K-12 o Enhanced Basic Education Act

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang K-12 or Enhanced Basic Education Act.

Ang K-12 Education Program o Enhanced Basic Education Act of 2013 ay ang pagpapalawig ng taon sa basic education ng mga mag-aaral sa Pilipinas upang makasabay sa sistema ng edukasyon sa buong mundo. Sa pagpapatupad ng K-12 program, ang mga mag-aaral ay kinakailangang dumaan sa kindergarten at 12 taon sa basic education: anim na taon sa elementarya, apat na taon sa junior high school, at karagdagang dalawang taon sa senior high school.

Ang batas ay pormal na nilagdaan ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong 15 Mayo 2013. Ayon sa isang talumpati ni Aquino matapos pirmahan ang makasaysayang batas, ipinagmalaki niyang sa bagong sistema ng edukasyon sa bansa, masisiguradong makapipili ng track ang mga mag-aaral na makatutulong upang matutukan ang kanilang mga talino at talentong taglay para sa ninanais na trabaho sa hinaharap. Malaking tulong din ang K-12 program upang kilalanin sa buong mundo ang edukasyon ng mga Pilipino dahil nag-iisa na lang ang Pilipinas sa Asya at ikatlo sa mundo na mayroong 10 taong basic education system bago malagdaan ang batas.

Pagsasabatas ng Enhanced Basic Education Act

Noong 15 Mayo 2013, pormal na nasabatas ang Republic Act No. 10533 o Enhanced Basic Education Act. Ayon kay Aquino, ang paglagda niya sa batas na magpapatupad ng K-12 Education Program ay isang hakbang upang mas mabigyan ng kasanayan ang mga mag-aaral at pagpapalawig ng mga oportunidad para sa mga ito. Kung mabibigyan daw ng tuon ang edukasyon sa bansa ay maiaahon nito ang ekonomiya ng Pilipinas.

“Malinaw ang batayang prinsipyo ng batas na ito: karapatan ng bawat Pilipinong mamuhay nang marangal; tungkulin naman ng estadong siguruhing may patas na oportunidad ang ating mamamayan, lalo na ang pinakamahihirap nating kababayan. At isang matatag na haligi ng kanilang pag-ahon ang pagkakaroon ng mataas na antas ng edukasyon. Sa pagsasabatas ng K to 12, hindi lang tayo nagdaragdag ng dalawang taon para sa higit pang pagsasanay ng ating mga mag-aaral; tinitiyak din nating talagang nabibigyang-lakas ang susunod na henerasyon na makiambag sa pagpapalago ng ating ekonomiya at lipunan.”

Dumalo sa paglagda ng batas ang mga nanguna sa pagsusulong nito na sina Senador Franklin Drilon, Edgardo Angara, Ralph Recto, at mga kongresistang sina Feliciano Belmonte Jr., Neptali Gonzales II, Sandy Ocampo, at Sonny Angara.

Kasabay ng paglagda ng batas para sa K-12 program, ipinangako rin ng administrasyong Aquino na magpapatayo sila ng nasa 100,000 silid-aralan at tatanggap ng 18,000 mga guro. Kasabay rin nito ang paglilimbag ng milyon-milyong teksbuk. Sa taong iyon, itinaas ang badyet ng DepEd sa ₱232 bilyon.

Sa pagpanaw ni Aquino noong 24 Hunyo 2021, sinabi ng dating kalihim ng DepEd na si Bro. Armin Luistro na ang pagpapatupad ng K-12 program ay isa sa mga pinakamalaking legasiyang iniwan ng dating pangulo. Gayunman, ayaw daw ni Aquino na maiugnay sa kaniyang pangalan ang K-12 dahil ito raw ay mula sa pera ng taumbayan at hindi mula sa kaniya.

Pagpapatupad ng K-12

Universal Kindergarten Education

Bago pa man maisabatas ang Enhanced Basic Education Act, sinimulan na ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng Universal Kindergarten Education noong taong pampaaralan 2011-2012. Ayon sa inilabas na DepEd Order 37 S. 2011, opisyal na isinasali ang kindergarten o preschool sa basic education cycle. Ang mga tatanggapin sa preschool ay ang mga batang may edad limang taong gulang. Mayroon ding dalawang uri ng kindergarten education program sa Pilipinas: ang Kindergarten Regular Program (KRP) at Kindergarten Volunteer Program (KVP).

Ang Kindergarten Regular Program (KRP) ay ang regular na programang pang-edukasyon para sa mga regular na mag-aaral o mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan. Ang klase ng KRP ay hinahawakan ng isang permanenteng guro. Ang klase rin ng bawat guro ay kinakailangang dalawa lamang at bawat klase ay mayroong 25 hanggang 30 mag-aaral.

Ang Kindergarten Volunteer Program (KVP) naman ay isang espesyal na klaseng binubuo ng limang mag-aaral na hindi kayang maipasok sa KRP. Ang gurong hahawak sa klase ay boluntaryo na mayroong digri sa edukasyon at kung maaari ay residente ng komunidad kung saan siya magtuturo.

