Ibong Adarna (1941)

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

“Ang labis na kabaitan ng tao ay kung minsa’y siyang nagiging tuntungan sa pagpinsala sa kaniyang sarili.” Ang salawikaing ito ay isang linya mula sa pinakaunang pelikulang Pilipino na ibinatay sa koridong Ibong Adarna, na gumamit ng parehong pamagat noong 1941. Ang Ibong Adarna ay isa sa pinakamalaking produksiyon ng pelikula sa ilalim ng LVN Pictures noong dekada 1940. Idinerehe ang pelikula ni Vicente Salumbides, katuwang ang Pambansang Alagad ng Sining na si Manuel Conde.

Tatak-Pilipino

Ipinalabas nang “black and white” ang pelikulang Ibong Adarna na pinagbidahan ni Fred Cortez bilang Prinsipe Juan. Bagama‘t larawan ng ibang kultura ang disenyo at itsura ng buong set ng produksiyon ng pelikula, ipinakita pa rin sa kuwento ang kultura, paniniwala, at tradisyong Pilipino.

Una na rito ang paggamit ng katutubong musika bilang background music at sound effect sa pelikula tulad ng dalit at kundiman. Nahasa rin ang pagsasalita ng mga aktor sa pelikula dahil binigkas nila ang kanilang mga diyalogo sa paraan kung paano magsalita ang mga Tagalog—may punto at patula. Hindi rin mawawala ang malalalim na pahayag tulad ng “Yumao ka na,” na ang kahulugan ay “Umalis ka na.”

Pamanang Karunungan

Hitik din sa mga aral ang kuwento ng pelikulang Ibong Adarna. Halimbawa nito ang pagpapayo ng ermitanyo kay Prinsipe Juan sa matalinghagang paraan tulad ng “Ang kagitingan, kung minsan ay namamaibabaw sa pagkakapatiran“ at “Ang taong mabuti, inililigtas ng Diyos sa panganib.”

Ipinamalas din sa kuwento ang mga positibong katangian ng mga Pilipino tulad ng magalang (paggamit ng “po” at “opo“), pagsunod sa mga magulang, pagiging mapagbigay sa kapuwa, at pagbibigay ng kapatawaran.

Tula at Awit ng Ibon

Kawili-wili rin ang Ibong Adarna sa kung paano ito umawit. Sa isang eksena kung saan pagagalingin na ng ibon ang hari, umawit at tumula ito na may halong komedya. Narito ang huling linya ng ibon sa pelikula:

“Kaya po haring mahal

ang may sala‘y parusahan

at si Don Juan ay papurihan

tapos na po...”

Sanggunian

Pinoy Tagalog Movies. Tagalog Classic Full Movie - IBONG ADARNA ( 1941). YouTube, https://www.youtube.com/watch?v=MKgW6zUJ7yU. Accessed 24 Marso 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.