Jesse Robredo
Si Jesse M. Robredo ay dating kalihim ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (Department of Interior and Local Government o DILG) at dating nagsilbi bilang punong-lungsod ng Naga, Bikol. Siya ang kauna-unahang Pilipinong pununglungsod na nakatanggap ng Gawad Ramon Magsaysay para sa Paglilingkod sa Gobyerno noong 2000.
Kabataan
Ipinanganak si Jesse Manalastas Robredo noong 27 Mayo 1958 sa Lungsod ng Naga. Pangatlo siya sa limang magkakapatid na dalawang lalaki at tatlong babae, nina Jose Chan Robredo Sr. at Marcelina Manalastas. Purong Intsik si Lim Pay Co, ang lolo sa ama ni Robredo na dumating sa Pilipinas noong pagpasok ng ika-dalawampung siglo. Nakagawiang ng mga Intsik na nanirahan dito sa Pilipinas na magpalit ng apelyido sa pagpapabinyag nila sa Katolisismo, at pinili ni Lim Pay Co ang pangalan ng paring nagbinyag sa kanya kaya siya naging Juan Lim Robredo. Kinuha naman ng ama ni Jesse ang gitnang pangalang Chan mula sa kanyang ina na apelyido nito noong dalaga pa.
Edukasyon
Nag-aral si Robredo sa Naga Parochial School, isang pribadong Katolikong eskwalahan, kung saan nagsimulang mahasa ang kanyang talento at paglalaro ng ahedres. Kilala ang kanyang paaralan sa pagtala ng pagkapanalo sa taunang panlalawigang palaro ng ahedres at isa ang kapatid ni Jesse sa mga nagwagi rito. Subali't nang si Jesse na ang lumaban, nakamit niya lamang ang ikalawang gantimpala. Noong 1970, pumasok si Jesse sa Ateneo de Naga, ang kaisa-isang Katolikong mataas na paaralan para sa mga lalaki sa lungsod. Pinalalakad ito ng hesuwita kaya kilala sa pagpapairal ng disiplina at kagalingang akademiko. Nang idineklara ni Ferdinand Marcos ang Batas Militar noong 1972, nagpatawag ng pagpupulong ang institusyon at mga tagapamahala nito para ipakita ang kanilang pagkadisgusto sa kasalukyang pamahalaan.
Nagtapos si Jesse sa kanyang kursong Industrial Management Engineering and Mechanical Engineering sa De La Salle University. Napili siya bilang Edward Mason Fellow at kumuha ng Masters Degree in Public Administration sa John F. Kennedy School of Government, Harvard University sa Cambridge, Massachussets noong 1999. Taong 1985 nang matapos niya ang kanyang Masters Degree in Business Administration sa Unibersidad ng Pilipinas bilang iskolar, at ginawaran ng Graduate School and Faculty Organization para sa ipinamalas na husay sa pag-aaral.
Trabaho at pagpasok sa serbisyo publiko
Bago pasukin ang paglilingkod sa publiko, namasukan muna si Robredo sa Physical Distribution Technical Services Department, General Services Division ng San Miguel Corp.. Sa loob ng anim na buwan, hinawakan niya ang dalawa sa tatlong dibisyon at inilipat sa departamentong pinansyal sa loob ng anim na buwan. Lumipat siya sa Magnolia at naatasan sa logistics planning kasabay ng pagiging direktor ng physical distribution.
Pagkabalik niya sa Naga noong 1986, ginawa siyang Program Director ng Bicol River Basin Development Program, isang ahensyang nagpapalakad ng mga gawain sa pagpaplanong paunlarin ang tatlong lalawigan ng rehiyon.
Noong 1988, naihalal siya bilang punong-lungsod ng Naga, pinakabatang naging punong-lungsod sa Pilipinas sa gulang na dalawampu't siyam. Mula sa matamlay na siyudad, nagawa niyang mapabilang ito sa “Most Improved Cities in Asia” ng Asiaweek Magazine noong 1999.
Dahil sa kanyang mabisang pamumuno, naihalal siya bilang pangulo ng Liga ng mga Punong-Lungsod ng Pilipinas noong 1995. Nang taong ding iyon, pinamunuan niya ang Metro Naga Development Council. Naluklok din siya bilang pinuno ng Regional Development Council ng Bikol mula 1992 hanggang 1998. Kasapi rin siya ng Partido Liberal ng Pilipinas.
Kamatayan
Noong 18 Agosto 2012,namatay si Jesse Robredo sa "plane crash."
Mga gawad at pagkilala
Bilang pagkilala sa kanyang natatanging nagawa sa serbisyo publiko, nakatanggap siya ng labing apat na gantimpala mula sa iba't ibang pagkilala gaya ng Gantimpalang Ramon Magsaysay para sa Paglilingkod sa Gobyerno noong 2000, Konrad Adenauer Medal of Excellence bilang Pinakanatatanging Punung-Lungsod ng Pilipinas noong 1998, Outstanding Young Persons of the World (TOYP) Award noong 1990 at The Outstanding Young Men of the Philippines (TOYM), at ang pinakaunang gantimpalang “Dangal ng Bayan ” ng Komisyon sa Serbisyong Sibil. Noong Marso 2008, ipinagkaloob kay Robredo ang honorary Doctor of Humanities degree ng Far Eastern University ng Maynila. Kabilang din siya sa mga board of trustees ng Synergeia Foundation Inc., isang koalisyon ng mga indibidwal, institusyon, at mga organisasyong naglalayong mapagbuti ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Kasama ang dating gobernador ng Isabela na si Grace Padaca at dating gobernador ng Pampanga na si Ed Panlilio, pinangunahan nila ang kilusang “Kaya Natin!” na naglalayong magkaroon ng tunay na pagbabago sa pamumuno sa Pilipinas.
Sanggunian
- “Jesse Manalastas – Robredo Profile”. Naga.gov.ph. (Hinango noong 30 Agosto 2012).
- “First Filipino: The Online Reference on Pioneers with Filipino Lineage” firstfilipino.blogspot.com. (Hinango noong 30 Agosto 2012).
- Tirol, Lorna Kalaw. “BIOGRAPHY of Jesse Robredo”. (Hinango noong 30 Agosto 2012).
- “Small plane carrying DILG Sec. Jesse Robredo crashes off Masbate”.GMA News Online.(Hinango noong 30 Agosto 2012).
- Hermitanio, Maui A.“(UPDATE) Plane carrying DILG Secretary Jesse Robredo crashes off Masbate Bay”. Philippine Online Chronicles.(Hinango noong 30 Agosto 2012).
- Maningat, Jose Carlos L.[www.thepoc.net/breaking-news/politics/16761-robredos-body-found-netizens-mourn-dilg-secs-passing.html “Robredo’s body found; netizens mourn DILG sec’s passing”]. Philippine Online Chronicles.(Hinango noong 30 Agosto 2012).
- “With casket closed, Robredo wake begins”. ABSCBNnews.com.(Hinango noong 30 Agosto 2012).
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |