Jinggoy Estrada

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Official photo of Senator Jinggoy Ejercito Estrada.jpg

Si Jose Pimentel Ejercito Jr. (isinilang noong 17 Pebrero 1963), kilala rin bilang Jinggoy Estrada, ay politiko, aktor, at prodyuser. Anak siya ni dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada. Siya ay pinalad na makapasok sa Magic 12 na mga nagwaging senador sa Halalan 2022. Naging senador din siya mula 2004 hanggang 2016 at bise alkalde ng Lungsod San Juan noong 1988 at alkalde noong 1992 hanggang 2001.

Noong 2014, nakulong si Estrada dahil sa akusasyon ng pagnanakaw ng  ₱183 milyong pondo mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam. Nabilanggo siya hanggang 2016 at nakalaya matapos magpiyansa habang umiiral ang pagdinig sa kaso. Noong 2019, muling tumakbo si Estrada sa pagkasenador ngunit nabigo.

Tulad ng kaniyang ama, si Estrada ay isa ring kilalang aktor. Noong 2007, nanalo siya bilang Best Actor sa 2007 Metro Manila Film Festival (MMFF) para sa pelikulang Katas ng Saudi.

Noong 2 Oktubre 2021, naghain ng kaniyang kandidatura sa pagka-senador si Estrada. Ito rin ang ikalawang pagkakataon na maghaharap sila ng kapatid sa amang si dating Senador JV Ejercito. Unang tumakbo ang magkapatid bilang senador noong 2019 kung saan parehas silang nabigo. Pareho naman silang pinalad na magwagi sa Halalan 2022.

Personal na buhay

Si Jinggoy Estrada ay isinilang noong 17 Pebrero 1963. Siya ang pinakamatandang anak nina dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada at ni dating Senadora Luisa Pimentel-Ejercito Estrada.

Nagtapos siya ng elementarya at haiskul sa Ateneo de Manila University. Natapos naman niya ang kursong AB Economics sa University of the Philippines – Manila. Nag-aral naman siya ng apat na taon sa kursong Bachelor of Laws sa Lyceum of the Philippines University habang nakaupo bilang bise alkalde ng San Juan noong siya ay 25 anyos. Noong 2007 naman, iginawad sa kaniya ang honorary Doctorate in Humanities mula sa Laguna State Polytechnic University.

Noong 1989, pinakasalan ni Estrada si Ma. Presentacion “Precy” Vitug. Nagkaroon sila ng apat na anak na sina Janella Marie, Joseph Luis Manuel, Julian Emilio, at Julienne. Noong 2016, nahalal si Janella bilang bise alkalde ng San Juan. Si Julian Emilio naman ay sumabak rin sa pag-aartista at mas kilala ngayon bilang Julian Estrada.

Politika

Alkalde ng San Juan (1992 – 2001)

Matapos maging bise alkalde ng isang termino, agad na nahalal si Estrada bilang alkalde ng noon ay munisipalidad ng San Juan. Sa edad na 29, si Estrada ang isa sa mga pinakabatang nahalal na alkalde sa Pilipinas noong 1992. Nahalal siya ng tatlong magkakasunod na termino. Sa panahon ni Estrada nagkaroon ng pag-unlad sa iba’t ibang impraestruktura ng San Juan kabilang ang pagsasaayos ng San Juan National High School at iba pang mga pampublikong paaralan ng San Juan. Ang mga proyektong ito ay nagbigay din ng hanapbuhay sa kaniyang mga nasasakupan. Naitayo rin sa pamumuno ni Estrada ang apat na palapag na San Juan Medical Center at San Juan Municipal Gymnasium. Tinagurian din ang San Juan bilang isa sa mga pinakamabilis na umunlad at pinakamapayapang munisipalidad sa bansa.

Sa kaniyang huling termino bilang alkalde ng San Juan, siya ang naging pambansang pangulo ng League of Municipalities mula 1998 hanggang 2001.

Senador (2004 – 2016)

Noong 2004, tumakbo si Estrada bilang senador. Ipinakilala niya ang sarili sa buong bansa bilang “Anak ng Masa,” alinsunod sa ipinausong kataga ng kaniyang ama noong pangulo pa na “Erap para sa Mahirap”. Nagwagi si Estrada at opisyal na naupo bilang senador ng Pilipinas noong Hunyo 2004.

Sa kaniyang unang termino bilang senador, nakapaghain siya ng 617 na panukalang batas at resolusyon at 16 sa mga ito ay opisyal na naisabatas. Si Estrada ang itinanghal na ikalawang pinakaproduktibong senador noon, sunod kay Senadora Miriam Defensor-Santiago. Noong 2007, nahalal si Estrada bilang Senate president pro tempore.

