Jose P. Laurel

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Jose P. Laurel.

Si José Paciano Laurel y García (9 Marso 1891 – 6 Nobyembre 1959) ang ikatlong Pangulo ng Republika ng Pilipinas sa ilalim ng mga Hapon mula 1943 hanggang 1945.

Isinilang si Laurel sa Tanauan, Batangas noong 9 Marso 1891. Nagtapos siya ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1915. Hinirang siya na Kalihim Panloob ni Gob. Hen. Leonard Wood noong 1923 at naging Associate Justice noong 1935. Nanungkulan siya bilang Pangulo ng Kataas-taasang Hukuman nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at itinalaga siyang Kalihim ng Katarungan ni Quezon bago lumisan. Pinili si Laurel ng mga Hapon upang magsilbing pangulo ng Ikalawang Republika ng Pilipinas. Pinangalagaan niya ang kapakanan ng bansa sa gitna ng mga kalupitan ng mga Hapon. Ibinilanggo siya bilang "collaborator" pagkatapos ng digmaan ngunit pinalaya ni Pangulong Roxas noong 1948.

Talambuhay

Maagang buhay

Si José Paciano Laurel y García ay ipinanganak noong 9 Marso 1891 sa bayan ng Tanauan, Batangas. Ang kanyang ama ay sina Sotero Laurel, Sr. na isang opisyal ng pamahalaang rebolusyonaryo ni Emilio Aguinaldo at lumagda sa Saligang Batas ng Malolos noong 1898. Ang kanyang ina ay si Jacoba García. Nang mamatay ang kaniyang ama noong 1902, namasukan sa Bureau of Forestry si Laurel sa edad na 18 para maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Kinalaunan ay naging clerk siya sa Code Committee kung saan niya nakilala si Thomas Atkins Street na magiging bahagi ng Korte Suprema ng Pilipinas at magiging mentor ni Laurel.

Nakipagtanan si Laurel kay Paciencia Hidalgo nang makapagtapos siya ng hayskul sa Manila High School (kasalukuyang Araullo High School) noong 1911. Nagtapos siya ng batas sa Unibersidad ng Pilipinas Kolehiyo ng Batas noong 1915 kung saan siya nag-aral sa ilalim ni Dekano George A. Malcolm na kanyang hinalinhan sa Korte Suprema ng Pilipinas. Si Laurel ang ikalawa sa lahat ng nagtapos at nakakuha ng ikalawang pinakamataas na marka sa bar examinations noong 1915. Nakamit niya ang Master of Laws degree mula sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1919 at pagkatapos ay pumasok sa Yale Law School kung saan siya nagtapos ng Doktorado ng Batas.

Pinakasalan ni Laurel si Pacencia Hidalgo noong 1911 at nagkaroon sila ng 9 na anak: Jose Bayani “Pepito” II, Salvador, Sotero Cosme, Jose Sotero III, Mariano Antonio, Arsenio, Natividad, Rosenda Pacencia, at Potenciana.

Serbisyong publiko

Habang isang estudyante, si Laurel ay pumasok na isang mensahero ng Bureau of Forestry at kinalaunan bilang isang clerk sa Komite ng Kodigo na inatasang magkodigo ng mga batas ng Pilipinas. Sa kanyang pagbalik mula sa Yale, siya ay hinirang na Pangalang Kalihim ng Kagawarang Panloob at pagkatapos ay naging Kalihim ng Kagawaran ng Panloob noong 1922. Noong 1923 kasama si Laurel sa mga miyembro ng Gabinete ni Leonard Wood na nagbitiw sa puwesto matapos tutulan ni Wood ang mga panukalang batas para sa kalayaan ng Pilipinas. Matapos magbitiw sa puwesto, nagbukas ng opisina si laurel at nagturo ng batas sa Maynila bago tumakbo bilang senador sa halalan ng 1925.

Senado

Si Jose P. Laurel ay nahalal na kasapi ng Senado ng Pilipinas noong 1925. Siya ay nagsilbi ng isang termino bago matalo sa muling pagtakbo sa halalan noong 1931 kay Claro M. Recto. Siya ay bumalik sa pagiging pribadong abogado hanggang noong 1934 nang siya ay nahalal bilang delegado ng Kombensiyang Konstitusyonal ng 1935. Kanyang sinuportahan ang mga probisyon ng Panukalang Batas ng mga Karapatan. Pagkatapos ng pagpapatibay ng Saligang Batas ng Pilipinas ng 1935 at pagkakatatag ng Komonwelt ng Pilipinas, si Laurel ay nahirang na kasamang mahistrado ng Korte Suprema ng Pilipinas noong ika-29 Pebrero 1936, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Quezon.

Bilang hukom, kilala si Laurel sa kaniyang mga naging hatol sa malalaking kaso, kabilang na ang kaso ni Ferdinand E. Marcos noong 1940, at ang kaso ni Angara v. Electoral Commission.

