Ilog Pasig

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Ilog Pasig ay isang ilog sa Pilipinas na dumadaloy mula sa Laguna de Bay (sa pamamagitan ng Kanal ng Napindan o Napindan Channel) patungong Look ng Maynila. May haba ito na 25 kilometro at hinahati ang kalakhang Maynila sa dalawa. Ang Ilog Marikina at Ilog San Juan ang pangunahing mga sanga nito.

Dating itong isang mahalagang ruta pang-transportasyon ng Maynila noong panahon ng mga Espanyol. Dahil sa kapabayaan at pagpapaunlad ng mga industriya sa paligid nito, nasalaula at tumaas ang polusyon at itinuturing na patay na ilog ng mga ekolohista. Itinatag ang Komisyon sa Pagbubuhay ng Ilog Pasig (Pasig River Rehabilitation Commission - PRRC) upang pamahalaan ang pagsisikap na buhayin ang Ilog. Kabilang sa mga tumutulong sa PRRC ay ang mga pribadong samaha gaya ng Clean and Green Foundation, Inc. na nagsagawa ng kampanyang Piso para sa Pasig.

Katangian

Dumadaloy ang Ilog Pasig sa pangkahalatan pahilagang-kanluran sa tinatayang 25 kilometro (15.5 mi) mula sa Lawa ng Laguna, ang pinakamalaking lawa sa Pilipinas, patungo sa Look ng Maynila sa katimugang bahagi ng Luzon. Mula sa lawa, ang ilog ay dumadaloy sa pagitan ng Lungsod ng Taguig, at ng Taytay, Rizal, bago pumasok sa Lungsod ng Pasig. Ang bahaging ito ng Ilog Pasig, sa may bukana ng Ilog Marikina, ay kilala bilang Kanal ng Napindan. Mula doon, ang ilog ay bubuo ng hangganan sa pagitan ng Lungsod ng Makati sa timog, at sa Lungsod ng Pasig, na susundan naman ng Lungsod ng Mandaluyong sa hilaga. Kasunod nito ang palikong bahagi na pahilagang-silangan, kung saan ay magiging hangganan ng Lungsod ng Mandaluyong at Maynila bago muling liliko pakanluran, upang salubungin ang isa pang pangunahing daloy mula sa Ilog San Juan, at pagkatapos ay liku-likong dadaloy na sa gitna ng Maynila bago lumabas ng look.

Ang nag-iisang pulo na humahati sa ilog Pasig ay matatagpuan sa Lungsod ng Maynila, kung saan nakatayo ang Hospicio de San Jose.

Kasaysayan

Bago ang malawakang urbanisasyon ng Maynila, isang mahalagang rutang pantransportasyon ang Ilog Pasig; ito ang dating sentro ng mga aktibidad sa lungsod. Ang ilan sa mga tanyag na kaharian sa kasaysayan ng sinaunang Pilipinas, kasama na ang mga kaharian ng Namayan, Maynila, at Tondo ay nabuo sa mga pampang ng ilog, kung saan sila kumukuha ng kanilang kabuhayan. Nang itatag ng mga Kastila ang Maynila bilang kabisera ng kanilang kolonya sa Silangan Asya, ginawa nila ang Intramuros sa katimugang pampang ng Ilog Pasig malapit sa lagusan nito sa Look ng Maynila.

Sanggunian