Juan Miguel Zubiri

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Miguel Zubiri Senate 2018 (cropped).jpg

Si Juan Miguel Zubiri (isinilang noong 13 Abril 1969) na kilala rin bilang Migz Zubiri, ay isang Pilipinong negosyante at politikong nagsisilbi bilang senador ng Pilipinas simula 2007. Siya ang kasalukuyang Lider ng Mayorya sa Senado. Siya rin ay dating kongresista ng Ikatlong Distrito ng Bukidnon noong 1998 hanggang 2007.

Siya rin ang nagpasimula ng Philippine Dear Foundation at Bise Presidente ng Katala Foundation. Gobernador din siya ng Philippine Red Cross at bahagi ng Red Cross Youth Committee at ng Concerned Divers of the Philippines. Si Zubiri din ang namumuno sa Eskrima Kali Arnis Foundation.

Umalis sa puwesto si Zubiri noong 2011 matapos maakusahan ng pandaraya sa nangyaring halalan 2007 na inihain ni Senador Koko Pimentel. Siya ang kauna-unahang senador na nagbitiw sa kaniyang puwesto dahil sa alegasyon ng dayaan sa eleksiyon.

Personal na buhay

Si Juan Miguel “Migz” Zubiri ay isinilang noong 13 Abril 1969 sa Lungsod Makati. Siya ay anak ni Jose Maria Rubin Zubiri na mula sa Negros Occidental na mayroong lahing Espanyol, at ni Maria Victoria Ocampo Fernandez na mula sa Libon, Albay ngunit lumaki sa Bukidnon. Si Zubiri ay nakapagsasalita ng Cebuano, Filipino, English, at Hiligaynon. Ang kaniyang ama ay naging gobernador ng lalawigan ng Bukidnon.

Nagtapos ng elementarya at haiskul si Zubiri sa Colegio San Agustin – Makati habang natapos naman niya ang kursong Bachelor of Science in Agribusiness Management sa University of the Philippines – Los Baños. Nakamit niya ang kaniyang Master of Environment and Natural Resources Management degree sa University of the Philippines Open University. Noong 2018, ipinagkaloob sa kaniya ang Honorary Fellowship ng Royal Institution of Singapore.

Pinakasalan ni Zubiri noong 2005 si Audrey Tan na isang personalidad sa TV at nagtapos ng pag-aaral sa Universidad Complutence de Madrid sa Spain. Nagkaroon sila ng tatlong anak na sina Ma. Adriana, Juanmi, at Santi.

Maliban sa kaniyang mga gawain bilang isang politiko, aktibo rin si Zubiri sa iba’t ibang organisasyong may kinalaman sa kalusugan, isports, at kalikasan. Siya ang nagtatag ng Philippine Deer Foundation, isang samahang naglalayong masagip ang mga usa sa Pilipinas. Nagsilbi rin siya bilang Bise Presidente ng Katala Foundation ng Palawan na nangangalaga naman sa hayop sa kagubatan at kalikasan. Isa rin siyang bihasang tagapagbigay ng paunang lunas sa mga nalulunod at isang sertipikadong rescue diver at bahagi ng Concerned Divers of the Philippines. Siya rin ang gobernador ng Philippine Red Cross at aktibong miyembro ng Red Cross Youth Committee.

Nakapaglimbag din si Zubiri ng dalawang aklat: Ang Philippine Cooperative Code of 2008 at ang Bukidnon: The Philippine Frontier.

Isa si Zubiri sa mga unang lingkod bayan na tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Noong Marso 16, 2020, inanunsiyo ni Zubiri na siya ay positibo sa virus na gumaling din kalaunan.

Politika

Kongreso (1998 – 2007)

Nag-umpisa si Zubiri bilang chief of staff ng kaniyang ama na noon ay kongresista ng Bukidnoon. Naglingkod siya sa ama simula 1995 hanggang 1998. Matapos ang isang termino ng ama, nagpasiya si Zubiri na tumakbo bilang kongresista ng Ikatlong Distrito ng Bukidnon. Nanalo siya at opisyal na nanungkulan noong 1998. Naging matunog ang pangalan ni Zubiri nang mapasama sa “Spice Boys,” isang grupo ng mga baguhang kongresista na naging kritikal sa pamamalakad ni dating Pnagulong Joseph Ejercito Estrada. Muli siyang nahalal sa parehong posisyon noong 2001 at 2004.

Senado

Napasama si Zubiri sa mga kandidato ng Lakas CMD para sa pagakasenador na mga kaalyado ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2007. Pagkatapos mabilang ang boto, naging dikit ang laban nina Zubiri at Koko Pimentel sa huling puwesto sa Senado. Bandang huli, si Zubiri ang nanalo matapos makakuha ng 11,001,730 laban sa 10,983,358 botong nakuha ni Pimentel. Ang higit 18,000 botong lamang ni Zubiri ay kinuwestiyon ni Pimentel lalo na ang pagkakapanalo ni Zubiri nang malaki sa lalawigan ng Maguindanao.

Sa paniniwalang dinaya ang mga boto mula sa Maguindanao, naghain ng petisyon si Pimentel sa Korte Suprema upang ipawalang bisa ang mga boto sa lalawigan. Gayunman, bumoto ang Korte Suprema 14-0 kontra sa petisyon ni Pimentel at nandigang dapat bilangin ang mga boto sa Maguindanao. Noong 14 Hulyo 2007, pormal na ipinroklama si Zubiri bilang nanalong senador.

Noong Marso 2008, naglabas ng 40 pahinang desisyon ang Korte Suprema na nilikha ni Associate Justice Minita Chico-Nazario na nagbabasura nang tuluyan sa petisyon ni Pimentel.

