Istorya ng Pag-asa

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Istorya ng Pag-asa (INP) ay isang proyekto ng Office of the Vice President (OVP) Leni Robredo na naglalayong magpalaganap ng mga kuwentong kapupulutan ng inspirasyon mula sa matatagumpay at kakaibang istorya ng mga Pilipino at malabanan ang mga negatibong pangyayari at pagkalat ng maling impormasyon.

Ayon kay Robredo, ang isa sa mga inspirasyon sa pagbuo ng Istorya ng Pag-asa ay ang mga kabataang nais magkaroon ng pagbabago sa kanilang araw-araw na usapan na kadalasan ay puno ng mga negatibong kuwento at balita. Ilan sa mga nakausap niyang kabataan ay hindi na raw nagbubukas ng telebisyon upang manood ng balita o magbasa man lamang ng pahayagan upang makibalita. Layunin din ng Istorya ng Pag-asa na magbigay ng alternatibong mababasa, mapanonood, at makikitang kapupulutan ng inspirasyon sa panahong talamak ang mga pekeng balita, binagong impormasyon, at troll sa social media.

Ang Istorya ng Pag-asa ay naisasakatuparan sa tulong ng mga lokal na komunidad, mga socio-civic group, paaralan, lokal na pamahalaan, at mga mamamayan sa loob at labas ng Pilipinas.

Simula at pagbabago

Pormal na inilunsad ang Istorya ng Pag-asa noong Nobyembre 2016 bilang isang photo gallery na nagpapakita ng mga larawang kapupulutan ng inspirasyon ng mga Pilipino. Inililibot rin nila ang photo gallery na ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kalaunan, ang Istorya ng Pag-asa ay naging isang malaking pagtitipon kung saan itinatampok ang kuwento ng mga Pilipinong nagtagumpay sa buhay sa kabila ng mga kinahaharap na pagsubok. Ang unang pinakamalaking pagtitipon para sa bagong bihis ng Istorya ng Pag-asa ay ginawa noong Hunyo 28, 2017 sa Cuneta Astrodome sa Lungsod Pasay.

Dito ay itinampok ang kuwento nina Hidilyn Diaz, kauna-unahang Pilipinong nanalo ng gintong medalya sa Olympics; Lorna Tambaoan, isang tinderang turon at banana cue na isang biyuda at binubuhay ang apat na anak; Rudy Labata, isang cancer survivor; at Dina Dela Paz-Stalder, isang kasambahay na ngayon ay CEO na ng sariling kompanya.

Dinala rin ni Robredo ang Istorya ng Pag-asa sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas tulad ng Cebu noong Marso 2017 at Ateneo de Naga Univeristy sa Camarines Sur noong 2018 na itinampok ang nakamamanghang kuwento ng mga mamamayan ng bawat lalawigan.

INP Short Film Festival

Sa pakikipagtulungan ng Ayala Foundation, binuo ang Istorya ng Pag-asa Short Film Festival noong 2017. Ito ay isang patimpalak na bukas sa mga propesyonal at di-propesyonal na filmmaker sa buong Pilipinas, kabilang ang mga Pilipino sa ibang bansa.

Kinakailangang ang maikling pelikulang isasali sa patimpalak ay hindi lalagpas sa limang minuto at nagtatampok ng totoong kuwento ng inspirasyon ng mga simpleng mamamayan. Ayon kay Robredo, malaking tulong ang paglulunsad nila ng kompetisyong ito upang mas makalikom ng mga kuwentong magbibigay ng pag-asa sa mga mamamayang humaharap din sa pagsubok ng buhay.

Sa unang taon ng patimpalak, halos 80 entri ang natanggap ng OVP at Ayala Foundation. Ginawa ang gabi ng parangal sa Cinema 6 ng Glorietta 4, Lungsod ng Makati noong Hulyo 12, 2018. Ipinalabas sa gabing iyon ang Top 15 na entri. Ang mga naging hurado ay sina Sharmaine Buencamino, Doy del Mundo, Liza Diño, Dan Villegas, at Quark Henares.

Ang maikling pelikulang “Ang Biyahe ni Marlon” ang nag-uwi ng unang parangal sa INP Short Film Festival 2018. Ito ay kuwento ng isang Uber driver na si Marlon Fuentes na may Tourette Syndrome na patuloy na nagtatrabaho. Ang maikling pelikulang ito ay ginawa ni Florence Rosini, isang multimedia writer at nag-wui ng ₱50,000, DSLR Camera, at isang smartphone. Ang mga nagwaging pelikula ay ipinalabas din sa Ayala Cinemas.

Mga nagwagi

Istorya ng Pag-asa Short Film Festival 2018

  • Unang parangal - Ang Biyahe ni Marlon – Likha ni Florence Rosini
  • Ikalawang parangal – Tago – Likha ni Meg Seranilla
  • Ikatlong parangal – Gawilan – Likha ni Kelsy Lua
  • Best Director – Anna Mikaela Quizon (Pamilyang Bernardo)
  • Best Cinematography – AR Angcos (The Climbing Puppeteer)
  • Best Script – Demy Cruz Jr. (Ang Gahum Sang Daku Nga Handum)

Istorya ng Pag-asa Short Film Festival 2019

  • Unang parangal – Ka Dodoy – Likha nina Meg Seranilla at Mark Aposaga
  • Ikalawang parangal – Maglabay Ra In Sakit – Likha ni Mijan Jumalon
  • Ikatlong parangal – Litratista – Likha ni Allan Lazaro
  • Best Director – Anna Lazaro (Litratista)
  • Best Cinematography - Meg Seranilla at Mark Aposaga (Ka Dodoy)
  • Best Editing - Mijan Jumalon  (Maglabay Ra In Sakit)
  • People’s Choice Award – Yapak – Likha ni Romel Lozada
  • Office of the Vice President Special Award – Modern Day Hero – Likha ni Roy Robert Rusiana
  • Ayala Foundation Community Development Award – Ka Dodoy – Likha nina Meg Seranilla at Mark Aposaga

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.