Joseph Ejercito Estrada

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Joseph Estrada.

Si Jose Marcelo Ejercito (ipinanganak 19 Abril 1937), na mas kilala bilang Joseph Ejercito Estrada, o Erap ang ika-13 Pangulo ng Pilipinas mula 1998 hanggang 2001. Siya ay nahalal na Mayor o Alkalde ng Maynila noong 13 Mayo 2013.

Siya ay isang dating aktor at nagsilbi bilang alkalde ng San Juan, senador at pangalawang pangulo bago naging pangulo ng Pilipinas noong 1998. Siya ay napatalsik sa pagkapangulo noong 2001 matapos akusahan ng korupsiyon na humantong sa impeachment at pagpoprotesta ng mga tao sa tinatawag na "EDSA II". Siya ay nahatulang nagkasala sa kaso ng pandarambong at nahatulan ng reclusion perpetua. Siya ay humiling ng kapatawaran at pinatawad ni Gloria Macapagal-Arroyo noong 2007.

Talambuhay

Si Joseph Estrada ay ipinanganak noong ika-19 Abril 1937 sa Tondo, Maynila kina Emilio Ejercito, Sr., na isang inhinyero, at Maria Marcelo. Siya ay pinatalsik sa kanyang mga pag-aaral na pang-primarya sa Ateneo de Manila University at kalaunang pumasok sa kursong inhinyerya sa Mapua Institute of Technology. Huminto sa pag-aaral si Estrada sa kolehiyo upang pumasok sa larangan ng pelikulang Pilipino sa edad na 21. Nakagawa siya ng mahigit kumulang na 120 pelikula, at karamihan sa mga ito ay mga action-comedy kung saan siya ang bida na ginaganapan ang mga papel ng mga taong mahirap o mga nasa mababang antas ng lipunan. Napagwagian niya ang ilan sa pinakamataas na gantimpala at gawad sa pag-arte at pagiging direktor ng pelikula. Ginamit niya ang pangalang “Joseph Estrada” dahil sa pagtutol ng kaniyang ina sa kaniyang pag-aartista at pagtigil sa pag-aaral. Nakilala siya sa tawag na “Erap”, mula sa binaliktad na “pare”, na siyang tawag sa kaniya ng kaniyang kaibigang si Fernando Poe Jr.

Alkalde ng San Juan

Noong 1968, si Estrada ay tumakbo sa halalan ng pagka-alkalde ng San Juan, Kalakhang Maynila. Siya ay natalo kay Dr. Braulio Sto. Domingo. Gayunpaman, si Estrada ay pinroklamang nagwagi matapos niyang magsampa ng protestang elektoral. Si Estrada ay nagsilbing alkalde ng lungsod sa loob ng 16 na taon.

Noong 1977, pinarangalan siya bilang "Outstanding Mayor and Foremost Nationalist" ng Inter-Provincial Information Service at ng sumunod na taon bilang "Most Outstanding Metro Manila Mayor" ng Philippines Princetone Poll.

Kabilang siya sa mga alkalde na sapilitang inalis nang humalili si Corazon C. Aquino bilang pangulo ng Pilipinas pagkaraang mapatalsik si Ferdinand E. Marcos sa pwesto noong ika-25 Pebrero 1986 sa pamamagitan ng People Power Revolution.

Senado

Tumakbo si Estrada sa ilalim ng partidong Grand Alliance for Democracy at matagumpay na nahalal sa Senado ng Pilipinas (Ika-walong Kongreso). Sa 24 kandidato para sa senado, si Estrada ang ika-16 kandidatong may pinakamataas na boto.

Nahirang siya bilang chairman ng Committees on Cultural, Rural Development, and Public Works. Siya rin ay naging Vice Chairman ng Committees on Health, Natural Resources and Urban Planning. Kabilang sa mga panukalang batas na isinulong niya ay yaong ukol sa agrikultura, mga proyektong irigasyon sa pagsasaka at pagpapalawig at pag-protekta sa kalabaw. Noong 1989, tinanghal siya ng Philippine Free Press bilang isa sa “Three Outstanding Senators of the Year”.

