Julian Felipe

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Julian Felipe

Si Julian Felipe ay ang bantog na kompositor ng musika ng Lupang Hinirang, ang Pambansang Awit ng Pilipinas na may orihinal na pamagat na Marcha Filipina Magdalo. Ito ay unang pinatugtog noong 12 Hunyo 1898 sa Kawit, Cavite nang ideklara ang Unang Republika ng Pilipinas. Ito ay tinugtog ng bandang San Francisco de Malabon sa kompas ni Felipe. Matapos ang isang taon, ang tula na “Filipinas” ni Jose Palma ang naging titik ng pambansang awit.

Talambuhay

Isinilang si Julian Felipe noong 28 Enero 1861 kina Justo Felipe at Victoria Reyes. Sa edad na 10, pinagbuti ni Felipe ang kaniyang talento sa musika sa tulong ni Leandro Cosca, isang musikero sa Cavite. Nang mamayapa si Cosca, tinuruan ng paring si Pedro Catalan si Felipe na tumugtog ng piyano. Kinalaunan, naging piyanista sa Simbahan ng San Pedro si Felipe. Nagturo rin siya sa La Sagrada Familia, at nagsimulang lumikha ng mga awitin.

Bilang isang kompositor, kilala si Felipe sa kaniyang musika tulad ng Aurorita, Danza (Early Dawn Danza), Cintas y Flores (Ribbons and Flowers), at Motete al Santisimo (Motet to the Most Holy).

Marcha Nacional Filipina

Lumahok sa Himagsikan si Felipe noong 1896 at nabilanggo sa Fort Santiago kasama ang tinatawag na “Trece Martires” ng Cavite. Napatunayang inosente si Felipe at pinalaya noong 2 Hunyo, 1897, habang binitay ang kaniyang mga kasama.

Inatasan ni dating Pangulong Emilio Aguinaldo si Felipe na gumawa ng isang awitin para sa bansa, at ito ang Marcha Nacional Filipina, na kilala rin bilang Himno Nacional Filipino. Pinatugtog ito habang itinataas ang Watawat ng Pilipinas noong 12 Hunyo, 1898 sa Kawit, Cavite. Idineklara bilang pambansang awit ng bansa ang Marcha Nacional Filipina noong 5 Setyembre 1938.

Matapos ang Digmaang Pilipino-Amerikano, itinalaga si Felipe bilang direktor ng Banda Nacional ng Unang Republika ng Pilipinas noong 1899.

Nagkaroon ng apat na anak sina Felipe at ang asawa nitong si Irene Tapia. Namatay si Felipe noong 2 Oktubre, 1944.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.