Enhanced Basic Education Curriculum

Noong Hunyo 2012 naman ay opisyal na ipinatupad ang bagong kurikulum para sa elementarya at haiskul. Sa taong pampaaralan ding ito nagsimula ang hindi pagtanggap ng mga mag-aaral sa Grade 1 na hindi pumapasok sa kindergarten.

Sa taong ding iyon ipinatupad ang pagkakaroon ng anim na asignatura sa Grade 1—Reading and Writing/Mother Tongue; Filipino; Edukasyon sa Pagpapakatao; Mathematics; Araling Panlipunan; at MAPEH. Matapos ang dalawang grading period, tsaka isinali ang asignaturang Oral Fluency in English. Ang mga bagong kurikulum naman para sa Grade 2 hanggang Grade 6 ay ipinatupad sa sumunod na taon.

Hunyo 2012 din inumpisahang ipatupad ang bagong kurikulum sa haiskul. Idinagdag ang Technology and Livelihood Education (TLE) sa Grade 7 kung saan tatalayakin ang iba’t ibang paksa at aralin na hahasa sa kasanayan sa pagnenegosyo ng mga mag-aaral sa haiskul.

Senior High School

Nagsimula ang pagpaparehistro sa mga nais pumasok sa senior high school (SHS) noong 2015. Ayon sa inilabas na ulat ng DepEd, noong Oktubre 2015, umabot sa 1.5 milyong mag-aaral para sa Grade 11 ang nagpalista. Nasa 75 porisyento ng mga ito ay mag-aaral sa pampublikong paaralan at nasa 320,000 mag-aaral lang ang mula sa pribadong paaralan.

Noong 2016, nagkaroon ang DepEd ng 200 bagong pampublikong paaralan para sa SHS. Para naman sa mga mag-aaral na walang malapit na pampublikong SHS sa kanilang lugar, ay binigyan ng pagkakataon na mag-aral sa mga pribadong paaralan. Maliban sa mga pribadong paaralan na kinikilala ng DepEd bago ang K-12 program, nagbigay din ang DepEd ng permiso sa mga non-DepEd na paaralan upang magkaroon ng SHS education noong 2016.

Nagbigay din ang DepEd ng SHS voucher program kung saan ang pamahalaan ang magbabayad sa pag-aaral ng estudyanteng nag-enrol sa pribadong paaralan. Ito ang naging tugon ng DepEd upang matugunan ang kakulangan ng paaralan para sa SHS lalo na sa mga unang taon ng pagpapatupad nito. Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), naglaan ang pamahalaan ng ₱12.2 bilyon para sa SHS voucher program. Ang isang SHS voucher ay nagkakahalagang ₱7,500 hanggang ₱22,500 batay sa lugar na iyong tinitirahan o kung nasaan ang paaralan mong papasukan.

Ang mga track na maaaring pagpilian ng isang mag-aaral para sa dalawang taon sa SHS ay ang Academic; Technical-Vocational-Livelihood; and Sports and Arts. Ang Academic ay mayroong strand: Business, Accountancy, Management (BAM); Humanities, Education, Social Sciences (HESS); at Science, Technology, Engineering, Mathematics (STEM).

Mga pagbabagong dulot ng K-12 Program

Mother Tongue-Based Multilingual Education

Kasabay ng pagbabago ng kurikulum na dulot ng pagpapatupad ng K-12 program, ipinatupad rin ang paggamit ng mouther tongue sa pagtuturo ng mga aralin sa paaralan, lalo na sa mga mag-aaral sa elementarya. Noong taong pampaaralang 2012-2013, gumamit ng 12 wika mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas sa pagtuturo sa paaralan. Kabilang sa mga ito ay ang Bahasa Sug, Bikol, Cebuano, Chabacano, Hiligaynon, Iloko, Kapampangan, Maguindanaoan, Meranao, Pangasinense, Tagalog, at Waray. Sa mga sumunod na taon, nagdagdag pa ng ibang wika sa pagtuturo.

TVET National Certificate

Kapag nakatapos ng Grade 10 ang isang mag-aaral, maaari na siyang makakuha ng certificate of competency (COC) o National Certificate Level I (NC I). Kung matatapos naman ng mag-aaral ang Technical-Vocational-Livelihood track sa Grade 12, maaari siyang makakuha ng National Certificate Level II (NC II) kung makapapasa siya sa competency-based assessment ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Kung magkakaroon ng mga sertipikong ito, maaari nang makapagtrabaho ang isang K-12 graduate sa larangan ng agrikultura, elektroniko, at iba pang negosyo.

Trabaho pagkatapos ng SHS

Kasama rin sa kurikulum ng mga SHS ang pagkakaroon ng work immersion program. Isa kasi sa mga ibinibidang benepisyo ng pagkakaroon ng SHS sa bansa ay ang pagkakaroon ng oportunidad sa pagtatrabaho kapag natapos ang Grade 12.

Ayon sa DepEd, dahil daw sa oras ng work immersion ng mga SHS graduate, handa na raw ang mga ito na maging mga empleyado ng iba’t ibang industriya at kompanya. Sa work immersion program, kinakailangang makapagtapos ang mga mag-aaral ng hindi bababa sa 80 oras ng trabaho.

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.