Ilog Indus

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Ilog Indus o Indus River ay isa sa pinakamahabang ilog sa buong mundo na may habang 3,200 kilometro. Binabaybay nito ang paanan ng kabundukang Himalayas, Hindu Kush at Karakoram Range at ang kapatagan ng Pakistan. Umaanot sa 243 cubic kilometer ang taunang daloy dito, doble ng daloy ng Ilog Nile sa Ehipto at tatlong beses na mas marami sa pinagsamang daloy ng Ilog Tigris at Ilog Euphrates. Nagmula ang pangalan ng ilog sa Sindhu. Nagmula sa pangalan ng ilog ang pangalan ng bansang India.

Nagmumula sa timog-kanlurang bahagi ng Tibet ang ilog at dumadaloy patungong hilagang-kanluran sa Kashmir. Dinadaanan rin ng ilog ang Nanga Parbat, patungong Pakistan hanggang umabot sa Dagat Arabian malapit sa siyudad ng Karachi.

Mahalaga ang papel na ginampanan ng Ilog Indus sa pag-usbong ng Kabihasnang Indus sa Lambak Indus sa Timog Asya.

Kabihasnang Indus

Ang kabihasnang Indus, o tinatawag ring kabihasnang Harappan ang pinakamatandang kabihasnan sa subkontinente ng India. Umusbong ang kabihasnan Lambak Indus. Umiral ang kabihasnang ito mula 2500-1700 BK.

Unang natukoy ang kabihasnang ito noong 1921 sa Harappa sa rehiyon ng Punjab, at noong 1922 sa Mohenjo-daro, malapit sa Ilog Indus sa rehiyon ng Sindh. Kapwa nasa kasalukuyang teritoryo ng bansang Pakistan ang dalawang lugar. Itinalaga bilang isang UNESCO World Heritage Site ang guho sa Mohenjo-daro.

Mga Sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.