Jejomar Binay

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Jejomar C. Binay
Jejomar Binay (cropped).jpg
Kasalukuyang Nanunungkulan
Alkalde ng Lungsod ng Makati
Panahon ng Panunungkulan
2007 - Kasalukuyan
Kapanganakan November 11, 1941

Paco, Manila, Philippines

Magulang Diego Medrano Binay at Lourdes Cabauatan
Asawa

Si Jejomar Cabauatan Binay (isinilang noong 11 Nobyembre 1942) na kilala rin bilang Jejomar Binay o Jojo Binay, ay isang Pilipinong abogado at politiko. Siya rin ay ang ika-13 bise presidente ng Pilipinas na naglingkod mula 2010 hanggang 2016.

Nakilala rin si Binay dahil sa kaniyang pamamalakad sa Lungsod Makati kung saan naging alkalde siya mula 1988 hanggang 1998, at muling nahalal noong 2001 hanggang 2010.

Bilang isang abogado, ipinaglaban niya ang karapatan ng mga politikong ibinilanggo noong panahon ng Batas Militar. Binuo niya rin samahan ng mga abogado ng karapatang pantao na Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity, and Nationalist (MABINI). Nakulong din siya dahil sa pakikipaglaban para sa karapatan ng mga politikong ibinalanggo noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Personal na buhay

Si Jejomar Binay ay isinilang noong 11 Nobyembre 1942 sa Paco, Maynila. Ang pangalan niya ay mula sa pinagsama-samang pangalan nina Jesus, Joseph, at Mary. Ang kaniyang ama ay si Diego Medrano Binay, isang librarian mula Bauan, Batangas at ang kaniyang ina ay si Lourdes Gatan Cabauatan na isa namang guro mula sa Cabagan, Isabela. Mayroon siyang kapatid ngunit namatay ito bago isilang. Si Binay ay naulila noong edad na 9.

Nag-aral si Binay ng elementarya at haiskul sa Philippine Normal College Training Department at sa University of the Philippines Preparatory School. Nagtpaos naman siya noong 1962 ng digri sa Political Science sa University of the Philippines. Nag-aral siya ng abogasya sa University of the Philippines College of Law at nagtapos noong 1967. Nang sumunod na taon ay nakapasa siya bar exam.

Kalaunan ay nakauha naman niya ang kaniyang master’s degree sa University of Santo Tomas at sa National Defense College of the Philippines kung saan kumuha siya ng national security administration. Kumuha rin siya ng isang non-resident at general staff na kurso mula sa Armed Forces of the Philippines’ Command and General Staff College. Nag-aral din si Binay sa John F. Kennedy School of Government ng Harvard University.

Mayroon ding diploma si Binay sa land use program ng University of the Philippines noong 1993. Kumuha rin siya ng top management program mula sa Asian Institute of Management sa Bali, Indonesia. Mayroon din siyang master’s degree sa management mula naman sa Philippine Christian University. Nagkaroon din siya ng diploma sa environmental at natural resources management ng University of the Philippines Open University. Mayroon din siyang honorary degree sa Doctor of Public Administration ng Polytechnic University of the Philippines.

Si Binay ay ikinasal kay Elenita Sombilo na isang doktor at naging alkalde rin ng Makati. Mayroon silang anak na sina Maria Lourdes “Nancy” Binay na isa na ring senador; Mar-Len Abigail Binay na kasalukuyang alkalde ng Makati; si Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr., na dating alkalde ng Makati; Marita Angeline Binay; at Joanna Marie Blanca Binay. Mayroon din siyang 13 apo.

Bilang abogado

Matapos pumasa sa bar exam noong 1968, siya ay naging abogado ng karapatang pantao. Sa panahon ng Batas Militar, si Binay ay nagsilbing abogado ng mga ipinakulong na politiko ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Libre ang naging serbisyo niya. Dahil sa pagtulong sa mga kalaban ni Marcos, maging siya ay ipinakulong ng dating pangulo.

Bilang Alkalde ng Makati

Si Binay ay itinalagang alkalde ng Makati ni dating Corazon Aquino noong 27 Pebrero 1986 matapos mabawi ang kalayaan ng Pilipinas mula sa diktadoryang Marcos. Pinalitan niya si Nemesio Yabut na yumao noong EDSA People Power Revolution.

Noong 18 Enero 1988, naihalal si Binay sa unang pagkakataon bilang alkalde ng Makati. Nasundan pa ito noong 11 Mayo 1992 at 8 Mayo 1995.

Dahil naabot na niya ang kaniyang tatlong termino bilang alkalde, sandali siyang umalis sa pwesto at ang tumakbo bilang alkalde ay ang kaniyang asawang si Elenita na nanalo naman noong 1998. Muling tumakbo si Binay noong 2001 kontra sa aktor na si Edu Manzano at napanalunan naman niya ang posisyon at muling naluklok. Nahalal din siyang muli noong 2004 laban kay Oscar Ibay. Isang aktor na naman ang nakalaban ni Binay noong 2007 sa katauhan ni Senador Lito Lapid. Nanalo si Binay laban kay Lapid.

