Julie Vega

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Julie Pearl Apostol Postigo, mas kilala bilang Julie Vega, ay isang aktres at mang-aawit na pinakatanyag sa kanyang pagganap sa seryeng Anna Liza at sa kanyang biglaang pagpanaw sa edad na 16 na naging sanhi ng malawakang pagbuhos ng lungkot mula sa mga Pilipino.

Talambuhay

Si Vega ay ipinanganak sa isang relihiyosong pamilyang Katoliko, ang kaisa-isang babae at bunso sa anim na anak nina Julio Postigo at Pearl Apostol. Dahil dito ay Darling ang kaniyang naging palayaw.

Buhay-artista

Natuklasan si Vega sa isang pamaskong pagdiriwang sa Quezon Institute nina Lamberto Avellana, isang batikang direktor ng pelikula at dula, at ang batikang aktress na si Boots Anson-Roa. Nagsimula ang kanyang buhay sa showbiz sa edad na 6 kung kailan lumabas siya sa isang patalastas ng hotdog. Ginamit niya ang pangalang Darling Postigo sa umpisa at gumanap sa kanyang unang pelikulang pinamagatang Ang Pag-ibig Ko'y Huwag Mong Sukatin bilang anak nina Anson-Roa at Dante Rivero. Ginamit lamang niya ang kanyang pangalang Julie Vega sa kanyang unang leading role sa pelikulang Mga Mata ni Angelita noong 1978 sa pagpapayo ni Dr. Larry Santiago. Napili siya para gumanap na Angelita bagamat ikatlo lamang siya sa mahigit 200 na aplikante. Ang papel na ito ang naging simula ng kanyang pagkasikat.

Tinanggihan ni Vega ang ''Flor de Luna'' dahil sa kanyang pag-aaral at iba pang proyekto ngunit nang naglaon ay nagkaroon din siya ng sarili niyang teleserye, ang ''Anna Liza'' ng GMA bilang ang dukhang bidang parating inaapi. Ang papel na ito ay nagpaantig sa puso't damdamin ng maraming Pilipino at naging daan sa lalo pang pagsikat ni Vega. Ang papel sa Flor de Luna ay napunta kay Janice de Belen, na isang bagong talento rin noong panahong iyon. Bagamat magkatunggali sina de Belen at Vega bilang artista sa telebisyon, sa likod ng kamera ay matalik na magkaibigan ang dalawa. Naisaad pa ni de Belen na hindi raw siya makakapasok sa industriya kung hindi tinanggihan ni Vega ang Flor de Luna.

Bukod dito ay gumanap din si Vega sa ilang mga pelikula at apat na beses niyang nakamit ang parangal ng FAMAS: ang Best Child Actress Award para sa Mga Mata ni Angelina, Durugin si Totoy Bato, at Ang Mga Basang Sisiw, at Best Supporting Actress naman para sa Isang Bala Ka Lang.

Nang siya ay nagdalaga, kinuha siya ni Lily Monteverde para sa Regal Films at nasama si Vera sa grupong tinaguriang Regal “Crying Babies” kasama ng mga iba pang aktress sa kanyang henerasyon kagaya nina Maricel Soriano, Snooky Serna, at Janice de Belen. Gumanap siya sa anim na pelikula sa ilalim ng Regal, kasama ang “Where Love Is Gone”, “Mother Dear”, “To Mamma With Love”, at “Daddy's Little Darling”,

Si Vega ay isa ring mang-aawit. Nakumbinsi siya ng kanyang nakatatandang kapatid na si Jeffrey (o Joey) kahit na sa una ay hindi pumayag si Julie. Nag-ensayo siya ng pag-awit sa ilalim ng batikang manunulat ng kanta na si Cecile Azarcon. Dahit dito, inawit niya ang mga theme song ng ilan sa kanta sa kanyang mga pelikula katulad ng Where Love Has Gone, Mother Dear, Don't Cry For Me Papa, at Daddy's Little Darling na naging patok naman sa takilya.

