Isko Moreno

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
IskoMorenoOfficialPortrait.jpg

Si Francisco Moreno Domagoso (isinilang noong 24 Oktubre 1974) na mas kilala bilang Isko Moreno, ay isang dating aktor at ngayon ay isang politiko sa Pilipinas. Siya ay kasalukuyang alkalde ng Maynila at naupo sa puwesto noong 2019.

Bago naging alkalde, si Moreno ay nagsilbi bilang konsehal ng Maynila mula 1998 hanggang 2007. Naging bise-alkalde rin siya ng lungsod mula 2007 hanggang 2016. Tumakbo siyang senador noong 2016 ngunit nabigong maihalal. Itinalaga siya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang tagapangulo ng North Luzon Railways Corporation mula Hulyo 2017 hanggang Oktubre 2017 at naging undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Mayo 2018 hanggang Oktubre 2018.

Nagsimulang makilala si Moreno bilang isang artista. Napasama siya sa sikat na 90s TV show na That’s Entertainment at naging alaga ni German Moreno. Pinasok din ni Moreno ang paggawa ng mga seksing pelikula.

Nang maupo bilang alkalde ng Maynila, sumikat ang imahe ni Moreno na makamasa at gumagamit ng ilang balbal na wika at salitang kanto. Napauso rin niyang muli ang pagbabaligtad ng mga salita kabilang ang naging alyas sa kaniyang “yorme” na binaligtad na salitang “mayor.”

Noong 4 Oktubre 2021, pormal na naghain ng certificate of candidacy (COC) si Moreno bilang kandidato sa pagkapangulo ng Pilipinas. Katambal niya si Dr. Willie Ong. Tatakbo sila sa ilalim ng partidong Aksyon Demokratiko.

Personal na Buhay

Isinilang si Francisco “Isko” Moreno Domagoso noong 24 Oktubre 1974 sa mahirap na komunidad sa Tondo, Maynila. Anak siya nina Joaquin Domagoso na nagtatrabaho sa pier at Rosario Moreno na mula sa Northern Samar.

Sa isang panayam, sinabi ni Moreno na napagtanto niyang mahirap sila noong siya ay 10 taong gulang dahil wala sila ng mga bagay na mayroon ang mga kapitbahay nila tulad ng mga appliance at iba pang gamit sa bahay. Dito siya nagsimulang sumabak sa pangangalakal. Iniikot niya ang kanilang lugar tulak ang isang kariton upang mangalap ng mga diyaryo, bote, at iba pang kalakal. Sa pagpag o mga tira-tirang pagkain sa basurahan din madalas na kumukuha ng makakain ang pamilya ni Moreno. Inilahad rin ni Moreno na naging panunukso noon sa kaniya ng mga kaklase at kalaro ang pangangalakal at pamamasura. Kung minsan, naiiyak na lang daw siya sa panunudyo ng mga ito. Kahit na magulo sa kinalakihang lugar, hindi natulad si Moreno sa kaniyang mga kababatang nalulong sa bisyo. Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral at nakapagtapos ng haiskul. Dahil hirap sa buhay, batid na noon ni Moreno na hindi siya kayang pag-aralin ng kaniyang mga magulang ng kolehiyo. Dito siya napilitang sumabak sa pag-aartista.

Ikinasal si Moreno noong 2000 sa negosyanteng si Dianna Lynn Ditan. Mayroon silang limang anak. Ang isa sa mga anak ni Moreno na si JD Dumagoso ay sumabak na rin sa pag-aartista at napapanood sa GMA Network.

Buhay Artista

Nadiskubre si Moreno ng talent scout na si Wowie Roxas noong 1993 sa isang burol sa Tondo. Hinikayat siya nitong sumali sa showbiz. Kahit walang alam sa pag-aartista at sa pagnanais na kumita ng pera, pumayag si Moreno sa alok sa kaniya.

