Japanese Official Development Assistance Scandal

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Marcos Japanese Official Development Assistance Scandal, o kilala rin sa Japan bilang Marukosu giwaku at Marcos scandal ay ang insidente ng korapsyon sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos na may kinalaman sa Official Development Assistance (ODA) ng bansang Japan sa Pilipinas.

Naging abala ang lehislatura sa bansang Japan dahil sa kontrobersyang ito noong 1986 kaya nagkaroon ng palayaw na "Marcos Diet" ang mga sesyon sa lehislatura sa taong iyon. Ang insidente ring ito ang naging daan para magkaroon ng 1992 ODA Charter ang Japan.

Pagkadiskubre

Nang mahalal si Marcos bilang pangulo noong 1965, itinalaga niya ang kaniyang kaibigan at fraternity brother na si Roberto Benedicto bilang embahador sa bansang Japan. Bilang embahador, nakakuha si Benedicto ng mahigit US$ 550 milyon na danyos para sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na pinaniniwalaang ginamit niya para sa pansariling interes. Niratipikahan rin nila ang Treaty of Amity, Commerce and Navigation sa pagitan ng Japan at Pilipinas. Nagbigay ang kasunduang ito ng karapatan sa Japan na gamitin ang mga likas na yaman ng Pilipinas, ang pangunahing dahil ng Senado para tanggihan ang kasunduang ito.

Nang mapalayas ang mga Marcos, nakuha ng mga Americano ang ilang mga dokumentong dala nila. Dito nadiskubre na mula noong dekada 70, nakatanggap si Marcos at ang kaniyang mga crony ng komisyon na 10 hanggang 15 porsyento ng Overseas Economic Cooperation Funds mula sa mga contractor na Hapon.

Naging mainit na isyu ang eskandalong ito sa panahon ng panunungkulan nina Pangulong Corazon Aquino at Fidel V. Ramos. Hiniling ng pamahalaan ng Japan na huwag nang palakihin ang isyung ito para hindi maapektuhan ang business sector at ang ugnayan ng dalawang bansa.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.