Bilang senador, bumoto siyang tapusin na ang kasunduang baseng militar ng Estados Unidos at Pilipinas na nagresulta sa pag-alis ng mga Amerikanong servicemen sa Clark Air Base sa Pampanga at Subic Naval Base sa Zambales.

Pangalawang Pangulo

Nakatulong nang malaki sa pagkapanalo niya bilang bise presidente ang kaniyang popularidad bilang aktor noong halalan ng 1992. Siya ay nagwaging pangalawang pangulo ngunit ang kanyang running mate na si Danding Cojuangco ay natalo sa pagkapangulo kay Fidel V. Ramos. Bilang Pangalawang Pangulo, pinamahalaan ni Estrada ang Komisyon Laban sa Krimen (Presidential Anti Crime Commission) mula 1992 hanggang 1997.

Bilang pangulo (1998–2001)

Noong 1998, nanalo si Estrada sa halalan sa ilalim ng partidong Laban ng Makabayang Masang Pilipino (LAMMP). Nakakuha siya ng 10,956,610 boto o 39.6% ng lahat ng boto. Ginamit niyang islogan sa kanyang panganampanya ang "Erap Para sa Mahirap". Sa kanyang talumpati sa inaugurasyon noong 30 Hunyo 1998, isinaad ni Estrada: Ngayon pa lamang, ang mga kamag-anak ko ay nilalapitan na ng kung sinu-sino. Kung anu-anong deal at kickback ang ipinangangako.

Binabalaan ko sila: ang kanilang inilalapit ay ebidensiyang gagamitin ko sa pag-usig sa kanila, kapag itinuloy nila ang kanilang maruming balakin. Tandaan nila ito. Lalong mabuti, maghanda sila. Huwag nila akong subukan!

Sa aking administrasyon, walang kaibigan, walang kumpare, walang kamag-anak.

Ekonomiya

Noong 1998, sinubukan ni Pangulong Estrada na ipagpatuloy ang reporma ng nakaraang administrasyon ni Fidel V. Ramos. Sa ilalim ng pamumuno ni Estrada mula 1998 hanggang 2000, lumago ang Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas ng 2.9 porsyento. Ang administrasyong Estrada ay inakusahan ng cronyism, korupsiyon at inkompetensiya na nagdulot ng kawalang pagtitiwala ng mga imbestor na dayuhan. Ito ay karagdagang napinsala nang sa kanyang ikalawang taon, si Estrada ay inakusahan ng paggamit ng impluwensiya niya sa imbestigasyon ng isang kaibigang nasangkot sa pagmamanipula ng stock market. Ang mga kaguluhan gaya ng mga pambobomba, mga pagdukot, mga kalamidad at iba pa ay nag-ambag sa mga problema sa ekonomiya. Bago matapos ang panunungkulan ni Estrada, umabot sa $100 bilyon ang deficit ng Pilipinas mula sa $49 bilyon noong 1998. Gayunpaman, tumaas ang rate ng Gross National Product (GNP) sa 3.6 posyento noong 1999 mula 0.1 porsiyento noong 1998 at ang rate ng paglago ng GDP ay naging 3.2 porsiyento mula sa -0.5 porsiyento noong 1998. Ang utang ng bansa ay umabot sa P2.1 trilyon noong 1999. Ang utang sa loob ng bansa ay P986.7 bilyong piso samantalang ang utang sa mga dayuhan ay umabot sa $52.2 bilyong dolyar. Ang ‘’impeachment’’ ni Estrada dahil sa korupsiyon at ang kanyang pag-alis sa puwesto ay nagdulot ng mababang pag-unlad.

