Juan Niño de Tabora

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Juan Niño de Tabora ay ang ika-19 na naging gobernador-heneral ng Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Siya ang pumalit kay Fernando de Silva. Naglingkod siya mula 29 Hunyo 1626 hanggang 22 Hulyo 1632.

Si Tabora ay nagmula sa Galicia at nanatili sa Habsburg Netherlands noong kaniyang kabataan. Nagsilbi siya sa Hukbo ng Flanders at sa korte ng Archdukes of Albert and Isabella.

Hirap at Tagumpay

Iniwan ni Tabora ang Bagong Espanya (Viceroyalty of New Spain) noong 25 Marso 1626 nang atasan siya na maging gobernador-heneral at presidente ng Audencia Real ng Maynila. Dinala niya ang imahen ni Birhen Maria na gawa sa kahoy, mula sa New Spain, na pinaniniwalaang nagbigay sa kanila ng proteksiyon sa paglalayag nila na umabot ng 13 buwan dahil sa mga bagyo at nasunod pa ang isang bahagi ng kanilang barko. Ang imaheng ito ay kinilala bilang Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje (Our Lady of Peace and Good Voyage). Nagpadala si Tabora ng eskuwadron sa Formasa (Taiwan) noong 1627 upang bigyan ng suplay ang kuta ng mga Espanyol roon at subukang paalisin ang mga Dutch sa kanilang kuta.

Matapos ang mga paghihirap sa paglalayag dulot ng masamang panahon, ang mga galera ay nagpatuloy sa Formosa at nakita ang kuta ng mga Dutch bago sila makabalik. Isang malakas na bagyo ang kanilang naranasan na naging dahilan para lumubog ang kanilang mga barko nang sila ay makabalik sa Maynila. Sa kabilang banda, ang maliit na barkong Rosario, na may sakay na mga pagkain at sundalo, ay nakarating upang maibigay ang suplay sa kuta ng mga Espanyol at lusubin ang mga Formosano bilang ganti sa unang pag-atake nito kung saan maraming napatay na Espanyol.

Sa termino rin ni Tabora, naatasan ang dalawang galeon na alalayan at proteksiyonan ang limang barko ng mga Portuguese na punô ng pilak pabalik sa Macao nang matanggap nila ang balita na nag-aabang sa mga ito ang mga barko ng Dutch upang lupigin ang mga Portuguese. Nagbayad ang mga Portuguese ng 20,000 piso para sa binigay na proteksiyon ng mga Espanyol. Gayunman, sa kanilang pagdating, ang mga Dutch ay tuluyan nang nagapi ng mga Portuguese sa Macao at iniwan ang kanilang posisyon. Hindi rin nakita ng mga Espanyol ang mga Dutch sa kanilang paglalayag. Dahil dito, nagalit ang mga Portuguese dahil nakapagbayad sila ng 20,000 piso na hindi nalalaman ito. Ang mga galeon ay nakabalik naman sa Maynila noong 13 Hunyo 1628.

Sa parehong taon, itinatag ni Tabora ang pagawaan ng barko sa Camarines. Sa kasamaang-palad, nakamkam ng Hari ng Jolo ang pagawaan ng barko, maging ang ilang barko. Nang malaman ito ni Tabora, ipinag-utos niyang gumanti laban sa Jolo. Matagumpay nilang nalusob at sinunog ang ang isang pamayanan na kinalalagyan ng kuta ng hari. Napatay rin ang ilang mamamayan ng Jolo.

Si Tabora ay namatay noong 22 Hulyo 1632.  

Sanggunian

Carlos L. Quirino, ed. Maria Eloisa G. Pargo de Castro. “Governors-General of the Philippines.” Old Manila 2nd Edition, p. 290. Quezon City: Vibal Foundation, 2020.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.