Sa isang pag-awit ni Vega sa pagtagyod ng Where The Love Is Gone, nadiskubre siya ni Bong Carreon na nag-alok sa kanyang maging bahagi ng Emerald Recording Company na nasa pagmamay-ari ni Carreon at ng kanyang asawang si Imelda Papin na batikang mang-aawit. Ang una niyang awitin, ang Somewhere in My Past na sinulat ni Mon del Rosario, ay naging gold record matapos lamang ng ilang linggo pagkalabas nito. Dahil sa tagumpay ng Somewhere In My Past, napagpasyahan nina Carreon at Papin na pagawin si Vega ng isang buong album. Nilalaman ng unang album ni Vega ang Somewhere In My Past, kasama ang iba pang awit kagaya ng Someone Special at The Memory Will Remain. Ayon kay Vega, nahiligan niya ang pag-awit dahil naging paraan ito upang maipahiwatig niya ang kaniyang mga saloobin. Naging mas makabuluhan ito nang namatay ang kanyang kapatid na si Joey na siya ring nanghikayat sa kanyang pag-awit. Sisaksak nang paulit-ulit si Joey noong 1983 ng mga bayarang mamamatay-tao habang kasama ang mga kaibigan nito ngunit napagkamalan lamang si Joey para sa kanilang tunay na pinupuntirya. Ang pagkamatay ng kanyang kapatid ay dinamdam ni Vega, at nagpahiwatig ito ng paulit-ulit na hangad niyang makasama ang kapatid sa kabilang buhay. Sa panahon ng pagpanaw ni Vega, dapat ay ipo-promote niya ang First Love, magsisimula sa isang bagong record para sa Emerald na puro awiting Filipino ang nilalaman, at aawit kasama si Imelda Papin sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Pag-aaral

Kahit na atubili siya sa kanyang buhay-artista, nakahanap pa rin ng panahon sa pag-aaral si Vega. Nag-aral siya sa Our Lady of Sacred Heart School mula elementarya hanggang sa unang taon ng sekondarya bago siya lumipat sa St. Joseph's College. Napili ang mga paaralang ito dahil sa kalapitan nila sa tahanan ni Vega sa Cubao sa lungsod ng Quezon. Dapat ay mag-aaral siya ng kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas sa panahon ng kaniyang pagkakasakit at pagkamatay.

Pagkakasakit at pagkamatay

Di kalaunan ng kanyang pagtatapos ng sekondarya noong 1985, nag-umpisang magbigay ng hinaing si Vega ukol sa panghihina at pagkawala ng pakiramdam, lalo na sa ilalim na bahagi ng kanyang katawan. Nang siya ay napatingnan sa isang pribadong ospital, nalaan na meron siyang demyelinating disease na pinaghihinalaang Guillain-Barre syndrome na katulad ng multiple sclerosis maliban sa palala ng palala ang sakit ni Vega. Nang inilipat siya sa Quezon Institute dahil sa tumataas na mga gastusin, nahawaan din siya ng bronchopneumonia na nagpalala ng kanyang kondisyon. Namayapa siya noong 6:30 ng gabi ng 6 Mayo 1985 sa Lung Center of the Philippines, 15 na araw lamang bago ang kanyang ika-17 kaarawan. Dahil sa biglaan niyang pagkamatay, hindi natapos ang kwento ng Anna Liza at nagdulot ng hinagpis sa maraming Pilipino. Pagkatapos iburol sa Mount Carmel Church sa siyudad ng Quezon, inilibing siya sa Loyola Memorial Park sa siyudad ng Marikina na dinalunan ng libu-libong mga tagahanga at mga karamay sa larangan ng showbiz.

Pagsasadula ng buhay sa Maalala Mo Kaya

Ang buhay ni Vega ay isinadula sa programang Maalala Mo Kaya noong 2 Oktubre 2003. Ginampangan ni Angelica Panganiban ang papel ni Vega at ginampangan nina Rio Locsin at Michael de Mesa ang mga magulang ni Vega. Pinuri ang palabas ng mga kritiko at mga tagahanga ni Vega. Kapansin-pansin ang paggamit ng aktuwal na footage mula sa libing ni Vega na nagtampok hindi lamang ng mga tagahanga ngunit pati na rin mga artista tulad nina Fernando Poe, Jr. at Janice de Belen. Ang footage ay pinahiram mismo ng mga Postigo.

Sanggunian