Bilang Pangulo

Nang sakupin ng Hapon ang Pilipinas, si Pangulong Manuel L. Quezon ay tumakas sa Bataan at pagkatapos ay sa Estados Unidos upang itatag ang isang pamahalaan sa pagkakatapon. Si Laurel ay may malapit na kaugnayan sa mga opisyal na Hapones. Ang kanyang anak ay pinag-aral sa Imperial Military Academy sa Tokyo at si Laurel ay tumanggap ng isang honoraryong doktorado mula sa Unibersidad ng Tokyo. Si Laurel ang isa sa mga opisyal ng Commonwealth ng Pilipinas na inutusan ng Hukbong Imperyal na Hapones na bumuo ng isang probisyonal na pamahalaan nang sakupin ng mga Hapon ang Pilipinas. Si Laurel ay nakipagtulungan sa mga Hapones at dahil sa kanyang pagiging kilalang bumabatikos sa pamamahala ng Estados Unidos sa Pilipinas, si Laurel ay nagsilbi sa ilang mga matataas na posisyon sa pamahalaang Hapones sa Pilipinas noong 1942 hanggang 1943. Noong 1943, siya ay binaril ng mga gerilyang Pilipino habang naglalaro ng golf sa Wack Wack Golf at Country Club ngunit siya ay gumaling. Nang taong iyon, siya ay nahalal bilang pangulo ng Pilipinas sa ilalim ng impluwensiya ng mga Hapon.

Dahil sa kaugnayan ng pamahalaan ni Laurel sa Hapon, ang malaking bahagi ng populasyong Pilipino ay aktibong sumalungat sa kanyang pagkapangulo na sumuporta naman sa ipinatapong pamahalaang Komonwelt ni Quezon sa Estados Unidos. Bilang pangulo, nagpatupad si Laurel ng polisiyang “Filipino first”, kung saan inalis niya lahat ng mga guwardiya at tagapayong Hapon sa Malacañang. Aniya, dapat patunayan ng mga Hapon na seryoso ang mga ito sa pagbibigay ng kalayaan sa mga Pilipino. Hindi rin niya hinayaang mahuli ng mga Hapon si Manuel Roxas.

Nang magsimula ang pag-atake ng mga Amerikano sa mga Hapon sa Maynila, napilitan si Laurel na magdeklara ng digmaan laban sa Estados Unidos at sa Gran Britanya sa kondisyon na walang Pilipino ang isasali sa digmaan sa ilalim ng hukbong Hapones. Noong 21 Setyembre 1944, idineklara ni Laurel ang martial law na nagdedeklara ng pag-iral ng digmaan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos at Britanya. Ito ay nagkaroon ng epekto noong ika-10 ng umaga ng Setyembere 23, 1944.

Pagbuwag ng Administrasyon ni Laurel

Noong ika-26 Hulyo 1945 ang Potsdam Declaration ay nagbigay ng isang ultimatum sa Hapon upang sumuko o maharap sa isang buong pagkalipol. Tumangging tanggapin ng Hapon ang alok. Noong Agosto 6,1945, isang bombang atomiko ang ibinagsak ng Estados Unidos sa Hiroshima kung saan napahamak ang mga mamamayan nito. Matapos ang dalawang araw, nagdeklara ng digmaan laban sa bansang Hapon ang Unyong Sobyet. Nang sumunod na araw, ang ikalawang bombang atomiko ay ibinagsak sa Nagasaki. Sumuko ang bansang Hapon noong ika-15 Agosto, 1946. Mula Abril 1945, si Pangulong Laurel kasama ng kanyang pamilya at kasapi ng Gabineteng si Camilo Osías, Speaker Benigno Aquino, Sr., Gen. Tomas Capinpin, at embahador Jorge B. Vargas ay lumikas sa bansang Hapon. Noong Agosto 17,1944 mula sa kanyang tirahan sa Nara, inilabas ni Laurel ang isang Ehekutibong Proklamasyong na nagdedeklara ng pagkabuwag ng kanyang administrasyon.

Pagkatapos ng Pagkapangulo

Nang sumuko ang mga puwersang Hapones noong Agosto 15, 1945, inutos ni Gen. Douglas MacArthur na dakipin si Laurel para sa pakikipagtulungan nito sa mga Hapones. Noong 1946, si Laurel ay sinampahan ng 132 bilang ng kasong pagtataksil. Gayunpaman, siya ay hindi kailanman nilitis dahil sa amnestiyang ipinagkaloob ni Pangulong Manuel Roxas noong 1948. Si Laurel ay tumakbo sa pagkapangulo noong halalan ng 1949 laban kay Elpidio Quirino ngunit natalo. Muling nahalal sa Senado si Laurel noong 1951. Sa panahong ito, sinuportahan niya ang Rizal Bill, na kalaunan ay naipasa bilang Rizal Law o Batas Rizal na nag-uutos sa lahat ng mga paaralan, kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas na pag-aralan ang mga akda ni Jose Rizal, partikular na ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.

Matapos ang kaniyang pagreretiro sa politika, itinatag niya ang Lyceum of the Philippines noong ika-7 Hulyo 1952. Namatay si Laurel noong ika-6 Nobyembre 1959, sa Lourdes Hospital sa Maynila mula sa atake sa puso at stroke. Siya ay inilibing sa Tanuan.

Mga Sanggunian