Joey Concepcion

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang mabasa ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Joey Concepcion.

Si Jose Maria Concepcion III, mas kilala bilang si Joey Concepcion, ay isang negosyante at kasalukuyang Presidential Consultant for Entrepreneurship. Siya rin ang Presidente at Chief Executive Officer ng RFM Corporation, isang kompanya ng mga pagkain at inumin.

JoeyRfm.jpg

Nagsilbi ring consultant para sa Entrepreneurship si Concepcion sa termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sinumulan niya rin ang Go Negosyo, isang non-profit advocacy na naglalayong matulungan ang mga negosyante sa Pilipinas at matugunan ang kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng pagnenegosyo. Si Concepcion ay isa ring manunulat sa pahayagang The Philippine Star.

Noong 2020, napasama rin si Concepcion sa listahan ng Forbes na Philippines 50 Richiest Net Worth at nasa ika-41 na puwesto na mayroong tinatayang $174 milyong net worth.

Personal na Buhay

Si Joey Concepcion ay isinilang noong Hunyo 23, 1958. Apo siya ng kilalang negosyanteng si Jose Concepcion Sr. at anak ng negosyante rin at dating Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Jose Concepcion Jr. Lola niya sa angkan ng kaniyang ina si Victoria Lopez-Araneta at lolo naman si Salvador Araneta, mga kilalang negosyante at nagtayo ng ilang negosyo tulad ng FEATI University, Araneta University, at RFM Corporation. Natapos ni Concepcion ang kaniyang undergraduate at doctorate degree sa De La Salle - Araneta University.

Si Concepcion ay kasal kay Maria Lusia ‘Marissa’ Orosa, anak ni Jose ‘Joe’ Orosa na isa ring negosyante. Mayroon silang limang anak na sina Christian, Margarita, Catherine, Monica, at Isabella.

Nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Martial Law, napalibutan ng mga sundalo ang tahanan ng mga Concepcion. Nang maglaon ay inaresto ang ama niya kasama ang ilang mga senador sa loob ng walong buwan. Sa tuwing binibisita niya ang kaniyang ama sa bilangguan, nagdadala si Concepcion ng mga sulat na naglalaman ng galit niya kay Marcos. Minsan pa nga raw siyang nasabihan ng mga pulis na maaari din siyang maaresto dahil sa kaniyang mga sulat.

Sa larangan ng pagnenegosyo, naging idolo at inspirasyon ni ang kaniyang ama, Lolo Salvador, Lola Victoria, at kaniyang biyenang si Joe. Bata pa lamang si Concepcion ay nagsimula na siyang magnegosyo. Noong 18 anyos siya, nag-umpisa siyang magtinda ng cotton candy sa isang mall. Noong nasa kolehiyo naman ay nagtinda rin siya ng encyclopedia. Naranasan niya ring magtinda ng fire extinguisher at popcorn.

Pamamahala sa RFM Corporation

Pumasok din si Concepcion sa kompanya ng kanilang pamilya na RFM Corporation na itinayo ng kaniyang Lolo Salvador, Lolo Jose Concepcion, at ilan pang mga kasosyo sa negosyo. Nagsimula siya sa posisyong tagatinda ng kanilang mga produkto. Kasama sa trabaho niya bilang salesman ang paglilinis ng truck at pagpunta sa iba’t ibang lugar upang magtinda ng kanilang mga produkto. Dahil sa kaniyang sipag at ipinamalas na galing sa mga posisyong hinawakan, nakuha ni Concepcion ang iba’t ibang promosyon kabilang ang pagiging manager, plant manager, marketing manager, vice president, at executive vice president.  

Noong 1987, tinanggap ng ama niya ang posisyon bilang kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) sa administrasyon ni dating Pangulong Corazon C. Aquino. Dahil dito, inatasan si Concepcion ng kaniyang ama na maging President at CEO ng kanilang kompanyang RFM Corporation na naging kauna-unahang flourmill sa Pilipinas at Timog-Silangang Asya. Si Concepcion ay 29 anyos lamang nang maging presidente ng RFM Corporation.

Sa pamamahala ni Concepcion ay nagsimulang magkaroon ng mga bagong produkto ang RFM Corporation. Nagkaroon ng eksklusibong licensing agreement ang RFM sa Swift & Company upang magamit ang brand na “Swift” sa binuksang meat processing business ng RFM.

Sa mga sumunod na taon, nadagdagan pa ang mga produktong ginagawa at ibinibenta ng RFM kabilang ang ng mga produktong pagkain tulad ng pancake mixes, cake mixes, juices, at pumasok din sa iba’t ibang partnership sa iba pang brand at kompanya katulad ng paggawa ng Selecta Ice Cream products.

Go Negosyo

Noong italaga si Concepcion bilang presidential consultant for entrepreneurship ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, isa sa mga inisyatibong sinumalan niya ang Go Negosyo. Ang Go Negosyo ay isang adbokasiyang naglalayon na palakasin ang negosyo sa bansa at hikayatin ang maraming Pilipino na sumubok sa pagnenegosyo upang umunlad at malabanan ang kahirapan.