Sa edad na 39, si Zubiri ang pinakabatang senador na mahalal bilang Lider ng Mayorya sa Senado simula noong 1946. Sa kaniyang pamumuno bilang lider ng mayorya, nasa 650 na panukala ang tuluyang naisabatas. Kabilang sa mga tinutukan ni Zubiri ay ang Renewable Energy Act of 2008 (RA 9153) at Biofuels Act of 2006 (RA 9367) na naging dahilan para makilala siya bilang Mr. Clean Energy.

Nakilala rin siya bilang “Father of the New Cooperative Code” dahil sa pagiging awtor ng RA 9520 o ang Philippine Cooperative Code of 2008.

Pagbibitiw sa Senado

Gayunman, noong 3 Agosto 2011, sa isang privilege speech sa Senado, inanunsiyo ni Zubiri ang kaniyang pagbibitiw bilang senador ng Pilipinas. Ayon kay Zubiri, bagaman napatunayan na wala siyang kinalaman sa anumang dayaan noong eleksiyon, patuloy pa rin siyang nasasaktan at kaniyang pamilya sa mga akusasyon laban sa kaniya. Dagdag pa ni Zubiri, ang trial by publicity raw na umiiral laban sa kaniya ay lubos na nakaaapekto sa kaniyang dangal at sa damdamin ng kaniyang pamilya.

“Without admitting any fault and with my vehement denial of the alleged electoral fraud hurled against me, I am submitting my resignation as a duly elected Senator of the Republic of the Philippines in the election for which I am falsely accused without mercy and compassion. My political detractors began calling me ugly names and dragging the name of my family in entirety. In other words, Mr. President, the trial by publicity has begun.”

Ang kaniyang pagbibitiw ay umani ng iba’t ibang reakisyon. Nagpaabot ng paghanga sa kaniya ang Malacañang at iba pang sektor. Para naman sa ilan, ang pagbibitiw ni Zubiri ay isang patunay na mayroong pag-asa sa mga inihahaing reklamo na patungkol sa dayaan sa elekisyon.

Si Zubiri din ang kauna-unahang senador na nagbitiw sa puwesto matapos maakusahan ng pandaraya sa eleksiyon.

Pagbabalik sa senado

Apat na taon matapos ang pagbibitiw, muling inanunsiyo ni Zubiri ang interes sa pagtakbong muli sa senado. Kasama ang kaniyang asawa, naghain ng kandidatura si Zubiri sa COMELEC noong Oktubre 2015. Ayon kay Zubiri, sa mga panahong nawala siya sa Senado ay natuon ang kaniyang oras sa kaniyang mga negosyo at sa pamilya at wala na raw sana siyang balak bumalik sa politika. Gayunman, dahil sa paglabas ng pangalan ni Zubiri bilang malakas na kandidato sa pagkasenador sa mga sarbey, napagdesisyunan niyang tumakbong muli.

Bagaman isang independent na kandidato, maraming partido ang umampon kay Zubiri. Nanalo siya noong halalan 2016 at nakakuha ng 16 milyong boto at nagtapos sa pang-anim na puwesto.

Muli siyang nahalal bilang Lider ng Mayorya sa Senado sa ika-17 Kongreso. Tinutukan naman ni Zubiri ang mga batas pangkapayapaan tulad ng Bangsamoro Basic Law.

Halalan 2022

Ipinahayag ni Zubiri na tatakbo siyang muli sa pagkasenador sa halalan 2022. Sa isang pahayag, sinabi nitong tinanggap niya ang imbitasyon ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Sara Duterte dahil mula siya sa Mindanao. Gayunman, sinabi rin niya na dahil nakatanggap siya ng alok mula sa 1Sambayan, na pag-iisipan niya raw dahil ayaw niyang masangkot sa anumang kulay ng politika dahil tulad noong 2016, nais niyang maging isang kandidatong independent.

Ipinahayag din ni Zubiri na kung patuloy na tataas ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, niniwala siya sa naging result ng Ulat ng Bayan ng Pulse Asia na 46 na porsiyento ng mga Pilipino ang hindi boboto sa halalan 2022.

Mga naipasang batas

  • RA10068 – Organic Agriculture Act of 2010
  • RA 9147 – Wildlife Conservation and Protection Act
  • RA 10121 – Philippine Disaster Risk Management Act
  • RA 9165 – Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002
  • RA 9679 – the Home Development Mutual Fund Law of 2009 (Pag-IBIG Fund)
  • RA 9653 – the Rent Control Act of 2009
  • RA 9997 – the National Commission on Muslim Filipinos Act of 2009
  • RA 9996 – the Mindanao Development Authority Act of 2010
  • RA 9904 – the Magna Carta for Homeowners and Homeowners’ Associations
  • RA 9903 – Condonation of Penalties on Delinquent Social Security Contributions
  • RA 9507 – the Socialized and Low-Cost Housing Loan Condonation Program
  • RA 9850 – Declaring Arnis as the National Martial Art and Sport
  • RA 9500 – UP Charter Amendments
  • RA 9163 – National Service Training Program
  • RA 9166 – Armed Forces of the Philippines Rate Pay Base Increase Act
  • RA 10072 – The New Charter of the Philippine Red Cross
  • RA 9645 – Declaring July 27 of Every Year as Araw ng Iglesia Ni Cristo and as Special Working Holiday
  • RA 9849 – Declaring EidulAdha as a National Holiday
  • RA 10962 – Gift Check Act of 2017
  • RA 11032 – Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.