Juan de Arrechederra

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Juan de Arrechederra ay ang ika-42 na naging gobernador-heneral ng Pilipinas noong panahon ng mga Espanyol. Siya ang pumalit kay Gaspar de la Torre. Siya ay naglingkod mula 21 Setyembre 1745 hanggang 20 Hulyo 1750.

Si Arrechederra ay nagmula sa Caraca, Venezuela. Siya ay kasapi ng Dominican Order at nakapaglingkod bilang rektor ng Unibersidad ng Santo Tomas. Naihalal din siyang obispo ng Nueva Segovia (Vigan, Ilocos Sur). Naging bikaryo rin siya ng Parokya ng Cavite, propesor ng teolohiya sa Colegio de San Juan Letran.

Nang mamayapa si Gobernador-Heneral Torre, pansamantalang umupo bilang gobernador-heneral si Arrechederra. Isang liham naman mula sa Madrid ang nagpresenta kay Arrechederra sa Hari ng Espanya noong 1750. Agad namang ipinag-utos ng hari na ipahayag ng Santo Papa ng Simbahang Katoliko ang pagkilala kay Arrechederra bilang obispo ng Nueva Segovia at pinagtibay ang posisyon nito bilang gobernador-heneral.

Sa panahon ng panunungkulan ni Arrechedera bilang gobernador-heneral, malugod niyang tinanggap si Ali Muddin, sultan ng Sulu, nang humiling ito ng tulong sa mga Espanyol noong 2 Enero 1749, nang agawin ng kaniyang nakababatang kapatid ang trono bilang sultan. Hiniling din ni Ali Muddin na mabinyagan bilang Kristiyano. Agad naman siyang bininyagan noong 29 Abril 1750 sa Paniqui, Tarlac, at binigyan ng bagong pangalan bilng Don Fernando de Alimuddin.

Namayapa si Arrechederra noong 12 Nobyembre 1571 nang wala pa rin ang pahayag na nagmumula sa Santo Papa.

Sanggunian

Carlos L. Quirino, ed. Maria Eloisa G. Pargo de Castro. “Governors-General of the Philippines.” Old Manila 2nd Edition, p. 292. Quezon City: Vibal Foundation, 2020.  

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.