Jose Garcia Villa
Si Jose Garcia Villa (1908-1997), isang makata, kritiko, manunulat ng maikling kwento at pintor, ay isang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan. Siya ay may sagisag-panulat na Doveglion na mula sa Dove, Eagle at Lion. Isa siya sa mga pinakamagaling na magsulat sa Ingles. Kilala siya sa paggamit ng mga matatalim na salita, parirala at pangungusap.
Ipinanganak siya noong 5 Agosto 1908 sa Singalong, Maynila at supling nina Simeon Villa at Guia Garcia.
Edukasyon at Karera
Nagtapos si Villa ng pag-aaral sa UP High School noong 1925 at pumasok sa Kolehiyo ng Medisina sa Unibersidad ng Pilipinas ngunit hindi niya natapos ang kaniyang pag-aaral ng medisina. Sinasabi na pagpipinta ang naging unang interes ni Villa ngunit siya ay lumipat sa pagsusulat, matapos na mabasa niya ang Winesburg, Ohio ni Sherwood Anderson.
Noong 1930, nanalo si Villa sa isang patimpalak sa pagsusulat mula sa Philippine Free Press para sa kaniyang “Mir-i-nisa” at ginamit niya ang kaniyang napanalunan salapi upang makapunta sa Estados Unidos. Doon, siya ay nag-aral sa University of New Mexico at pagkatapos ay sa Columbia University.
Nagturo siya sa City College of New York mula 1964-1973. Nagsilbi rin siya sa Philippine Mission to the UN mula 1954-1963 at naging bise-konsul noong 1965.
Mga Naiambag
Koleksyon ng mga Tula
- Have Come, Am Here, 1942
- Volume Two, 1949
- Selected Poems and New, 1958
- Poems 55, 1962
- Appasionata: Poems in Praise of Love, 1979
Iba pang mga akda
- The Best Poems of 1931
- Fifteen Literary Landmarks, 1932
at ang mga antolohiya na:
- Twenty-Five Best Stories of 1928, 1929
- The Doveglion Book of Philippine Poetry by Jose Garcia Villa, 1993
Siya rin ay gumawa ng seleksyon ng mga pinakamahusay ng maiikling kwento sa Pilipinas na nakasulat sa Ingles mula 1927 hanggang 1941. Tinawag ang mga ito na Roll of Honor at lumabas sa Philippines Herald, Philippine Free Press at sa Graphic.
Mga Parangal
- American Academy of Arts and Letters' Poetry Award
- Shelley Memorial Award
- Guggenheim, Bollingen at Rockefeller fellowships sa pagsulat ng tula
- Karangalang banggit sa Commonwelth Literary Awards, 1940
- Unang gantimpala sa UP Golden Jubilee Literary Contest, 1958
- Honorary doctorate of literature sa Far Eastern University, 1959
- Rizal Pro-Patria Award, 1961
- Republic Cultural Heritage Award para sa tula at maikling kwento, 1962
- Honorary doctorate sa panitikan mula sa UP, 1973.
Noong 12 Hulyo 1973, si Villa ay kinilala bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan.
Sanggunian
- CCP Encyclopedia of Philippine Art. Vol VII. Philippine Theater. Manila: Cultural Center of the Philippines, 1994.
- PinoyLit: Jose Garcia Villa. (Hinango noong 24 Abril 2008).
- Jose Garcia Villa. (Hinango noong 24 Abril 2008).
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |