Jose Yao Campos

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Jose Yao Campos (16 Setyembre 1921-1 Mayo 2006) o kilala rin sa kaniyang pangalang Tsino na Yao Cho Liat ay isang Pilipinong negosyanteng kilala bilang tagapagtatag ng United Laboratories (Unilab). Naging tagasuporta siya ng Pangulong Ferdinand E. Marcos na nagtalaga sa kanya bilang "financial advisor". Noong 1986, sinabi ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na naging "frontman" ni Marcos si Campos sa ilan sa mga nakaw na yaman ng pamilya, kasama na ang Marcos Mansions. Siya ang una sa mga crony ni Marcos na nakipagnegosasyon sa PCGG para hindi siya makasuhan.

Kabataan at Paglipat sa Pilipinas

Ipinanganak si Campos bilang Yao Cho Diat sa Tsina. Nanatili siya rito hanggang makapasok sa Whampoa Military Academy. Ngunit ipinadala siya ng kaniyang ama sa Pilipinas para matuto sa negosyo ng kaniyang kapatid na si Yao Shiong Shio na isa nang matagumpay na mangangalakal sa Quezon. Nagsimula siyang magtrabaho sa negosyo ng kapatid bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at nagpatuloy sa pagiging mangangalakal. Kinalaunan ay ginamit niya ang pangalang Jose Yao Campos.

Pagtatatag ng Unilab

Itinatag ni Campos at ni Mariano K. Tan ang isang drugstore sa Binondo, Maynila noong 1945, nang matapos ang digmaan. Noong 1959, matapos ang 14 na taon, lumago ang kanilang negosyo at naging United Laboratories, isa sa pinakamalaking kumpanya ng mga gamot sa bansa.

Supporta kay Marcos

Maagang sinuportahan ni Campos si Marcos sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon sa kampanya nito noong 1946 sa Kongreso. Kinalaunan magiging isa siya sa mga crony ni Marcos katulad nina Eduardo Cojuangco Jr. at Roberto Benedicto. Sa tulong ni Marcos, naging supplier ng gamot ng pamahalaan ang Unilab.

Katulad ni Benedicto, tinulungan rin ni Campos si Marcos para makapagbukas at magpaglabas ng pera papunta sa iba't ibang bank accounts. Siya rin ang naging "front man" ni Marcos sa pagbili ng iba't ibang ari-arian, kabilang na ang Marcos mansions sa Metro Manila, Rizal, Laguna, Cavite, Bataan at Baguio City.

Nasa Canada si Campos nang magpalit ang administrasyon noong 1986 matapos ang Aklasang Bayan sa EDSA. Siya ang una sa mga crony ni Marcos na nakipagnegosasyon sa pamahalaan kapalit ng immunity. Kabilang sa mga isinuko ni Campos ang nasa P2.5 bilyong halaga ng titulo sa 107 na ari-arian ng mga Marcos na nakapangalan sa kaniya.

Kamatayan

Pumanaw si Campos noong ika-1 ng Mayo 2006.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.