Akusasyon ng korupsiyon

Noong Oktubre 2000, ibinunyag ng malapit na kaibigan ni Estrada na si Chavit Singson, na kanyang personal na ibinigay kay Estrada ang P400 milyong kabayaran para sa jueteng gayundin ang P180 milyon mula sa subsidiya ng presyo ng pamahalaan para sa kooperatibang marketing ng mga magsasaka ng tabako. Ito ay humantong sa paghahain ng impeachment laban kay Estrada noong ika-13 Nobyembre 2000. Sina Rep. Heherson Alvarez, Teodoro Casiño at Teresita Quintos Deles ay naghain ng reklamo laban kay Estrada sa mga sumusunod na kadahilanan: panunuhol; pagtanggap ng jueteng payola na P10 milyon kada buwan mula sa mga jueteng lord; pagkuha ng P130 milyon mula sa buwis ng tabako na sinasabing para sa mga gastusin sa halalan noong 1998; direktang paglahok sa negosyong real estate ng kanyang pamilya na nagtayo ng mga 36 townhouse sa Vermont Park Executive Village, Antipolo City; panunumpa sa kanyang Statement of Assets and Liabilities (SALN) na tatlo lamang ang negosyo ng kaniyang pamilya bagama’t batay sa rekord ng gobyerno ay mayroong aabot sa 59 iba pang mga kompanya ang kaniyang pamilya, asawa at mga anak; pagtatangkang ipawalang sala si Dante Tan na kaibigan ni Estrada mula sa mga akusasyon ng insider trading at manipulasyon ng presyo ng stock ng Best World Gaming; pagtatakip sa sinasabing mga pang-aabuso ng kanyang dalawang anak na lalake na sina Jinggoy Estrada na nakipag-away sa mga doktor sa isang hospital emergency room at Jude Estrada na nagpalipad ng eroplano ng pamahalaan sa Cagayan de Oro at umalis nang hindi nagbayad sa kanyang mga hotel at restaurant bill; paghirang sa kanyang pinsang si Cecilia Ejercito de Castro bilang presidential assistant bagama’t inangking hindi niya siya kilala sa kasagsagan ng 1998 textbook scandal; paghirang sa "higit sa isang daang mga kumpare bilang mga presidential adviser, mga consultants at mga assistant"; mabilis na paglago ng mga ari-arian sa mga negosyo ng kanyang pamilya; direktang pagsali sa negosyo at kanyang pamilya at mga kaibigan; paglabas ng P100 milyon sa charity sweepstakes funds sa isang foundation sa address ng kanyang tahanan; paglabag sa panunumpa sa opisina nang magkaloob siya ng mga ini-smuggle na luxury van sa mga kasapi ng kanyang gabinete; at paglabag sa isang 1994 desisyon ng korte suprema sa pamamagitan ng pahirang kina Ramon Cardenas, Magdangal Elma, Robert Aventajado, Ric Tan Legada, Gaudencio Mendoza, at Raul de Guzman sa maraming mga posisyon sa gobyerno.

Ang impeachment court ay pinangasiwaan ng punong mahistradong Hilario Davide, Jr.. Itinanggi ni Estrada ang mga akusasyon at kinuha bilang abogado sina dating punong mahistradong Andres Narvasa at Estelito Mendoza. Sa impeachment kay Estrada noong Disyembre 22, si Clarissa Ocampo na senior vice president ng Equitable PCI Bank ay nagpatotoo na si Estrada ay may layong isang talampkan mula sa kanya nang lagdaan ni Estrada ang mga dokumentong nakapangalan sa isang "Jose Velarde" na may kinalaman sa P500 milyong kasunduang pamumuhunan sa kanilang bangko noong Pebrero 2000. Ang unang sobre na binuksan ng tribunal nang nakaraang buwan ay naglalaman ng mga bank record ng Jose Velarde account na kinabibilangan ng isang trust account na pinatotohanan ni Ocampo. Sa impeachment court, ang Senado ay bumoto ng 11–10 na huwag buksan ang ikalawang sobre na naglalaman ng mga detalye ng mga account ni Jose Velarde sa EquitablePCI Bank. Noong 2001, tinukoy ni Internal Revenue Deputy Commissioner Lilian Hefti ang “Jose Velarde” bilang bahagi ng mga ari-arian ni Joseph Estrada(aka Jose Velarde at Kelvin Garcia. Natuklasan rin ang P1.107 bilyon sa cash at mga ari-arian sa isa pang "Jose Velarde" account sa Banco de Oro.[1] Inangkin rin ng Wellex Group Inc. (TWGI) na pag-aari ni William Gatchalian na si Estrada ang tunay na may-ari ng Jose Velarde account.

