JV Ejercito

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Sen. JV Ejercito - 2018 (cropped).jpg

Si Joseph Victor Gomez Ejercito (isinilang noong 26 Disyembre 1969) na kilala rin bilang JV Ejercito o JV Ejercito Estrada, ay isang Pilipinong politiko at dating senador ng Pilipinas mula 2013 hanggang 2019. Naging representative din siya ng Lungsod San Juan mula 2010 hanggang 2013 at naging alkalde ng lungsod noong 2001 hanggang 2010. Anak siya ni dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada at kapatid niya sa ama si dating Senador Jinggoy Estrada.

Noong 2 Oktubre 2021, pormal na naghain ng kandidatura sa pagka-senador si Ejercito. Dahil dito, sa ikalawang pagkakataon ay makalalaban niya ang kaniyang kapatid na si Jinggoy sa parehong posisyon. Una silang nagharap noong halalan 2019 ngunit magkatulad silang nabigong makapasok sa magic 12.

Personal na buhay

Si JV Ejercito ay isinilang nooong 26 Disyembre 1969 sa San Juan. Siya ay anak ni noon ay alkalde ng San Juan na si Joseph Ejercito Estrada at ni Guia Gomez na kalaunan ay naging alkalde rin ng lungsod.

Nag-aral ng elementarya at haiskul si Ejercito sa Xavier School. Nagtapos naman siya ng kolehiyo noong 1991 sa De La Salle University sa kursong AB Political Science.

Noong 9 Hunyo 2007, ikinasal si Ejercito kay Hyacinth “Cindy” Lotuaco sa John the Baptist Parish Church sa Pinaglabanan, San Juan. Kahit nakakulong ang ama ni Ejercito na si dating Pangulong Estrada dahil sa kasong plunder, nakadalo pa rin ito sa bisa ng permisong inilabas ng Sandiganbayan. May dalawang anak din si Ejercito, sina Julio Jose at Jose Emilio.

Hilig ni Ejercito ang paglalaro ng golf kung mayroong oras. Naging Commissioned Reserve Officer din siya ng Philippine Marine Corps na may ranging Major at kinuhang miyembro ng Philippine Military Academy Class of ’88 ng Maringal.

Politika

Bilang alkalde ng San Juan

Noong 2001, unang sumabak si Ejercito sa politika dahil sa malakas na panawagan ng mga mamamayan ng San Juan na siya ay tumakbo. Hindi naman siya nabigo at nanalo. Naihalal din siya ng tatlong magkakasunod na termino mula 2001 hanggang 2010.

Sa pamumuno ni Ejercito, nagkaroon ng paglago sa ekonomiya ng San Juan. Lumago ang kita ng lungsod noong 2001 mula ₱300 milyon patungong ₱1.2 bilyon noong 2010. Dahil sa taon-taong paglago ng lungsod, noong 2007, tinagurian ang San Juan bilang isang highly urbanized city.

Dahil din sa kontribusyon niya sa Lungsod ng San Juan, napasama si Ejercito sa Ten Outstanding Young Men (TOYM) awardee for Public Service and Governance noong 2007.

Bilang kongresista

Noong 2010 naman, tumakbo si Ejercito bilang kongresista ng nag-iisang distrito ng San Juan at walang lumaban sa kaniya. Sa ika-15 Kongreso, naparangalan si Ejercito bilang isa sa 15 Most Outstanding Congressman. Siya rin ang naging chairman ng House Committee on Metro Manila Development, at naging pangalawang pinuno ng Committees on Labor and Employment at Local Government.

Ilan sa mga ginawang panukala ni Ejercito nang siya ay nasa Kongreso at kalaunan ay naisabatas ay ang House Bill (HB) 4225 o ang Participatory Governance Through CSOs Empowerment Act of 2011, HB 4541: Mercury Exposure Information Act of 2011, HB 4565: Local Housing Boards Act, HB 5870: Cadastral Survey Act of 2012, at HB 6144: Domestic Workers Act of 2012 or Kasambahay Bill. Isa rin siya sa mga nagsulong ng mas mataas na pondo para sa mga state collges and universities at ipinaglaban ang pagbabago sa sistema ng Sangguniang Kabataan (SK).

