Joel Villanueva

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Joel Villanueva portrait.jpg

Si Emmanuel Joel Jose Villanueva (isinilang noong 2 Agosto 1975) na kilala rin bilang Joel Villanueva, ay isang Pilipinong politiko na nagsisilbi bilang senador ng Pilipinas. Una siyang naupo bilang senador noong 2016 kung saan nakakuha siya ng higit 18 milyong boto na ikalawa sa pinakamataas noong taong iyon.

Dati rin isyang direktor ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) mula 2010 hanggang 2015 at nakilala bilang “TESDA Man”. Nagsilbi rin si Villanueva bilang kongresista noong 2001 hanggang 2010.

Si Villanueva rin ay isang atleta at naging bahagi ng Philippine national team at koponan ng University of Sto. Tomas (UST). Kasalukuyan din siyang bahagi ng koponang Senate Defenders sa UNTV Cup.

Personal na buhay

Si Emmanuel Joel Jose Villanueva ay isinilang noong 2 Agosto 1975 sa Bocaue, Bulacan. Siya ay ikalawa sa apat na anak ng kilalang pinuno ng Jesus is Lord Church Worldwide na si Eddie Villanueva at ni Adoracion “Dory” Jose.

Nag-aral si Villanueva sa University of Santo Tomas (UST) at nagtapos noong 1996 sa kursong Bachelor of Science in Commerce, major in Economics. Nag-aral din siya sa Harvard University sa USA para sa kaniyang graduate studies sa Business Administration na natapos noong 1998.

Naging host din si Villanueva ng programa sa telebsiyong Adyenda at pinamumunuan ang organisasyon ng mga kabataang Kristiyanong Kabataan para sa Bayan Movement.

Si Villanueva ay ikinasal kay Gladys Cruz. Mayroon silang dalawang anak na sina Jaden at Gwyn.

Bilang isang atleta

Si Villanueva ay naging bahagi ng koponan sa basketball ng UST na tinawag na UST Growling Tigers. Nanalo ang koponan ng kampeonato noong 1994 hanggang 1995 o UAAP Season 56 hanggang 57. Naging bahagi rin si Villanueva ng Philippine national basketball team na lumaban sa 1994 SEABA Championship.

Matapos ang ilang taong pagiging abala sa politka, bumalik si Villanueva sa paglalaro ng basketbol noong 2013 sa pamamagitan ng UNTV Cup. Kasama siya sa koponan ng Congress-LGU Legislators. Noong 2014 naman, naglaro siya para sa Malacañang Patriots. Noong nanalo siyang senador, lumipat siya sa koponang Senate Defenders at nakuha ang kampeonato noong 2018 sa UNTV Cup Season 6.

Bilang isang politiko

CIBAC Party List Representative

Noong 2001, napasama sa House of Representatives si Villanueva matapos manalo ang kaniyang party list na Citizens’ Battle Against Corruption (CIBAC). Gayunman, natengga ng pitong buwan ang panunumpa ni Villanueva para sa posisyon dahil nagkaroon ng isyu na ang CIBAC umano ay isang ekstensiyon ng Jesus is Lord Church Worldwide, isang Kristiyanong simbahang itinatag ng kaniyang ama na si Eddie Villanueva. Noong Pebrero 2002, pormal nang naupo bilang kongresista si Villanueva sa edad na 26 na isa sa pinakabatang kongresista sa Pilipinas.

Makailang ulit na nahalal si Villanueva bilang kongresista at naging bahagi ng 12th, 13th, at 14th Congress o mula 2001 hanggang 2010.

TESDA President

Itinalaga ni Pangulong Benigno S. Aquino III si Villanueva bilang pangulo ng TESDA noong 2010. Sa kaniyang pagkakaupo, agad na pinaimbestigahan ni Villanueva ang utang ng ahensiyang aabot sa ₱2.4 bilyon na ginamit sa mga hindi dokumentadong iskolarsyip ng TESDA. Sa maayos na pagsilip, nabawasan ang utang ng ahensiya at naging ₱800 milyon na lamang matapos tanggalin ang mga “ghost school” at “ghost scholar”.

Bilang pangulo ng TESDA, hindi rin nakalimutan ni Villanueva ang basketbol at inilunsad ang programang “Shoot for Your Dreams,” isang serye ng exhibition games kasama ang mga kilalang pangalan mula sa Philippine Basketball Association (PBA). Layunin nitong magbigay ng inspirasyon sa mga Pilipinong nangangarap na maging atleta. Naglaro din si Villanueva sa nasabing programa sa ilalim ng “Team Trabaho.”

Sa panahon ng pamumuno ni Villanueva, ang TESDA, kasama ang central office at 17 rehiyonal na opisina ay nagawaran ng ISO certifications. Kamasa rito ang TESDA office sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na unang opisina ng TESDA sa Mindanao na nakatanggap ng ISO certificate.

Nakapagtapos din si Villanueva ng kursong bokasyonal na Advanced Food and Beverage Services at nag-aral bilang barista.

Senador

Noong 16 Oktubre 2015, pormal na naghain ng kandidatura si Villanueva sa pagka-senador. Tumakbo siya sa ilalim ng partidong Koalisyon ng Daang Matuwid. Kasama rin siya sa 10 senador na inendorso at kasama sa tiket ni dating Senadora Miriam Defensor-Santiago.

Nangampanya si Villanueva gamit ang taguring “TESDA Man” bilang pagpapakilala sa sarili na kinatawan ng industriya ng technical-vocational (TECH-VOC) sa bansa. Kabilang sa mga plataporma ni Villanueva ay ang trabaho, edukasyon, serbisyo, dignidad, at asenso na kilala rin sa abrebasyong TESDA.  Nanalo si Villanueva at nakakuha 18,459,222 boto na ikalawang pinakamataas para sa mga tumakbong senador.

Noong 16 Nobyembre 2016, iniutos ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na paalisin sa puwesto si Villanueva dahil sa nagawa nitong “grave misconduct at serious dishonesty” dahil sa akusasyong hindi wastong paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong siya ay kongresista pa.

Mariing itinanggi ni Villanueva ang paratang at sinabing pineke ang mga dokumento kabilang ang kaniyang pirma. Gayunman, sinabi ng Legal Counsel ng Senado na si Valentina Cruz na hindi maaaring iutos ng Obudsman ang pagkakatanggal ni Villanueva sa bisa ng Ombudsman Act of 1989. Natuwa si Villanueva sa desisyong hindi siya maaaring tanggalin sa puwesto ngunit nais daw niyang malinis ang pangalan mula sa iskandalo.

Pagtakbo sa 2022

Noong Hulyo 2021, sa isang panayam sa ABS-CBN News, sinabi ni Villanueva na tatakbo siya sa halalan 2022. Bagaman nais niyang muling tumakbo bilang senador, bukas din siya sa pagkokonsidera ng iba pang posisyon kung mayroong mag-aalok.

Mga parangal at pagkilala

Pinarangalan si Villanueva noong 15 Setyembre 2012 ng Pamahalaang Panlalawigan Bulacan ng Gawad Dangal ng Lipi for Public Service Award. Ang Development Executive Group (DevEx) naman na isang organisasyon sa Amerika ay pinarangalan siya ng DEVEX Manila 40 Under 40 International Development Leaders Award noong 19 Pebrero 2013.

Pinarangalan din siya ng UST bilang Most Outstanding Alumni ng unibersidad. Ipinagkaloob naman kay Villanueva ng Polytechnic University of the Philippines ang Honoris Causa degree of Doctor of Humanities noong 10 Mayo 2013.

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.