Noong 15 Agosto 2007, 13-0 ang naging boto ng Korte Suprema upang pagtibayin ang desisyon ng Sandiganbayan na payagang magpiyansa si Estrada sa reklamo ng pandarambong sa kaniya bago ang PDAF scam. Ang ama niyang Erap ay nahatulang guilty sa pandarambong ngunit agad na binigyan ng parola ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Noong 11 Setyembre 2007 naman, inihain ni Estrada ang Senate Bill 1556 na nagpapanukalang gawing sapilitan ang ROTC para sa mga mag-aaral sa kolehiyo. Napawalang sala rin si Estrada sa kasong pandarambong.

Muling tumakbo sa Senado si Estrada at nanalo noong 2010. Ikalawa siya sa nakakuha ng pinakamataas na boto. Sa pagbubukas ng ika-15 Kongreso, muli siya nahalal bilang Senate president pro tempore. Isa rin si Estrada sa mga senador na laging kompleto ang pagdalo at laging maaga sa mga plenaryo ng Senado.

Bilang senador, si Estrada ang naging awtor ng Kasambahay Law na naglalayong protektahan ang kapakanan at interes ng mga kasambahay sa Pilipinas.

Noong Agosto 2010, sinabi ni Estrada na nagkaroon siya ng karanasan kung saan binato sa kaniya ang kaniyang pasaporte sa Hong Kong immigration desk. Ito ay kaugnay ng madugong Manila hostage crisis kung saan 8 Hong Kong nationals ang nasawi. Gayunman, sa isang ulat, lumabas na ginamit ni Estrada ang kaniyang diplomat passport at naging maayos ang pakikitungo ng mga opisyal sa immigration ayon sa isang surveillance video.

Pagkakasangkot sa PDAF scam

Sa isang ulat na inilabas ng Commission on Audit noong 16 Agosto 2013, lumabas ang di umano’y kuwestiyonableng paggamit ng PDAF ng mga mambabatas na sina Estrada, Bong Revilla, at Juan Ponce Enrile. Ayon sa ulat, nagkaroon ng mga bogus na proyekto at nongovernmental organizations na kungwari ay nakinabang sa ₱183 milyong pondo. Kasabwat umano ni Janet Lim Napoles ang tatlong senador at iba pang mga indibidwal.

Dahil sa iskandalo, naging laman ng mga pagdinig sa Senado ang tungkol sa PDAF. Noong 16 Setyembre 2013, naghain ng kaso ang Department of Justice (DOJ) sa Ombudsman laban kina Estrada, Revilla, at Enrile.

Noong 23 Hunyo 2014, naaresto si Estrada at ikinulong sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Kampo Krame, Lungsod Quezon. Kasunod nito ay sinuspende ng Senado sa loob ng 90 araw si Estrada simula 2 Setyembre 2014.

Noong 16 Setyembre 2017, nakalaya si Estrada matapos magpiyansa ng ₱1.33 milyon—isang milyong piso para sa kasong plunder at ₱330,000 para sa 11 counts ng graft. Bago lumabas sa PNP Custodial Center, nagkaroon muna ng final checkup si Estrada sa PNP General Hospital. Dakong alas-10 ng umaga nang ihain ng mga abogado ni Estrada ang piyansa sa 5th Division ng Sandiganbayan. Ayon sa inilabas na desisyon ng korte, wala umanong matibay na ebidensiya ang nagtuturo kay Estrada bilang utak ng pagnanakaw sa ₱10B pork barrel.

Naghain si Estrada noong 22 Pebrero 2019 ng Motion for Leave to File Demurrer to Evidence sa anti-graft court ng Sandiganbayan. Ito ay isang apela upang kombinsihin ang korte na hindi na kinakailangan pang magpakita ng ebidensiya ng panig ni Estrada dahil mahina na ang ebidensiyang ipinakita sa kasong laban sa kaniya.

Pagtakbong muli sa senado

Pormal na naghain ng kandidatura si Estrada noong Oktubre 2018 sa ilalim ng partidong Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) na partido ng kaniyang ama na si Erap. Sa paghahain niya ng kandidatura, pormal ding inumpisahan ni Estrada ang laban sa pagitan nila ng kapatid sa amang si JV Ejercito na kumandidato rin sa pagka-senador.

Sa kaniyang pagtakbo, naniniwala si Estrada na bagaman ay nakulong siya dahil sa mga kasong may kinalaman sa PDAF, mas mananaig ang maganda niyang track record sa Senado kabilang ang maraming batas na kaniyang naipasa.

