Jose F. Lacaba

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Jose Mari F. Labaca Jr., mas kilala bilang Jose Lacaba o Pete Lacaba, ay isang tanyag na Pilipinong makata, peryodista, at screenwriter.

Siya ay isinilang noong 25 Nobyembre 1945 sa Cagayan de Oro City ngunit lumaki sa Pateros. Nag-aral siya ng primarya sa Ateneo de Cagayan at nagtapos ng elementarya at dekundarya sa Pasig Catholic College. Nag-aral siya ng kolehiyo sa Ateneo de Manila University sa kursong AB English ngunit nang nasa ikatlong taon, taong 1964, ay nag-drop out siya. Noong 1965, nagsimula siyang magtrabaho sa Philippine Free Press bilang copy editor at proofreader at naging manunulat at editor nito. Inorgisa rin niya ang unyon ng mga manggagawa nito.

Pelikula

Ang Bayan Ko: Kapit sa Patalim na isinulat ni Lacaba ay ang unang pelikulang Pilipino na lumahok sa Cannes Film Festival noong 1984 at nominado ito sa Golden Palm Award, pinakamataas na premyong iginagawad sa direktor ng isang pelikula. Natanggap din ng pelikulang ito ang Suthernland Trophy ng British Film Institute noong 1984. Ang Sutherland Trophy ay ibinibigay sa pinakaorihinal at malikhaing pelikula ng taon.

Maraming bumatikos sa pelikulang ito dahil sa pagpapakita ng mga isyung panlipunan tulad ng korapsiyon. Sa kabila ng mga isyu at batikos, ipinaglaban ng direktor na si Lino Brocka na ipalabas ito noong 1985.

Nakatanggap din ng parangal bilang Best Screenplay sa Urian Awards ang mga pelikulang Jaguar (1980), Sister Stella L. (1984), at Segurista (1997). Si Lacaba ay kasama rin sa pagsulat ng screenplay ng mga pelikulang ito. Dahil dito, ginawaran din siya ng Natatanging Gawad Urian-Lifetime Achievement Award ng Manunuri ng Pelikulang Filipino noong 2011.

Ilan pa sa mga isinulat niyang screenplay ang Orapronobis [This Is My Country] (1989), Eskapo (1995), at Rizal sa Dapitan (1997).

Panitikan

Makata at tagasalin din si Lacaba. Makikita sa kaniyang mga akda at tula ang iba’t ibang imahen at tagpo na nais niyang ipakita sa kaniyang mga mambabasa. Makikita sa kaniyang blog ang mga isinalin niyang soneto, tula, at iba pang akda ng ibang manunulat. Makikita rin dito ang mga orihinal niyang akda bilang peryodista at makata.

Dahil sa kaniyang husay sa pagsulat, maraming natanggap na parangal at pagkilala si Lacaba sa larangan ng panitikan. Isa na rito ay ang Don Carlos Palanca Memorial Award for Literature para sa kaniyang tulang “Sa Panahon ng Ligalig” (1983). Tungkol ito sa pagmamahal ng lalaki sa kaniyang iniibig na babae na hindi maaaring mangyari.

Noong 2 Abril 2012, ginawaran si Lacaba ng Gawad Francisco BAlagtas bilang pagkilala sa kaniyang kontribusyon sa pelikulang Pilipino, gayundin sa maiikling pelikula at dokyumentaryo tulad ng Batas Militar (1997) at Eleksiyong Pinoy (1998).

Mga Koleksiyong Tula

  • Mga Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran (1979, 1996)
  • Sa Daigdig ng Kontradiksyon (1991)
  • Sa Panahon ng Ligalig (1991)
  • Days of Disquiet, Nights of Rage (1982)

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.