Mga senador na bumoto para buksan
ang ikalawang sobre
Mga senador na bumoto laban sa pagbukas
ng ikalawang sobre
  1. Rodolfo Biazon
  2. Renato Cayetano
  3. Franklin Drilon
  4. Juan Flavier
  5. Teofisto Guingona, Jr.
  6. Loren Legarda
  7. Ramon Magsaysay, Jr.
  8. Sergio Osmeña III
  9. Aquilino Pimentel, Jr.
  10. Raul Roco
  1. Robert Jaworski, Sr.
  2. Blas Ople
  3. Juan Ponce-Enrile
  4. Vicente "Tito" Sotto III
  5. Anna Dominique "Nikki" Coseteng
  6. John Henry Osmeña
  7. Gregorio "Gringo" Honasan
  8. Teresa "Tessie" Aquino-Oreta
  9. Ramon Revilla, Sr.
  10. Francisco "Kit" Tatad
  11. Miriam Defensor-Santiago

Pagkatapos ng boto laban sa pagbukas ng ikalawang sobre, si Sen. Aquilino Pimentel, Jr. ay nagbitiw bilang pangulo ng Senado at lumayas kasama ng siyam na senador ng oposisyon at labing-isang prosecutor. Ang mga pangyayaring ito ay humantong sa tatlong araw na pagpoprotesta ng mga tao sa makasaysayang EDSA Shrine kung saan rin ginanap ang 1986 People Power na nagpatalsik kay Ferdinand E. Marcos. Daan-daang tao ang nagprotesta at humiling sa pagbibitaw ni Estrada. Lumahok ang mga estudyante, mga propesyonal at iba't ibang mga pangkat sibiko sa tinawag na “EDSA Dos”. Mula daan-daan, umabot sa libo-libo ang bilang ng mga nagprotesta. Nagkaroon rin ng mga protesta sa ibang bahagi ng Pilipinas at sa mga lalawigan sa Visayas at Mindanao.

Noong ika-19 Enero 2001, sumali sa protesta sa EDSA ang hepe ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na si Angelo Reyes, at ipinahayag ang pag-urong ng suporta ng buong hukbong sandatahan kay Estrada. Noong ika-20 ng Enero, umabot sa EDSA ang balitang nagbitiw na sa puwesto si Estrada. Matapos ito ay idineklara na ng Korte Supremang bakante ang puwesto ng pangulo, at pinanumpa ni Chief Justice Hilario Davide ang kahalili ni Estrada na si Gloria Macapagal-Arroyo bilang pangulo ng Pilipinas. Pagkatapos nito, sinabi ni Estrada na siya pansamantalang aalis sa Malacañang matapos ang paghahain ng “leave of absence” noong ika-20 ng Enero.

Noong Pebrero 2001, binukasan ng Senado ang ikalawang sobra na nagpapakita ng mahigit sa P1 bilyong deposito ni Estrada sa Equitable PCI Bank sa ilalim ng pangalang "Jose Velarde" at isang liham mula sa kanyang crony si Jaime DiChaves na nag-angking siya si Velarde. Ang mga dokumento sa ikalawang sobre ay nagpapakita na ang 27 tseke na nagkakahalaga ng P175 milyon ay winithdraw mula sa Allied Bank head office branch account ng isang "Kelvin Garcia" na isa pang pekeng pangalang ginamit ni Estrada at idiniposito sa "Jose Velarde" account. Ang siyam sa mga tseke para kay "Kelvin Garcia" ay may kabuuang P10 milyon, lima para sa P5 milyon at tatlo para sa P20 milyon. Noong 2002, nagpatotoo si Manuel Curato, head of legal services sa Equitable PCIBank na nilagdaam ni Estrada ang pangalang "Jose Velarde" ng nasa labinlimang beses sa anim na iba't ibang dokumento ng bangko sa Malacañang Guest House "hindi bilang isang guarantor ngunit ang prinsipal na tagapagpautang". Inamin ni Estrada na kanyang nilagdaan ang "Jose Velarde" account sa Equitable-PCI Bank na nagkakahalagang P3.2 bilyong ngunit itinangging pag-aari niya ito. Kinumpirma rin ni Estrada ang patotoo ni Ocampo na siya ay "may layong isang talampakan" mula kay Ocampo nang kanyang lagdaan ang mga dokumento ng bangko bilang "Jose Velarde" noong ika-4 Pebrero 2000 at ito ay nangyari sa Malacañang Guest House at nasaksihan nina Manuel Curato, chief of staff, Aprodicio Laquian at abogadong si Fernando Chua. Sinabi ni Estrada na kanyang nilagdaan ang mga dokumento ng bangko bilang guarantor para sa isang P500 milyong utang na kinukuha ni William Gatchalian mula kay Jaime DiChaves. Nagpatotoo sina Ocampo at Curato na lumagda si Estrada bilang Jose Velarde sa ilalim ng mga nakaprintang salitang "the principal(s) by" sa Investment Management Agreement (IMA) ng bangko. Hindi sinalungat ni Jaime DiChaves ang desisyon ng korte na si Estrada ang may-ari ng Jose Velarde account.

Pag-aresto kay Estrada

Si Estrada ay dinakip noong ika-25 Abril 2001 sa kanyang bahay sa San Juan sa kasong pandarambong na inihain sa kanya ng Sandiganbayan. Nang malaman ng mga tagasuporta ni Estrada ang pagdakip sa kaniya, nagtungo sila sa EDSA para hilingin ang pagpapalaya sa kanya at pagbalik sa kaniyang pagkapangulo. Noong ika-1 Mayo 2001, ang mga nagpoprotestang pro-Estrada ay pumunta sa Malacañang. Tinawag na “EDSA III” ang protestang ito. Sumiklab ang karahasan sa pagitan ng mga pulis at mga nagpoprotestang mga taga-suporta ni Estrada na naging dahilan ng pagdedeklara ng isang State of Rebellion ng pamahalaan. Nagawang sugpuin ng militar ang paghihimagsik. Ang marami sa mga tagasuporta ni Estrada ay dinakip kabilang ang mga politikong sinasabing humikayat ng kaguluhan. Nabilanggo si Estrada sa loob ng anim na taon, una sa Veterans Memorial Medical Center, pagkatapos ay sa Camp Capinpin sa Tanay at sa huli ay sa kanyang Tanay rest house.