Ang una niyang naging proyekto ay ang isang teen show sa RPN-9 na Young Love, Sweet Love na pinangungunahan ni German “Kuya Germs” Moreno. Matagal mang naghintay si Moreno bago makuhanan ng eksena, naaliw naman siyang maghintay dahil may libreng pagkain, kuwartong may air-con, at may bayad na ₱1,500 ang una niyang proyekto bilang artista. Matapos nito ay napasama siya sa ika-pitong batch ng That’s Entertainment na si Kuya Germs pa rin ang host. Dito na naipakilala ang kaniyang pangalan bilang “Isko Moreno.”

Noong 1994, nakuha ni Moreno ang kaniyang unang malaking papel sa pelikula bilang katambal ni Claudine Barretto sa Muntik na Kitang Minahal. Sumabak din si Moreno sa paggawa ng mga seksing pelikula noong 1990s at nagbida sa mga pelikulang Siya’y Nagdadalaga, Exploitation, Mga Babae sa Isla Azul, at Misteryosa.

Saglit na nahinto si Moreno sa pag-aartista nang pumasok sa politika at naging konsehal ng Maynila. Gayunman, nagkaroon siya ng ilang proyekto sa showbiz kahit na abala sa pagiging lingkod-bayan. Naitampok ang buhay niya sa drama anthology ng ABS-CBN na Maalaala Mo Kaya (MMK) noong 2004 na ginampanan ni Danilo Barrios. Nagsilbi namang pagbabalik sa pag-arte ni Moreno ang kaniyang papel bilang isang pari sa primetime series ng ABS-CBN na Mga Anghel na Walang Langit noong 2005. Nagkaroon din siya ng ilang maiikling papel sa iba pang palabas tulad ng Bakekang noong 2007 at panghapong serye na Ligaw na Bulaklak.

Kahit na alkalde na ng Maynila, patuloy pa rin ang paglabas ni Moreno sa iba’t ibang palabas sa telebisyon, maging sa ilang pelikula. Mayroon din siyang mga endorsement na ayon kay Moreno ay napupunta sa mga kawanggawa ang mga kinikita niya rito.

Bilang Politiko

Naging konsehal ng unang distrito ng Maynila si Moreno noong 1998. Siya ay muling nahalal noong 2001 at 2004. Noong 2007, naging bise-alkalde naman siya ng lungsod katambal si Danny Lacuna. Gayunman, si Moreno lamang ang nanalo at si dating Senador Alfredo Lim ang kaniyang naging alkalde.

Bilang paghahanda sa kaniyang trabaho bilang politiko, kumuha si Moreno ng maikling kurso sa Local Legislation at Local Finance sa University of the Philippines sa Diliman, Lungsod Quezon. Tinapos rin niya ang kursong public administration sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Kumuha rin siya ng maiikling kurso sa pamumuno at pamahalaan sa John F. Kennedy School of Government sa Harvard University at ng Said Business School sa University of Oxford. Kumuha rin ng abogasya si Moreno sa Arellano University ngunit huminto noong ikalawang taon niya dahil siya ay nahalal bilang bise-alkalde ng Maynila.

Noong 2013, inanunsiyo ni dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada na siya ay tatakbo bilang alkalde ng Maynila at si Moreno ang naging katambal niya. Naging matagumpay sila noong Halalan 2013 dahil pareho nilang nakuha ang posisyon.

Tumakbo bilang senador si Moreno noong 2016 sa ilalim ng Partido Galing at Puso na koalisyon ng kandidato sa pagkapangulo noon na si Senadora Grace Poe. Nabigo si Moreno at nagtapos lamang sa ika-16 puwesto.

Matapos ang eleksiyon, itinalaga ni Pangulong Duterte si Moreno bilang chairman ng North Luzon Railways Corporation noong Hulyo 2017 ngunit nagbitiw rin noong Oktubre 2017. Noong Mayo 2018 naman, itinalagang muli si Moreno bilang undersecretary ng DSWD at umalis sa puwesto noong Oktubre 2018 dahil nakatakda siyang tumakbo bilang alkalde ng Maynila.

