Ishmael Bernal

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
File:Ishmael.jpeg
Ishmael Bernal (Picture from ([1])


Si Ishmael Bernal ay kinikilala dito sa Pilipinas bilang isa sa mga pinakamahusay na direktor sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino. Ngunit bukod sa kanyang mga nagawang pelikula, nagdirek din siya maging sa telebisyon, gumanap ng iba't ibang karakter sa mga palabas, at manunulat ng iskrip. Kung pag-uusapan naman ang kanyang mga pelikula, karamihan sa mga ito ay nagtatalakay ng mga isyu patungkol sa kababaihan at moralidad.


Pinagmulan

Isinilang noong 30 Setyembre 1938 sa Lungsod Maynila, siya ay anak nina Elena Bernal at Pacifico Ledesma.

Nag-aral siya sa Mababang Paaralan ng Burgos at pagkatapos ay sa Mataas na Paaralan ng Mapa. Nang siya nag-kolehiyo, nag-aral siya sa Unibersidad ng Pilipinas at kumuha ng Bachelor of Arts in Literature. Habang siya ay nag-aaral dito, naging aktibo rin siya sa UP Dramatic Club. Nang siya ay magtapos sa UP, tumulak siya sa Pransya at doo'y kumuha ng Lisensya sa French Literature at Philosophy sa University of Aix-en-Provence. Nag-aral din siya ng pagdidirek ng pelikula bilang isang Colombo plan iskolar sa Film Institute of India sa Poona. naging miyembro siya ng Concerned Artists of the Philippines (CAP) at isang aktibong kasali sa pakikipaglaban ng mga alagad ng sining sa kanilang mga karapatan at kapakanan.


Mga Pelikula

Kabilang sa mga naidirek niyang pelikula ay Daluyong (1971); Inspiration (1972); Till Death Do Us Part (1972); Now and Forever (1973); Zoom, Zoom, Superman (1973); Si Popeye Atbp. (1973); Sleeping Dragon (1974); Pito ang Asawa Ko (1974); Lumapit, Lumayo ang Umaga (1975); Babaing Hiwalay sa Asawa (1976); Walang Kataousang Tag-araw (1977); Lagi na Lamang ba Akong Babae? (1978); Isang Gabi sa Iyo, Isang Gabi sa Akin (1978); Menor de Edad (1978); at Bilibid Boys (1981).

Ang kanyang pinakaunang idinirek at isinulat na iskrip, ang Pagdating sa Dulo (1971), ang nagbuo kay Bernal bilang isang mahusay gumaawa ng pelikula na hindi nakukuntento sa kung ano lamang ang nakasanayan nang mga tuntunin sa paggawa ng pelikula dito sa bansa. Mayroon siyang malawak na hanay ng mga tema o paksa. Mayroon siyang pangkasaysayang drama kabilang na ang El Vibora (1972); at ang yugto ni Andres Bonifacio sa hindi naipalabas na Lahing Pilipino (1976). Mayroon rin siyang katatawanang mga pelikula na mataas naman ang kalidad, katulad ng Tisoy (1977); Pabling (1981); Working Girls I (1984); at Working Girls 2 (1987). Meon din siyang mga eksperimental na mga pelikula kagaya na lamang ng Nunal sa Tubig (1976). At higit sa lahat, meron din siyang mga napapanahong mga drama na nagtatalakay ng mahirap maipaliwanag na pag-iisip ng tao at pati na rin ang relasyon nila sa lipunan, katulad na lamang ng Ligaw na Bulaklak (1976); Mister Mo, Lover Boy Ko (1978); Ikaw ay Akin (1978); Aliw (1979); at Relasyon (1982). Sa kanyang mga pelikula na umaabot nang mahigit limampu, nakapagtuklas si Bernal ng napakaraming paraan sa pag-atake sa mga pelikula at pati na rin mga panibagong tema. Ang mga ito ay nakatulong para mapayaman at mapalalim pa ang mga nagiging pamilyar at paulit-ulit na mga karakter at kuwentong ipinapalabas.


Sa Telebisyon

Nagdirek din si Bernal ng mga palabas sa telebisyon, katulad ng Metro Magazine, Isip Pinoy, at Dear Teacher at mga yugto para sa PETABISYON, Lorna, at iba pang mga palabas.

Gumanap din siya bilang bida sa iba't ibang mga pagtatanghal kagaya ng Kamatayan sa Anyo ng Isang Rosas (1991); at Bacchae (1992).

Nakapagbigay din siya ng pagtuturo tungkol sa pagtatanghal at nakapagdirek din ng mga dula para sa SINING, isang samahan ng iba't ibang dulaang organisasyon na binuo ng mga kabataan.


Mga Parangal

Nagwagi siya sa Urian ng pinakamahusay na direktor nang apat na beses: para sa Dalawang Pugad, Isang Ibon (1977); Broken Marriage (1983); Hinugot sa Langit (1985); Pahiram ng Isang Umaga (1989); at best screenplay para sa City After Dark (1980). Ang kanyang pelikulang Nunal sa Tubig ay naparangalan naman bilang best picture sa 1977 Catholic Mass Media Awards (CMMA). Ang pelikulang Himala (1981) naman, na pinagungunahan ni Nora Aunor, ay nakakuha ng siyam na pangunahing karangalan sa Metro Manila Film Festival (MMFF). Kasama na rito ang best picture, direction, story at actress. Ang mismong direktor naman ng 1983 Berlin International Film Festival ang siyang pumili sa pelikulang ito bilang panlaban ng Pilipinas. Nakatanggap din si Bernal sa Philippine Movie Press Club (PMPC) Star Award Director of the Year para sa Pahiram ng Isang Umaga. Pinangalanan din siyang Director of the decade 1970s ng CMMA. Ang Manunuri ng Pelikulang Pilipino ay binoto ang lima niyang pelikula, kasama na ang Pagdating sa Dulo, Nunal sa Tubig, Manila by Night, Himala, at Hinugot sa Langit, bilang sampung pinakamahusay na pelikula ng dekada '70 at dekada '80.

Noong Pebrero 1990, Nakatanggap si Bernal ng Gawad CCP sa Sining sa pelikula para sa pag-angat mula sa pamilyar na tema ng pelikula at sa paggawa ng mahuhusay at kakaibang mga pelikula.

Taong 1993 nang makatanggap naman siya ng Association of South East Asian Nations (ASEAN) Cultural Award para sa sining sa pakikipagtalastasan.

Noong 1999 naman, ang kanyang mga pelikulang Nunal sa Tubig, Aliw at Relasyon, ay napasama sa 25 pelikulang Pilipino na napiling ipalabas sa New York City mula Hulyo 31 hanggang Agosto.


Mga Panlabas na Kawing

Sanggunian

  • National Commission for Culture and Arts and the Cultural Center of the Philippines. National Artists (Volume 2). Pasig City: Anvil Publishing, 2003.
  • Hernando, Mario A. Ishmael Bernal: Merging Art and Commercialism.
  • Tiongson, Nicanor G. ed. CCP Encyclopedia of Philippine Art. Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1994.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.