Nagkaroon sila ng alitan ng kapatid na si Ejercito at sinabing hindi magandang ideya ang sabay nilang pagtakbo. Gayunman, magkatulad na nabigong makapasok ang magkapatid sa top 12 noong eleksiyon 2019. Nagtapos ang kampanya ni Estrada sa ika-15 puwesto at ang kaniyang kapatid na si Ejercito ay nagtapos sa ika-13 puwesto. Naging kontrobersiyal din ang pahayag ni Estrada nang sabihing mas gusto niyang si Nancy Binay na lamang ang makapasok sa top 12 na noon ay dikit ang laban sa kapatid na si Ejercito.

Halalan 2022

Noong 2 Oktubre 2021, naghain ng kaniyang certificate of candidacy si Estrada para muling subuking makakuha ng puwesto sa senado. Personal na inihain ni Estrada ang kaniyang kandidatura sa Harbor Garden Tent ng Sofitel Hotel Manila sa Lungsod ng Pasay. Ito ay isang araw matapos opisyal ding maghain ng kandidatura ang kaniyang kapatid sa amang si JV Ejercito. Ito na ang ikalawang pagkakataong maghaharap ang magkapatid at tatangkaing makakuha ng puwesto sa senado. Sabay din kasi silang tumakbo noong 2019 ngunit magpareho ring nabigong makapasok sa magic 12.

Ayon sa panayam ni Estrada matapos maghain ng kaniyang kandidatura, nais niyang muling maging senador ng bansa upang matulungan ang mga Pilipinong nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Sa isang pahayag din, sinabi ni Estrada na ang pagtakbo nilang magkapatid ay hindi problema ng bansa kung hindi problema nilang pamilya. Kahit naman daw may hidwaan silang magkapatid, batid niyang mas mahalaga sa kanilang magkapatid kung paano matutulungan ang bansa sa pag-ahon sa kabila ng kinahaharap na krisis pangkalusugan.

Karera sa showbiz

Unang lumabas si Estrada sa pelikulang Markang Rehas: Ikalawang Aklat noong 1985. Lumabas din siya sa mga pelikulang aksiyon at sinundan ang yapak ng kaniyang ama. Nakuha ni Estrada ang kaniyang unang FAMAS award bilang best supporting actor para sa pelikulang Farita Punzalan Story.

Nagkaroon din si Estrada ng isang programa para sa serbisyo publikong tinawag na “SaBAYAN”. Nagwagi rin si Estrada bilang Best Actor sa 2007 Metro Manila Film Festival (MMFF) para sa pelikulang Katas ng Saudi.

Pilmograpiya

Pelikula

Bilang aktor

  • Markang Rehas: Ikalawang Aklat (1985)
  • Paradise Inn (1985)
  • Bagets Gang (1986)
  • Isa Lang Ang Dapat Mabuhay (1986)
  • Sa Kuko Ng Agila (1989)
  • Eagle Squad (1989)
  • Estribo Gang: The Jinggoy Sese Story (1992) - Vice-Mayor
  • The Marita Gonzaga Rape-Slay: In God We Trust (1995)
  • The Four Stooges (1995) - Adrian
  • Wilson Sorronda: Leader Kuratong Baleleng's Solid Group (1995) - Wilson Sorronda
  • Strebel: Gestapo ng Maynila (1998) - Strebel
  • Ang Erpat Kong Astig (1998) - Joe
  • Hiwaga ng Panday (1998) - Guiller/Panday
  • Col. Elmer Jamias: Barako ng Maynila (2000) - as Col. Elmer Jamias
  • Sagot Kita... Mula Ulo Hanggang Paa (2000) - Ador
  • Walang Iwanan...Peksman (2002)
  • Utang ng Ama (2003) - Don
  • Katas ng Saudi (2007) - Oca
  • Magkaibigan (2008) - Ruben
  • Kimmy Dora (2009) - audience member during Kimmy Dora's speech
  • Ang Tanging Pamilya: A Marry Go Round (2009) - young Dindo
  • Ang Tatay kong Sexy (2016) - Paquito
  • Coming Home (2020) - Pre Production & Official Entry For 1st Metro Manila Summer Film Festival 2020

Bilang executive producer

  • Pepeng Agimat (1999)
  • Palaban (2000)
  • Col. Elmer Jamias: Barako ng Maynila (2000)
  • Eto na Naman Ako (2000)
  • Minsan Ko Lang Sasabihin (2000)

Telebisyon

  • Lorenzo's Time (2012) - as Himself

Mga Parangal

  • Award of Excellence, Asusasyon ng mga Kumentarista at Anaunser ng Pilipinas, 1998
  • Annual Young Achievers Award for Government and Public Sector, 1999
  • Most Outstanding Government Service Award, Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation, Inc., 2011
  • Lifetime Achievement Award, Gawad Amerika, 2012
  • Men Who Matter, People Asia, 2012
  • Distinguished Alumnus in Good Governance Award, University of the Philippines Alumni Association, 2013

Mga sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.