Bilang Alkalde ng Maynila

Noong Halalan 2019, nanalo bilang alkalde ng Maynila si Moreno at tinalo ang dating namumuno sa lungsod na sina Estrada at Lim. Naging tanyag din ang tawag sa kaniyang “yorme” na hango sa mga binabaligtad na salitang muling pinauso ni Moreno bilang bahagi ng pagpapakilala niya sa mga Manilenyong siya ay alkalde ng masa.

Mga proyekto

Nilagdaan ni Moreno ang ordinansang nagtatakda ng buwanang allowance na ₱1,000 sa mga mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at Universidad de Manila. Ang mga Grade 12 na mag-aaral din sa lungsod ay mayroong ₱500 allowance buwan-buwan mula sa lokal na pamahalaan na natatanggap nila sa kanilang cash cards. Kinakailangan na botante ng Maynila ang magiging iskolar o kanilang mga magulang at hindi magkakaroon ng bagsak na marka.

Naglalaan din ang Maynila ng ₱500 buwanang allowance para sa mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), at mga solo parent. Ang mga nakatatanda ay nakatatanggap din ng ₱800 at cake sa kanilang kaarawan bilang regalo ng pamahalaang lungsod.

Naging matunog din ang pangalan ni Moreno dahil sa unti-unting pagbabalik ng ganda ng Maynila. Pinagandang muli ang makasaysayang Jones Bridge at ibinalik ang orihinal nitong arkitektura. Muli ring pinaganda ang sikat na Manila Zoo at nilinis din ang Monumento ni Gat Andres Bonifacio sa Maynila na naging tirahan na ng mga walang tahanan sa Maynila. Pinatanggal din ni Moreno ang mga iligal na tahanan at iba pang istruktura sa Maynila at mga kilalang lugar sa lungsod kabilang ang paglilinis ng Manila North Cemetery.

Iniutos din ni Moreno sa nilagdaang Executive Order No. 43 ang lingguhang paglilinis ng 896 na barangay sa Maynila. Nanguna rin si Moreno sa paglilinis ng mga imbornal, estero, at iba pang daanan ng tubig sa lungsod na konektado rin sa Ilog Pasig.

Ipinatayo rin ni Moreno ang sampung palapag na mayroong 384 na silid sa bagong Ospital ng Maynila Medical Center at inilunsad rin ang Tondominium 1 at 2 na isang relokasyon sa mga iligal na ninirahan sa ilang lugar sa Tondo, Maynila.

Sa panahon ng pandemya

Isa ang Maynila sa nagkaroon ng pinakamaraming kaso ng tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Nagdeklara si Moreno ng state of calamity sa Maynila noong 15 Marso 2020 kasunod ng pagkompirmang may kaso na ng COVID sa lungsod.

Naglaan ang pamahalaang lungsod ng inisyal na ₱227.5 milyon para matulungan ang mga pamilya sa Maynila na apektado ng lockdown. Iniutos din ni Moreno na magbigay ng libreng pasilidad para sa mga doktor, nars, at iba pang frontliner sa lungsod. Kalaunan ay naglunsad ang lungsod ng 189 na electronic tricycle na naghahatid at nagsusundo sa mga medical frontliner sa lungsod.

Nakipagtulungan din si Moreno sa pamahalaang nasyonal at sa DSWD upang makapagbigay ng ayuda sa mga residente ng Maynila. Noong 5 Abril 2020, nilagdaan ni Moreno ang ordinansang nagpapatupad ng City Amelioration Crisis Assistance Fund (CACFAF) na mayroong badyet na ₱519 milyon upang makapagbigay ng ₱1,000 ayuda sa nasa 568,000 na pamilya sa lungsod. Nagkaroon ng ikalawang beses ng pamamahagi ng CACFAF noong Mayo 20 hanggang 21.

