Jaime Cardinal Sin

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Cardinal Jaime Lachica Sin o Jaime Cardinal Sin (31 Agosto 1928–21 Hunyo 2005) ay ang ika-30 Arsobispo ng Maynila at ikatlong Pilipino na naging Kardenal ng Pilipinas. Siya ay naging instrumento sa pagbagsak ng rehimen ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos at sa pagkakaluklok ni Corazon C. Aquino bilang Pangulo ng Pilipinas noong 1986.[1]

Ang kardenal ay pinakamataas na titulo ng isang pinuno sa Simbahang Katoliko, sunod sa Santo Papa. Ang kardernal ay nagsisilbi ring tagapayo ng Santo Papa, at kung ang kaniyang edad ay wala pa sa 80, maaari siyang mahalal bilangkahalili ng Santo Papa. May 229 kardenal sa buong mundo—kabilang ang 128 na maaaring maging sunod na Santo Papa—sa tinatayang 1.2 bilyong Katoliko Romano.[2]

Talambuhay

Si Cardinal Sin ay ipinanganak sa bayan ng New Washington, Aklan noong 31 Agosto 1928. Siya ang ikapito sa siyam na mga anak nina Juan Sin (may dugong Tsino) at Maxima Lachica.

Nagsimulang maging misyonero si Cardinal Sin sa Jaro, Iloilo, at doon ay pumasok siya sa Jaro Archdiocesan Seminary of St. Vincent Ferrer. Naging ganap na pari siya noong 3 Abril 1954. Nagsilbi siya bilang pari ng Diyosesis ng Capiz mulang 1954 hanggang 1957. Nagsilbi rin siya bulang rektor ng St. Pius X Seminary sa Lungsod Roxas mulang 1957 hanggang 1967. Habang nagsisilbi sa simbahan ay natamo niya ang batsilyer sa Edukasyon sa Immaculate Concepcion College noong 1959. Noong 1960 ay ginawa siyang domestikong prelado ni Papa Juan XXIII.

Humawak siya ng iba’t ibang posisyon sa Simbahang Katoliko. Mula sa pagiging pari hanggang sa maging Arsobispo ng Maynila noong 9 Marso 1974 at nagretiro noong Setyembre 2003. Ginawa siyang kardenal ng Papa Paul VI noong 26 Mayo 1976, at inihalal na kasapi ng Synod of Bishops sa Roma.[2]

Impluwensiya sa Politika

Bantog si Cardinal Sin sa kaniyang partisipasiyon sa pagpapatalsik sa dating pangulo at diktador na si Ferdinand E. Marcos noong 1986. Nang ang ministro ng Tanggulang Pambansa na si Juan Ponce Enrile, at ang Ikalawang Hepe de Estado Mayor, Fidel V. Ramos, ay tumangging suportahan ang pagtatangka ni Marcos na manipulahin ang halalan at magsagawa ng pag-aaklas, nanawagan si Cardinal Sin sa mga Filipino sa Kalakhang Maynila na suportahan sina Enrile at Ramos. Libo-libo ang tumugon at dinagsa ang dalawang kampo ng militar. Sa loob ng ilang araw ay tumungo na si Marcos sa Hawaii upang magtago, at si Corazon C. Aquino naman ay nanumpa bilang pangulo.[2]

Dahil sa Aklasang Bayan sa EDSA, si Cardinal Sin ay lumitaw na pangunahing puwersang moral sa polika sa Pilipinas. Noong 1997 hanggang 1998 ay tinutulan niya ang pag-aamyenda ng konstitusyon na magpapahintulot kay dating Pangulong Ramos sa ikalawang termino, at noong 1999–2000 ay sinuportahan niya ang pag-aakusa kay dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada sa pagtangap ng milyon-milyong pera mula sa kita ng ilegal na pagsusugal. Paulit-ulit niyang hinimok ang mga Pilipino na bumoto nang wasto. Sinuportahan niya si Gloria Macapagal Arroyo sa paghalili nito kay Estrada. [3]

Kamatayan at Pagkilala

Pumanaw si Cardinal Sin noong 21 Hunyo 2005, sa edad na 76. Nagkaroon siya ng komplikasyon sa bato dulot ng diabetes na sanhi ng kaniyang pagpanaw. Bilang pagpaparangal, binigyan siya ng pamahalaan ng isang pambansang libing. Inilagak ang kaniyang labí sa Manila Cathedral. Ipinangalan sa kaniya ang isang gusali sa tabi ng Simbahan ng Quiapo. Matatagpuan din ang kaniyang bantayog sa plasa ng bayan na kaniyang sinilangan. Ilan sa mga parangal na natanggap niya sa kaniyang buhay ay ang Philippine Legion of Honor, Order of Sikatuna, Order of Lakandula, at 26 doktoradong pandangal mula sa iba’t ibang pamantasan ng daigdig, tulad ng Yale University, Georgetown University, at Unibersidad ng Santo Tomas sa Maynila.[3]

Mga Sanggunian

  1. Severino Samonte. “The late Cardinal Sin: A benevolent and unselfish church leader.” Philippine News Agency, 21 Hunyo 2018.  https://www.pna.gov.ph/articles/1038948. Accessed 9 Marso 2021.
  2. 2.0 2.1 2.2 Paterno R. Esmaquel II. “It’s official: Capiz Archbishop Jose Advincula now a cardinal.” Rappler, 28 November 2020.  https://www.rappler.com/nation/capiz-archbishop-jose-advincula-now-cardinal-november-28-2020. Accessed 9 Marso 2021.
  3. 3.0 3.1 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.