Jabidah Massacre

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Tinawag na Jabidah Massacre ang umano'y pagpatay sa mga sundalong Moro noong ika-18 ng Marso 1968 matapos nilang mag-alsa nang malaman nila ang tunay na dahilan ng kanilang pagsasanay. Kinikilala ito bilang isang malaking salik sa pagsisimula ng pag-aalsa ng mga Muslim sa Mindanao laban sa pamahalaan ng Pilipinas.

Pilipinas at Sabah

Simula noong 1658, napunta sa Sultanato ng Sulu ang hilagang-silangang bahagi ng Sabah matapos itong ibigay ng Sultanato ng Brunei sa Sultan ng Sulu para kaniyang tulong sa isang pag-aalsa. Noong 1878, naging bahagi ng kolonya ng mga Briton ang Sabah, at matapos ang pamumuno ng mga Briton sa Malaysia noong 1946, naging bahagi ito ng Malaysia. Umapela ang Pilipinas ngunit hindi ito nagtagumpay.

Noong 1962, muling binuhay ni Pangulong Diosdado Macapagal ang pag-angkin ng Pilipinas sa Sabah sa pamamagitan ng "Operation Merdeka". Sa ilalim ng planong ito, magkakaroon ng pagsasanay ng mga sundalo para pasukin ang Sabah. Noong 1967, palihim na inutusan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos si Major Eduardo "Abdul Latif" Martelino na bumuo ng isang lihim na grupo na tatawaging "Jabidah" para isagawa ang "Project Merdeka" at sakupin ang Sabah.

Sinasabing pumunta sa Sabah si Martelino kasama ang 17 iba pa para magsagawa ng reconnaissance at psychological warfare sa Sabah. Sa ikalawang bahagi ng plano naganap ang massacre, kung saan nasa 180 mga Tausug mula sa Sulu ang sumailalim sa isang pagsasanay sa Corregidor Island. Nanatiling lihim ang tunay na pakay ng pagsasanay na ito.

Jabidah Massacre

Unang nalaman ng publiko ang tungkol sa Oplan Merdeka at Jabidah massacre noong ika-18 ng Marso 1968 nang matagpuan ng dalawang mangingisda si Jibin Arula sa karagatan malapit sa Caballo Island sa Manila Bay. May mga tama ng bala sa katawan si Arula at ikinuwento niya na siya ang tanging nakaligtas sa pagpatay ng mga sundalo sa grupo ng mga Muslim na army recruit.

Bagama't hindi malinaw ang totoong mga pangyayari, sinsabing nangyari ang massacre matapos tumanggi ang mga recruit na ituloy ang kanilang pagsasanay at hiniling na makauwi na sila. May isang grupo umano ng mga recruit na dinisarmahan, may ibang inilipat sa ibang military camp, at ang iba naman ay nakauwi. Ang isa pang grupo ng mga recruit ay pinaniniwalaang pinatay ng mga sundalo at tanging si Jibin Arula ang nakaligtas.

May iba't ibang bersyon ng salaysay sa tunay na dahilan ng pagtanggi ng mga recruit na ipagpatuloy ang kanilang pagsasanay. May isang bersyon na nagsasabing nag-aklas ang mga ito dahil sa hindi maayos na kondisyon sa Corregidor at hindi pagdating ng kanilang allowance. May isang bersyon din na nagsasabing nag-aklas ang mga ito matapos malaman na sila ang gagamitin para sakupin ang Sabah, lalo na't ang alam nilang dahilan ng kanilang pagsasanay ay ang paglaban sa mga komunista.

Dahil sa iba't ibang bersyon ng kwento sa likod ng mga tunay na pangyayari, naging mahirap na maparusahan ang mga sundalo at opisyal ng militar na sangkot dito, na lalong ikinagalit ng mga Muslim.

Iba't Ibang Reaksyon

Matapos mailigtas si Jibin Arula, dinala siya kay Gobernador Delfin N. Montano at isinalaysay niya ang mga pangyayari. Naging dahilan ito ng pag-iimbestiga ng Senado at House of Representatives.

Isa sa mga unang nagsiwalat ng mga pangyayari si Senador Benigno Aquino Jr., na sinabing ang nangyaring massacre ay isa sa mga paraan ni Marcos para manatili sa kapangyarihan. Hiniling rin ni Haroun al-Rashid Lucman, kinatawan ng Lanao del Sur, na simulan ng Kongraso ang impeachment ni Marcos.

Pagsisimula ng pag-aaklas ng mga Moro


Sa kabila ng iba't ibang bersyon ng mga pangyayari, naniniwala ang mga historyador na malaki ang papel na ginampanan ng Jabidah massacre sa pagsisismula ng pag-aaklas ng mga Muslim sa Mindanao lalo na sa panahon ng rehimeng Marcos. Noong Mayo 1968, itinatag ni dating Cotabato governor Datu Udtog Matalam ang Muslim Independence Movement (MIM). Isa sa mga miyembro ng MIM, si Nur Misuari, ang nagtatag ng Moro National Liberation Front (MNLF), noong ika-21 ng Oktubre 1972, isang buwan matapos ideklara ni Marcos ang martial law sa buong Pilipinas, kasama na ang Muslim Mindanao.

Opisyal na Pagkilala

Noong ika-18 ng Marso 2013, opisyal na kinilala ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang nangyaring massacre, 45 taon matapos itong nangyari. Ito ang unang pagkakataon na kinilala ng isang pangulo ang nasabing insidente.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.