Juan Sebastián Elcano

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Juan Sebastián Elcano (minsan ay maling binaybay na del Cano[1]; 1486 o 1487–Agosto 4, 1526) ang namuno sa Victoria, ang natirang barko ni Ferdinand Magellan mula sa limang orihinal na barko na naglakbay para hanapin ang Spice Islands (Moluku o Moluccas Islands) sa ruta mula sa Sanlucar de Barrameda, Espanya papuntang Kanlurang Africa hanggang Brazil, at hanapin ang isang kipot sa Timog Amerika upang tahakin ang Karagatang Pasipiko. Ang kanilang paglalayag ay nagsimula noong 20 September 1519.

Nakarating sila sa Pilipinas noong 17 Marso 1521. Gayunman, mula sa 270 kalalakihan na orihinal na kasama sa nabegasyon ni Magellan, 18 Europeo lamang ang matagumpay na nakabalik sa Espanya. At hindi kasama si Magellan sa mga ito dahil namatay na siya sa Labanan sa Mactan noong 27 Abril 1521.

Kasama rin ang Italyanong iskolar at eksplorador na si Antonio Pigafetta sa mga nakabalik sa Espanya. Ang kanilang pagbabalik noong Setyembre 1522 ay nagresulta upang makompleto nila ang pangarap ni Magellan na sirkumnabegasyon ng mundo.

Pagkasilang at Kamatayan

Si Elcano ay isinilang sa Getaria, sa lalawigan ng Guipúzcoa sa Basque, Kaharian ng Castile, na bahagi na ngayon ng Espanya. Isa siyang Baskong (Kastilang) nabegador. Namatay siya habang nasa Karagatang Pasipiko nang muli siyang maglakbay bilang isa sa mga itinalagang kapitan ng barko ng Ekspedisyong Loaísa (nagsimula 1525). Sa biyaheng ito, kasamang kapitan niya si García Jofre de Loaísa at nagkaroon sila ng pitong barkong pinaglayag para angkinin ang Spice Islands (Kapuluang Maluku, Kapuluang Molukas o Kapuluang Moluccas) para kay Carlos I ng Espanya. Kapuwa namatay sina Elcano at Loaísa, kasama ang iba pang mga mandaragat dahil sa malnutrisyon habang nasa Karagatang Pasipiko. Narating ng mga nananatiling-buhay ang kanilang layuning pook subalit iilan lamang ang nakabalik sa Espanya—ang ikalawang sirkumnabigasyon sa kasaysayan matapos ang kay Elcano. Kilala rin siya bilang Juan Sebastián de Elcano.[2]

Mga Sanggunian

  1. Karnow, Stanley (1989). "Juan Sebastián del Cano". "In Our Image, America's Empire in the Philippines", Random House, Inc., New York, ISBN 0345328167.
  2. Juan Sebastián de Elcano, Hispanos Famosos, Coloquio.com

Pagkilala

Wikipedia.png Hinango sa Wikipedia ang nilalaman ng pahinang ito na nagmula sa Juan Sebastián Elcano. Ang talaan ng mga may-akda ay makikita sa pahina-kasaysayan. Kahalintulad ng Wikipedia, binibigyang-pahintulot ng WikiFilipino ang muling paggamit at pakikinabang sa mga nilalaman nito sa ilalim ng GNU Free Documentation License. Basahin ang kumpletong pagtatanggi/pagtatatwa.