Noong 13 Abril 2020, inihayag ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila na kaya na nila ang magsagawa ng mass testing sa kanilang lungsod. Ang anim na ospital na pinatatakbo ng pamahalaang lokal ay kayang magsagawa ng 232 test kada araw. Madalas ding magpatupad ng lockdown sa mga lugar sa Maynila na mataas ang naitatalang kaso ng COVID-19. Nagpatayo rin ang Maynila ng kanilang Manila COVID-19 Field Hospital sa Rizal Park na nagsimulang tumanggap ng pasyente noong Hunyo 25, 2021.

Inilunsad rin sa Maynila noong Hulyo 15 ang kanilang drive-thru testing kung saan ang mga nasa sasakyan ay maaaring magsagawa ng libreng COVID-19 test.

Halalan 2022

Noong Agosto 2021, lumipat si Moreno sa Aksyon Demokratiko mula sa National Unity Party. Si Moreno rin ang itinalagang bagong pangulo ng Aksyon Demokratiko. Bali-balitang ang bagong partido ni Moreno ang nakatakdang sumuporta sa kaniya sa sinasabing pagtakbo niya sa pagkapangulo sa Halalan 2022. Sa isang panayam, sinabi ni Moreno na sigurado ang pagtakbo niya sa 2022 ngunit hindi pa niya alam kung anong posisyon.

Nakatakda sanang manumpa si Moreno at iba pang kasapi ng partido, kabilang si Pasig Mayor Vico Sotto na executive pangalawang pangulo naman ng Aksyon Demokratiko, ngunit hindi ito natuloy dahil sa ilang kaguluhan sa vaccination sites sa Maynila.

Dahil sa napapabalitang pagtakbo ni Moreno sa pagkapangulo, unti-unti ring dumarami ang mga tumutuligsa sa kaniya sa social media, kabilang ang mga naniniwala kina Pangulong Duterte at Davao City Mayor Inday Sara Duterte.

Isa rin si Moreno sa mga nangunguna sa ginagawang sarbey sa mga matutunog na pangalan sa pagkapangulo. Sa ginawang Pulse Asia survey noong Hunyo 2021, pumangalawa si Moreno sa mga pinaboran ng mga mamamayan na maaaring tumakbo sa pagkapangulo sa 2022. Nanguna sa listahan si Sara Duterte.

Nabalot naman ng kontrobersiya ang naging pahayag ni Panguong Duterte sa isang panayam sa bayan nang tila magparinig ito kay Moreno. Bagaman walang nabanggit na pangalan si Duterte, sa kaniyang pahayag na may nakita siyang larawan sa Facebook na isang lalaking naka-bikini at sinisilip ang maselang bahagi ng katawan nito. Sinabi pa niya na ito raw ba ang gusto ng madla na isang “call boy” ang maging susunod na pangulo.

“Nakita ko nga sa Facebook kanina lahat ng naka-bikini ang g*** tapos meron isang picture pa dun sinisilip niya iyong ari niya. Iyan ang gusto nyo? Ang training parang call boy. Naghuhubad sa picture, naka-bikini, tapos ‘yung garter tinatanggal niya.”

Maliban dito, sinabi ni Duterte na hindi niya binigyan ang taong tinutukoy niya ng awtoridad na mamahagi ng cash assistance dahil wala raw kakayahan itong mag-organisa.

Kahit na hindi pinangalanan, nakuha ng ilang social media user at ibang politiko kung sino ang pinatatamaan ni Duterte. Ilan sa mga nagtanggol sa kaniya ay sina Pangalawang Pangulo Leni Robredo at Gobernor Jonvic Remulla ng Cavite.

Noong 21 Setyembre 2021, nabalita ang tungkol sa pagtakbo ni Moreno bilang pangulo ng Pilipinas sa Halalan 2022 katambal si Dr. Willie Ong bilang pangalawang pangulo. Ito ay opisyal na idineklara kinabukasan, 22 Setyembre 2021, sa isang pagtitipon sa Baseco Compound sa Tondo.

Ginawang pormal nina Moreno at Ong ang kanilang pagtakbo nang maghain ng kanilang kandidatura noong 4 Oktubre 2021 sa Sofitel Hotel Manila sa Lungsod Pasay.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.