Bilang senador

Noong 1 Oktubre 2012, pormal na naghain ng kandidatura si Ejercito para tumakbong senador ng Pilipinas. Pinalad naman siya at nakuha ang ika-11 puwesto sa pinakamataas na boto para sa senado noong 2013 midterm elections.

Sa anim na taon ni Ejercito bilang senador, nakapaghain siya ng nasa 140 na panukalang batas at mga resolusyon. Siya rin ang namuno sa Senate Committee on Economic Affairs at sa Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, at sa Health and the Demography Committee ng ika-17 Kongreso.

SI Ejercito rin ang isa sa mga principal sponsor ng RA 11229 o ang Child Safety in Motor Vehicles Act na nagtatakda sa mga batang 12 anyos pababa na wala pa sa tangkad na 1.50 m (4ft 11 in) na sumakay sa child safety seats kung nasa sasakyan.

Noong 6 Abril 2016, naglabas ang Sandiganbayan Fifth Division ng arrest warrant laban kay Ejercito at apat pang opisyal dahil sa mga anumalya at nawawalang pondo noong siya ay alkalde pa ng San Juan. Gayunman, napawalang sala si Ejercito ay kalaunan ay ibinasura din ang mga kaso laban sa kaniya.

Pagtakbo noong 2019

Noong 2019, muling tumakbo si Ejercito bilang senador. Inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkandidato ni Ejercito. Nagkaroon sila ng alitan ng kapatid na si dating Senador Jinggoy Estrada dahil sa sinabi ni Ejercito na maaaring makaapekto sa kanila ang sabay na pagtakbo nilang magkapatid sa parehong posisyon. Tila nagparinig din si Ejercito sa kaniyang kampanya na siya ang “The Good One” dahil ang kaniyang kapatid na si Jinggoy ay nakasuhan at nakulong dahil sa kasong pandarambong.

Naglaban sina Ejercito at Binay sa ika-12 o huling pwesto para sa pagka-senador noong 2019. Dahil nasa ika-15 puwesto si Jinggoy, sumuko na ito sa laban at hiniling na si Senadora Nancy Binay ang makapasok sa magic 12. Bandang huli, magkatulad na natalo ang magkapatid at nagtapos sa ika-13 puwesto si Ejercito.

Halalan 2022

Sinabi ni Ejercito na pag-iisipan niya ang pagtakbong muli para sa halalan 2022. Nais niya raw tumakbo bilang senador upang maipagpatuloy ang kaniyang mga nasimulan, lalo na ang pagpapatupad ng mga naipasa niyang batas.

Gayunman, nagbabalak ding tumakbo si Jinggoy sa 2022 sa senado rin. Ayon kay Ejercito, naniniwala siya sa pahayag ni Jinggoy na isa lamang sa kanila ang dapat tumakbo sa 2022 dahil mauulit na naman ang nangyari noong 2019. Ayon sa kaniya, imposible raw na manalo sila nang sabay at hindi rin niya matitiyak kung magkakausap silang magkapatid upang maayos ang gagawin nilang pagtakbo sa 2022 dahil malalim na ang hidwaan sa kanilang dalawa.

Noong 2 Oktubre 2021, pormal na inihain ni Ejercito ang kaniyang kandidatura sa pagka-senador sa Sofitel Hotel, Lungsod ng Pasay. Sa isang panayam matapos maghain ng kaniyang certificate of candidacy (COC), sinabi ni Ejercito na isa sa mga suliranin niya sa kaniyang pagkandidato sa halalan 2022 ay ang kung saang partido siya sasama. Marami daw kasing mga partido ang nag-aalok sa kaniyang sumali sa kanilang lineup sa senado. Ang mga alok din daw na ito mula sa iba’t ibang partido ang nag-udyok kay Ejercito na muling tumakbo sa Senado.

Kinabukasan, 3 Oktubre 2021, ay naghain din ng kandidatura si Jinggoy at tatakbong senador ng Pilipinas. Sa ikalawang pagkakataon, magkalabang muli ang magkapatid na parehong nabigong makakuha ng pwesto sa senado noong 2019.

Mga Sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.