Inagurasyon ni Ferdinand Romualdez Marcos Jr.

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Pagsaludo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos habang isinasagawa ang Parada ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa kaniyang inagurasyon noong 30 Hunyo 2022.

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Idinaos ang inagurasyon ni Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. bilang Ika-17 Pangulo ng Pilipinas noong 30 Hunyo 2022 sa National Museum of Fine Arts. Pinangunahan ni Punong Mahistrado Alexander Gesmundo ang panunumpa ni Marcos at ang pagbabalik ng Pamilya Marcos sa Palasyo ng Malacañang matapos ang 36 taong pagbagsak ng administrasyon ng kaniyang ama na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Bilang paghahanda sa makasaysayang pangyayari, ang bahaging ito ng Pambansang Museo ay pansamantalang isinara sa publiko mula Hunyo 6 hanggang Hulyo 4.

Ang National Museum of Fine Arts, na noon ay kilala bilang Old Legislative Building, ay lugar din kung saan nagdaos ng kanilang inagurasyon ang mga dating pangulo ng bansa na sina Manuel L. Quezon noong 1935, Jose P. Laurel noong 1943, at Manuel Roxas noong 1946.

Seremonya

Bago ang inagurasyon, nagkaroon ng pagpupugay sa Palasyo ng Malacañang para sa papaalis na si Pangulong Rodrigo Duterte. Naunang dumating si Duterte sa Palasyo at hinintay ang parating na si Marcos. Naging makahulugan ang pag-akyat ni Marcos sa hagdanan ng Palasyo at ang pagsalubong ni Duterte sa kaniya. Lumagda sa guestbook si Marcos bago pormal na nag-usap ang dalawa sa President’s Hall ng Palasyo. Sa labas, binigyang-pugay ng mga sundalo ang papaalis na si Duterte. Gayundin ang pamamaalam niya sa mga kasapi ng kaniyang gabinete.

Sa National Museum of Fine Arts, sinimulan ang programa sa pag-awit ng Lupang Hinirang na pinangunahan ni Toni Gonzaga–Soriano. Sinundan ito ng ekumenikong panalangin ng mga pinuno ng iba’t ibang relihiyon. Pagkatapos, nagsagawa ng “Parada ng Pagpupugay” ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Pumarada at binigyang-pugay rin ang mga medical frontliners na tinaguriang “bayaning nagniningning sa panahon ng pandemya; ang mga Filipino overseas worker na nagsasakripisyo para sa pamilya at bansa; ang mga atletang Pilipinong nagbibigay ng karangalan sa bansa; ang mga manggagawang Pilipino na kinikilalang mga haligi ng pag-unlad ng bansa; ang mga sektor ng transportasyon; ang mga magsasaka at mangingisda; at iba pang sektor na malaki ang naitutulong sa kaligtasan at ekonomiya ng bansa.

Binasa ni Senate President Tito Sotto III ang joint resolution ng Kongreso na nagpoproklama ng pagkapanalo ni Marcos, gayundin ni Sara Duterte.

Panunumpa at Talumpati

Nanumpa si Marcos, kasama ng kaniyang pamilya, bilang Pangulo ng Pilipinas sa harapan ni Punong Mahistrado Alexander Gesmundo. Kasunod ang paglagda niya bilang Ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Narito ang kaniyang binigkas:

“Ako, si Ferdinand Romualdez Marcos Jr., ay taimtim na nanunumpa na tutuparin ko nang buong katapatan at sigasig ang aking mga tungkulin bilang Pangulo ng Pilipinas, pangangalagaan at ipagtatanggol ang kanyang Konstitusyon, ipatutupad ang mga batas nito, magiging makatarungan sa bawat tao, at itatalaga ang aking sarili sa paglilingkod sa Bansa. Kasihan nawa ako ng Diyos.”

Pagkatapos ng panunumpa, nagsagawa ng 21-gun para sa kaniya. Kasunod ang kaniyang talumpati na binigkas niya sa wikang English. Narito ang isang bahagi ng Filipino:

“Sa pangarap na maging mapayapa ang ating bansa! Ang pangarap ninyo ay pangarap ko! Sa pangarap na maging maunlad ang ating bansa, ang pangarap ninyo ay pangarap ko! At sa pangarap na maging mas masinang ang kinabukasan natin at ng ating mga anak, ang pangarap ninyo ay pangarap ko!”

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.