Simula noong 2005, si Concepcion na ang nanguna sa pagsuporta sa mga katulad niyang negosyante lalo na sa mga nagsisimula pa lamang. Ang Go Negosyo ay nagsasagawa ng iba’t ibang programa at proyekto tulad seminar, summits, at caravans. Nagbibigay din ng kaalaman at inspirasyon ang Go Negosyo sa pamamagitan ng mga aklat, programa sa telebisyon at radyo, at maging sa social media.

Manunulat at kolumnista rin si Concepcion sa pahayagang The Philippine Star. Lingguhan siyang sumusulat ng mga artikulong may kinalaman sa negosyo sa kaniyang column na ‘Negosyo Pilipinas Angat Lahat!’

Noong 2015, naisabatas ang Republic Act 10644 o Go Negosyo Act na naglalayong matulungan ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs). Ang batas ay ipinanukala ni Senador Paolo Benigno ‘Bam’ Aquino. Sa pagsasabatas ng Go Negosyo Act, nakapagtayo ng maraming Negosyo Centers sa buong bansa. Ang mga Negosyo Center ay katuwang ng MSMEs sa iba’t ibang lalawigan at lungsod sa bansa sa pagrerehistro ng kanilang mga negosyo, pagbibigay ng tulong sa mga negosyante, at pagsasagawa ng training programs katuwang ang iba’t ibang ahensiya at sektor ng pamahalaan.

Posisyon sa Pamahalaan

Noong 2016, itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Concepcion bilang presidential consultant for entrepreneurship, ang katulad na posisyong hinawakan niya sa panahon ni Arroyo. Ayon kay Concepcion, tinanggap niya ang posisyon dahil patuoy pa rin ang kaniyang layunin na mas mapabuti ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga negosyo sa Pilipinas, maliit man o malaki.

Sa isang panayam sa The Philippine Star, inilahad ni Concepcion na inalok din siya ni Pangulong Duterte na maging kalihim ng DTI ngunit tinanggihan niya ito dahil maaaring magkaroon ito ng komplikasyon dahil sa kaniyang mga negosyo. Sinabi rin niya rito na hindi siya interesadong tumakbo sa anumang posisyon sa pamahalaan.

Noong Hulyo 2021, sinimulang isulong ni Concepcion ang layuning “micro herd immunity” kung saan ang isang partikular na lugar na komersiyal tulad ng isang gusali ay kinakailangang mabakunahan ang hindi bababa sa 80 porisyento ng mga umuukupa ng lugar ng anti-COVID-19 vaccine. Kung makakamit daw ng isang commercial establishment ang micro herd immunity, dapat daw ay payagan na silang mag-operate sa mas mataas na kapasidad.

Noong Agosto 2021 naman, ipinahayag ni Concepcion ang kaniyang rekomendasyon na magkaroon ng mga paghihigpit sa mga indibidwal na hindi pa nababakunahan katulad ng ipinatutupad sa ibang bansa. Ayon kay Concepcion, malaking tulong kung makakamit ng Pilipinas ang lockdown-free environment sa pamamagitan ng pag-abot ng 70 hanggang 80 porisyento ng populasyon ng bawat local government unit (LGU). Kung maabot na ang target na dami ng populasyong nabakunahan, makatutulong umano kung maghihigpit sa mga hindi pa nababakunahang indibidwal na magpunta sa mga pampublikong lugar tulad ng mga mall at kainan.

Itinalaga rin si Concepcion ni Pangulong Duterte bilang vice chairman ng EDSA People Power Commission (EPPC) noong 2017, limang araw bago ang ika-31 anibersaryo ng EDA People Power Revolution.

Iba pang Posisyon

Si Concepcion ay chairman din ng ASEAN Business Advisory Council – Philippines. Binuo rin niya ang ASEAN Mentorship for Entrepreneur (AMEN) na sinasabing berisyon ng Go Negosyo sa rehiyong ASEAN.

Siya na rin ang director ng Concepcion Industrial, isang kalipunan na may interes sa appliances, property, insurance, at mga serbisyong may kinalaman sa cargo. Sinasabi ring ang Concepcion Industrial ang isa sa pinakamalaking air-conditioning companies sa Pilipinas.

Padma Shri Award

Noong 2018, pinarangalan si Concepcion ng Padma Shri award sa ginawang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)- India Special Commemorative Summit. Nagtungo sa New Delhi, India si Concepcion kasama ni Pangulong Duterte bilang delegado sa ginawang state visit ng pangulo sa India.

Iginawad ng pamahalaan ng India ang Padma Shri award kay Concepcion dahil sa naging kontribusyon nito bilang bahagi ng malalaking adbokasiya sa larangan ng pagnenegosyo sa Pilipinas at maging sa buong rehiyong ASEAN.

Ang Padma Shri award ay ang katumbas na award-giving body ng India sa Noble Prize. Ito ang ikaapat na pinakamataas na parangal na ibinibigay ng pamahalaan ng India sa isang sibilyan tuwing Araw ng Republika ng India.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.