Jose Rizal: Kapanganakan at Kabataan

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Ipinanganak si Jose Rizal noong ika-19 daantaon, kung kailan may mga kaguluhan sa Asya, Europa at Amerika. Napapasailalim sa pananakop ng mga Espanyol ang Pilipinas at nakakaranas ng mga pang-aabuso ang mga Filipino mula sa mga prayle at guwardiya sibil.

Ipinanganak si Rizal noong gabi ng ika-19 ng Hunyo, 1861. Siya ang ikapitong anak at ikalawang anak na lalaki ng mag-asawang sina Teodora Alonso at Francisco Mercado. Ipinanganak siya sa bayan ng Calamba sa Laguna. Ayon sa mga tala, muntik nang ikamatay ni Doña Teodora ang panganganak kay Rizal dahil sa laki ng ulo nito.

Bininyagan si Rizal noong ika-22 ng Hunyo, 1861. Si Padre Rufino Collantes, ang kura ng Calamba, ang nagbinyag sa kaniya. Si Padre Pedro Casañas ang tumayong saksi sa kaniyang pagbibinyag.

Pinangalanang Jose si Rizal dahil sa debosyon ng kaniyang ina kay San Jose. Ang kaniyang ikalawang pangalang Protasio ay nagmula naman sa araw ng kapanganakan ng santo, na kapareho ng araw ng kapanganakan ni Rizal.

Sa panahong ito, ang bahay ng pamilya Mercado (Rizal) ang isa sa mga pinakanatatanging bahay na bato sa kanilang bayan. Mayroon itong dalwang palapag at gawa sa adobe. Sa likod ng kanilang bahay ay may mga alagang baboy, pabo at manok, at mayroon ring mga tanim na bungang-kahoy tulad ng atis, balimbing, chico, makopa, papaya, santol at iba pa.

Kilala rin sa kanilang bayan ang pamilya Mercado. Kabilang sa mga negosyo ng pamilya ang pagsasaka at pag-aalaga ng mga hayop. Mayroon rin silang tindahan, gawaan ng hamon at isang maliit na gilingan ng harina. Nakapag-aral ang mga kapatid ni Rizal sa Maynila. Kapag may mga pista at pagdiriwang sa bahay ng mga Mercado, tinatanggap ng pamilya ang sino mang panauhin na mula sa iba't ibang antas sa lipunan.

Istriktong mga magulang sina Doña Teodora at Don Francisco. Pinalaki nila ang kanilang mga anak na sumusunod sa mga patakaran ng kanilang mga magulang. Bilang isang pamilyang Katoliko, nagsisimba si Rizal tuwing Linggo at iba pang mga pistang pangilin.

Unang naging guro ni Rizal ang kaniyang inang si Doña Teodora. Noong siya ay tatlong taong gulang, madalas siyang makarinig ng mga kuwentong kababalaghan mula sa kaniyang tagapag-alaga. Noong siya ay limang taong gulang, nagpakita ng talento sa pagguhit at eskultura si Rizal.

Mga Sanggunian

  • Ancheta, Celedonio A. Jose Rizal's Life and His Complete Works. Diliman, Quezon City: National Bookstore, Inc., 1977.
  • Zaide, Gregorio F. and Zaide, Sonia M. Jose Rizal: Life, works and Writings of a Genius, Writer, Scientist and a National Hero Second Edition, Quezon City, All Nations Publishing Co. Inc. 1999 xxxii, 438 pp; 22 cm
  • Poblete, Pascual H., Buhay at mga Ginawa ni Dr. Jose Rizal, [1] (Accessed 7 July 2011)

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.