Jose T. Joya

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Jose Tanig Joya (3 Hunyo 1931 – 11 Mayo 1995) ay isa sa mga Pilipinong pintor na naunang gumawa ng abstrak na mga dibuho. Noong 2003, isa siya sa ginawaran ng titulong Pambansang Alagad ng Sining.

Edukasyon

Nagtapos si Joya bilang magna cum laude ng Fine Arts mula sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1953. Naging guro niya rito sina Guillermo Tolentino, Fernando Amorsolo, Dominador Castañeda, at Toribio Herrera. Naging kamag-aral naman niya sina Napoleon Abueva, Pitoy Moreno, Federico Aguilar Alcuaz, Rodolfo Ragodon, Juvenal Sanso, Araceli Limcaco-Dans, at Angel Cacnio.

Mula 1954 hanggang 1955, ginawaran siya ng Instituto de Cultura Hispanica ng pamahalaan ng Espanya ng isang painting grant sa Madrid. Dito siya unang nakakita ng halimbawa ng abstrak tulad ng gawa ni Jackson Pollock. Nakita rin niya sa mga museo sa London, Paris, at Rome ang mga gawa ng mga European Modernist tulad nina Graham Sutherland, Lucio Fontana, Francis Bacon, at Henry Moore.

Bago siya nagtapos ng Master of Fine Arts mula sa Cranbrook Academy of Arts sa ilalim ng Fulbright-Smith-Mundt scholarship noong 1958, natuto siyang gumawa ng abstrak mula kina Zoltan Zepeshy, Carl Mills, Lazlo Moholy-Nagy, at Eero Saarinen.

Karera

Gumamit si Joya ng mixed media at multimedia at gumawa rin ng mga print. Inumpisahan niya ang abstrak na expressionism sa Pilipinas sa kaniyang mga gawa sa pamamagitan ng action painting at gestural painting. Gumamit siya ng impasto, malawak na brushstroke, at rice paper collage sa kaniyang mga gawa.

Ginanap ang kaniyang unang solo exhibition sa Philippine Art Gallery noong 1954. Nasundan ito ng mga exhibition sa iba't ibang bansa tulad ng China, Switzerland, Germany, England, Espanya, Hong Kong, at US.

Naging dekano siya ng Kolehiyo ng Fine Arts ng UP mula 1970 hanggang 1978. Tinuruan niya sina Nestor Vinluan, Alfredo Liongoren, Lito Carating, Roy Veneracion, Rock Drilon, Benjie Cabangis, at Eghai Roxas. Naging tagapangulo din siya ng Pambansang Komisyon ng Kultura at Sining – Komite ng Visual Arts, tagapangulo ng Pambansang Museo ng Pilipinas – Panel ng Art Experts, at pangulo ng Art Association of the Philippines.

Mga Gawa

Mga Gantimpala at Parangal

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.