga masasamang espiritu, at ang kagsaba ho kabayo, isang tradisyon ng paglalaban ng mga kabayo.

Sa ilang mga gabi ng pagdiriwang naman ay ginagawa ang pagbigkas ng mga tradisyunal na tula, epiko at iba pang anyo ng literatura tulad ng olaging, limbay, idangdang, bayok-bayok, antoka, nanangon at dasang.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.