Pagsasakdal kay Estrada sa mga kasong pandarambong at perjury

Ang paglilitis ni Estrada ay naantala dahil ang kanyang mga abogado ay naghain ng petisyon na kanselahin ang paglilitis. Noong ika-10 Hulyo 2001, ilang oras bago ang panibagong skedyul ng kanyang pagsasakdal sa Sandiganbayan, ang kanyang mga abogado ay nagharin ng mosyon sa Korte Suprema upang ideklara na ang paglilitis sa Sandiganbayan ay hindi konstitusyonal. Dahil hindi nakapagpasa ang Korte Supre ng hatol sa mosyon sa panahon ng pagdinig sa Sandiganbayan, si Estrada ay sinakdal sa mga kaso ng pandarambong at perjury sa kabila ng kanyang pagtanggi na pumasok sa isang plea dahil hindi niya kinilala ang awtoridad ng korte. Ang kanyang kapwa-inakusahang sina Jinggoy Estrada at abogadong si Eduardo Serapio ay tumanggi ring pumasok sa isang plea at kaya ang Korte ay nagpasok ng isang plea na "hindi guilty" sa lahat ng akusado. Noong ika-19 Nobyembre 2001, ang Korte Suprema ay nagpasa ng hatol na ang R.A. 7080 o Plunder Law na inamiyendahan ng R.A. 7659 ay konstitusyonal at ibinasura ang petisyon ni Estrada.

Hatol kay Estrada sa kaso ng pandarambong

Noong ika-7 Setyembre 2007, ipinahayag ng korteng anti-korupsiyon ng Sandiganbayan, sa pangunguna ni Teresita De Castro, na magpopromulga na ang korte ng isang hatol sa ika-12 Setyembre 2007 para sa anim na taong paglilitis sa mga kasong pandarambong kay Estrada. Ang mga hatol ay ibababa rin sa kanyang dalawang kapwa akusado. Noong ika-12 Setyembre 2007, pinawalang sala ng Sandiganbayan si Estrada sa mga kaso ng perjury para sa hindi niya pagdedeklara ng kanyang katayuang pinansiyal sa kanyang SALN. Gayunpaman, siya ay hinatulang "nagkasala ng lagpas sa makatwirang pagdududa" para sa kaso ng pandarambong. Dahil dito, si Estrada ang unang pangulo ng Pilipinas na nahatulan sa gayong krimen. Si Estrada ay hinatulan ng reclusion perpetua at habambuhay na diskwalipikasyon sa pagtakbo sa halalan ng opisinang pampubliko. Isinaalang-alang ng korte ang anim na taong pagkabilanggo ni Estrada bilang panahong pinagsilbihan ngunit hindi maliwanag kung siya ay karapat dapat sa parole. Nagpasya rin ang korteng anti-graft na ipasuko sa gobyerno ang kanyang mga bank account sa gobyerno na nagkakahalagang P542 milyon kabilang ang mga interes, ang kanyang mga Jose Velarde account na nagkakahalagang P189 milyong kabilang ang mga interest, at ang Boracay mansion sa New Manila, Quezon City. Sina Jinggoy at Serapio ay napawalang sala. Ang isa pang akusadong si Charlie "Atong" Ang ay nahatulan ng hanggang anim na taong pagkakabilanggo at nasa probasyon mula Marso 2007. Ang ibang mga kapwa akusadong sina Yolanda Ricaforte, Jaime Dichaves, Alma Alfaro, Eleuterio Tan, at Delia Rajas ay nakakalaya pa rin at hindi nasakdal.

Noong ika-25 ng Oktubre 2007, ginawaran si Estrada ng presidential pardon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Inihayag ito ni dating press secretary Ignacio Bunye. Ayon kay Bunye, nagdesisyon si Arroyo na patawarin si Estrada base sa rekomendasyon ng Kagawaran ng Katarungan (Department of Justice), at dahil na rin sa hindi pag-apela ni Estrada sa naging hatol sa kaniya. Naging basehan rin ng pardon ang pagkakakulong ni Estrada sa loob ng anim na taon. Mababalik ang lahat ng karapatan ni Estrada kapag tinanggap niya ang pardon.

2010 halalan ng pagka-Pangulo

Noong 2010, si Estrada ay tumakbo sa halalan ng pagka-Pangulo at nagkamit ng ikalawang pinakamataas na boto na 9,487,837 o 26.25 porsyento ng kabuuang boto. Bago ng halalan, naghain ng magkakahiwalay na mga petisyon ang mga abogadong sina Ely Pamatong, Evelio Formento at Mary Lou Estrada na naghahangad na idiskwalipika si Estrada sa halalan ngunit ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) "dahil sa kawalan ng merito". Ayon sa mga petisyon, si Estrada ay pinagbabawalan tumakbo sa halalan ng pagkapangulo dahil sa pagbabawal ng Saligang Batas ng Pilipinas sa mga dating pangulo na muling tumakbo sa halalan ng pagkapangulo.

2013 halalan ng pagka-alkalde ng Maynila

Si Estrada ay tumakbo at nagwagi bilang alkalde ng Maynila sa halalan noong 2013 laban sa nakaupong alkaldeng si Alfredo Lim. Siya ay nagkamit ng 343,993 boto laban sa 308,544 boto ni Lim. Bago ng halalan, naghain ang abogado ni Lim na si Alicia Risos-Vidal ng petisyon na naghahangad idiskwalipika si Estrada sa pagtakbo sa halalan dahil sa kanyang kombiksiyon sa kaso ng pandarambong at parusang habang buhay na pagkabilanggo at dahil ang pagpapatawad ni Gloria Macapagal-Arroyo kay Estrada ay hindi nagbabalik ng kanyang mga karapatan sa muling pagtakbo sa pampublikong opisina. Ang petisyon ay ibinasura ng Comelec. Muling nagwagi si Estrada bilang alkalde ng Maynila noong 2016. Noong 2019, tumakbo muli si Estrada bilang alkalde ng Maynila ngunit natalo siya ni Isko Moreno na bise alkalde ng lungsod mula 2007 hanggang 2016.

Personal na buhay

Si Estrada ang unang pangulo ng Pilipinas na dating artista at bahagi ng showbiz. Sa buong panahon ng kaniyang pagsisilbi sa politika, madalas na tampulan ng tukso ang kaniyang limitadong kaalaman sa Ingles, at madalas na paksa rin ang kaniyang mga kasong pandarambong.

Si Estrada ay nagpakasal sa doktor na si Luísa "Loi" Pimentel Estrada at nagkaroon ng 3 anak: sina Jinggoy Estrada, alkalde ng San Juan (1992–2001) at Senador (2004–2016), Jackie Ejercito (na ikinasal kay Beaver Lopez na anak ng Meralco chairman Manuel Lopez) at Jude Ejercito. Si Estrada ay may walo pang ibang mga anak sa ibang mga babae:

Sa dating aktres na si Peachy Osorio:

  • Joel Eduardo “Jojo” Ejercito
  • Teresita “Tetchie” Ejercito

Sa dating aktres at San Juan Mayor Guia Gomez

  • Joseph Victor “JV” Ejercito (naging alkalde at kinatawan ng San Juan at naging senador)

Sa isang dating flight attendant na kilala lamang sa pangalang “Larena”

  • Jason Ejercito

Sa dating aktres na si Laarni Enriquez

  • Jerika Ejercito
  • Juan Emilio “Jake” Ejercito
  • Jacob Ejercito

Si Estrada ay kapatid ng aktor na si George Estregan at tiyuhin nina Gary Estrada, E.R. Ejercito at Gherome Ejercito.

Noong ika-28 ng Marso, 2021, isinugod sa ospital si Estrada. Kinabukasan, ipinaalam ng kaniyang pamilya sa publiko na nagpositibo sa sakit na COVID-19 ang dating pangulo. Lumala ang kaniyang pulmonya at kinailangang gamitan ng ventilator noong ika-6 ng Abril. Noong ika-13 ng Abril, ipinaalam ng kaniyang pamilya na gumaling na ito sa sakit na COVID-19 at nagpapagaling sa ospital. Nakalabas siya sa ospital noong ika-16 ng Abril.

Mga pelikula

Template:Start box Template:Succession box Template:Succession box Template:End box

Mga Sanggunian

  1. Cite error: Invalid <ref> tag; no text was provided for refs named estrada