Noong Oktubre 2006, isang suspension order ang inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) laban kay Binay, Vice Mayor Ernesto Mercado, at lahat ng konsehal ng lungsod. Ito ay kaugnay ng reklamo ni dating bise alkalde Roberto Brillante na kilalang kalaban ng pamilya Binay, na mayroon daw mga ‘ghost employee’ ang pamahalaang lokal ng Makati. Bilang tugon, ikinulong ni Binay ang sarili sa loob ng Makati City Hall. Bumuhos ang suporta kay Binay ng mga kilalang personalidad kabilang sina dating Pangulong Corazon Aquino, aktres na si Susan Roces, at ilang mga Obispo ng Simbahang Katolika. Kalaunan, nabasura din ang suspension order matapos kontrahin ng Court of Appeals.

Noong Mayo 2007 naman, iniutos ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ipahinto muna ang paggamit sa bank account ng pamahalaang lokal ng Makati at nina Binay at Mercado. Ito ay matapos masilip ng BIR na hindi nagbayad sina Binay ng buwis ng mga empleyado nila noong 1992 hanggang 2002 na nagkakahalagang ₱1.1 bilyon. Kahit na binayaran nina Binay ang halagang sinisingil sa kanila ng BIR, nanindigan ang alkalde na ang paglabas ng akusasyon ay may kinalaman sa politika.

Bilang Bise Presidente

Naunang ipinahayag ni Binay ang kaniyang intensiyong tumakbo bilang pangulo noong halalan 2010 noong nagdiwang siya ng kaarawan niya sa Makati City Hall noong 2008. Gayunman, nagbago ang isip niya at naging bise presidente siya ni dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada na napaalis sa pwesto noong 2001. Naging running mate sila sa partidong PDP-Laban.

Kahit na hindi gaanong matunog ang pangalan ni Binay sa mga sarbey, siya ang nanalong bise presidente kontra kay Mar Roxas. Mula 2010 hanggang 2016, sila ni Benigno S. Aquino III ang naging lider ng bansa. Sa edad na 67, siya rin ang pinakamatandang nahalal na bise presidente ng Pilipinas.

Bilang bise presidente, si Binay ang nanguna sa Housing Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at naging presidential adviser para sa mga pangangailangan ng mga overseas Filipino worker (OWF). Sa katunayan, nakilala si Binay sa kaniyang pagtulong sa mga suliranin ng OFW noong panahon niya bilang bise presidente. Kabilang sa mga tumatak na aksiyon ni Binay ay ang pakikusap ni Binay sa pamahalaan ng Indonesia para hindi isagawa ang pagbitay kay Mary Jane Veloso na di umano’y naging drug mule.

Pagtakbo sa pagkapangulo

Opisyal na inanunsiyo ni Binay ang pagtakbo niya sa pagkapangulo noong 20 Marso 2015 sa isang talumpati para sa Integrated Bar of the Philippines sa Cebu. Ang kaniyang plataporma ay umikot sa pagpapayabong ng estadong pangkalusugan at pang-eduaksyon ng bansa. Kabilang din sa mga nais niyang tutukan ay ang mga impraestruktura ng Pilipinas, higit ang sektor ng transportasyon.

Gayunman, nabigo si Binay at pumang-apat sa mga kumandidatong pangulo noong 2016 at nakakuha ng 5,318,249 na boto.

Pagkatapos ng pagka-bise presidente

Matapos ng pagkabigo sa pagkapangulo, tinawagan ni Binay si Pangulong Rodrigo Duterte para batiin sa kaniyang tagumpay. Natuon si Binay bilang dekano ng College of Law ng University of Makati. Tumakbo rin si Binay bilang kongresista ng Unang Distrito ng Makati ngunit natalo laban kay dating Bise Alkalde Romulo Peña Jr.

Naging aktibo pa rin si Binay sa pagpapahayag ng kaniyang mga saloobin sa iba’t ibang usaping politikal sa Pilipinas kabilang ang paglalabas ng suporta sa ABS-CBN na tinanggalan ng prangkisa. Pinuna niya rin ang pamahalaan dahil sa hindi maayos na paghawak sa sitwasyon ng bansa sa panahon ng krisis na dulot ng COVID-19.

Inanunsiyo ni Senate President Vicente Sotto III na si Binay ay isa sa kanilang mga kapartido na tatakbo bilang senador sa eleksiyon 2022.

Mga parangal at pagkilala

  • Outstanding Award, Metro Manila Development Authority (MMDA), 1992
  • Award on the Luzon Campaign Medal, 1992
  • Special Presidential Award for Service, 2002
  • Leadership Award, Presidential Citation, 2002
  • Most Outstanding City Mayor of Makati and Consumers Advocate Award, 2003
  • University of the Philippines Oblation Run Award Best in Sports Wear, 2004
  • Centennial Medal of Honor, 2005
  • Outstanding Public Official and Great Achiever, 2005
  • World Mayor Award granted by London-based City Mayors , 2006
  • Bronze Wolf, the only distinction of the World Organization of the Scout Movement, awarded by the World Scout Committee for exceptional services to world Scouting, 2018

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.