Hinilawod

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Hinilawod ay isa sa mga epiko sa Pilipinas. Ito ay epikong-bayan ng mga Sulod, pangkalahatang tawag sa mga taong naninirahan sa paanan ng kabundukan ng Panay. Ang Panay ay isang pulo sa kanlurang bahagi ng Visayas na binubuo ng apat na lalawigan: ang Antique, Aklan, Capiz, at Iloilo.

Yaman ng Panay

Ang epikong-bayan ay itinuturing na sinauna at mahabang tulang nagsasalaysay ng pinaniniwalaang bayani ng isang lugar. Ipinakikita rin dito ang kasaysayan, kaugalian, paniniwala, at pamahiin ng mga katutubo.

Tulad ng ibang epikong-bayan sa bansa, ang Hinilawod ay pasalitang itinatanghal at itinuturing na sagrado ng mga katutubo. Binibigkas lamang ito ng mga babaylan tuwing may mahahalagang pagdiriwang na kinakailangan ng mga ritwal. Itinatanghal din ito tuwing gabi sa loob ng tatlong araw.

Ang Hinilawod ang pinakamahabang epiko sa Panay na binubuo ng iba’t ibang kuwento na tinatawag na “sugidanon.” Mula ito sa salitang sugid, nangangahulugang “magkuwento.” Dahil pasalindila, mahalaga ang pagkakaroon ng matalas na memorya upang maisaulo at maitanghal ang epiko.

Kilala ang Panay sa mga kuwento ng kababalaghan. Ang paniniwala sa mga aswang, maligno, diwata, engkanto, at iba pang sobrenatural na nilalang ay patuloy na bahagi ng kultura ng mga mamamayan ng isla. At ang mga kuwentong kababalaghan ay masasalamin din sa Hinilawod.

Pananaliksik at Pagpapalaganap

Sa masugid na pananaliksik ng antropologong si Felipe Landa Jocano, masinop niyang nairekord sa cassette tape ang Hinilawod noong dekada 1950 sa tulong ng mga Sulod na sina Ulang Udig at Hugan-an Mula sa wikang Kinaray-a, at isinalin niya ito sa wikang English.

Batay sa saliksik ni Jocano, ang Hinilawod ay kuwento tungkol sa mga bayani ng mga Sulod. Nahahati ito sa iba’t ibang kabanata na sumesentro sa kanilang mga pangunahing bayani.

Dalawang Kabanata

Sa tulong ni Ulang Ugid, unang nairekord ni Jocano ang epikong-bayan na Labaw Donggon. Sa kuwento, si Labaw Donggon ay isa sa tatlong anak ng diyosang si Alunsina at ng isang mortal na si Datu Paubari. Pagkasilang, agad na lumaki si Labaw Donggon at naging makisig na mandirigma. Umiikot sa paghahanap ng mga asawa ang pakikipagsapalaran at pakikidigma ni Labaw Donggon.

Sa epikong-bayan na Humadapnon na inawit naman ni Hugan-on, matutunghayan naman ang paghahanap din ng mapapangasawa ni Humadapnon. Si Humadapnon ay isang matandang datu na hindi nakapag -asawa. Sa isang panaginip at gabay ng mga kaibigang espiritu ay kinailangan niyang hanapin ang nakatadhanang mapapangasawa. Gayunman, dahil sa katandaan, humingi siya ng tulong sa kapatid na babae na isang babaylan upang gumawa ng isang nilalang na makakasama niya sa kaniyang paglalakbay. Mula sa dugo ni Humadapnon ay nabuo ang isang makisig na binata na pinangalanan niyang Dumalapdap, at tinawag niya itong kapatid.

Nairekord ni Jocano ang kabanata tungkol kay Humadapnon sa pagitan ng 1955 at 1956. Ang umawit nito na si Hugan-an ay kilala noon na babaylan na naninirahan sa isang sitio malapit sa Ilog Panay. Ayon sa matatandang nakausap ni Jocano, si Hugan-an lamang ang may kakayahang bigkasin nang buo ang kuwento ng mga bayani ng Sulod.

May pagkakaiba man ang kuwento ng Labaw Donggon at Humadapnon ay bahagi lamang ang dalawa sa maraming kabanata ng Hinilawod. Sa kasalukuyan, ang kuwento pa lamang nila ang nakalathala.

Makabagong Pagtatanghal

Tunay na mahalagang tala sa panitikan ang pag-aaral ni Jocano sa epikong-bayan ng mga Sulod. May mga adaptasyon din dito tulad ng kauna-unahang pagtatanghal ng Hinilawod bilang isang sayaw sa Iloilo. Noong 1983 isinagawa ang kauna-unahang pagtatanghal ng Hinilawod bilang isang sayaw sa Iloilo ng pangkat ng mga mananayaw. Naitanghal din ang sayaw sa ginanap na World Expo sa Spain at Asean Dance Festival sa Manila noong 1994. Maraming ulit pa itong itinanghal sa labas ng bansa. Noong 2010, sinimulan naman ng pangkat ng mandudulang Hiyas Kayumanggi ang pagsasadula ng Hinilawod tungkol kay Labaw Donggon.

Dagdag na Kaalaman

  • Ang Hinilawod ang pinakamahabang epiko sa Panay na binubuo ng iba’t ibang kuwento na tinatawag na “sugidanon.” Mula ito sa salitang sugid, na ang kahulugan ay “magkuwento.” Dahil pasalindila, mahalaga ang pagkakaroon ng matalas na memorya upang maisaulo at maitanghal ang epiko.
  • Nairekord ni Jocano ang kabanata tungkol kay Humadapnon sa pagitan ng 1955 at 1956. Ang umawit nito na si Hugan-an ay kilala noon na babaylan na naninirahan sa isang sitio malapit sa Ilog Panay.
  • Ayon sa matatandang nakausap ni Jocano, si Hugan-an lamang ang may kakayahang bigkasin nang buo ang kuwento ng mga bayani ng Sulod.
  • Sulod ang pangkalahatang tawag sa mga taong naninirahan sa paanan ng mga kabundukan ng Panay. Ang Panay ay isang pulo sa kanlurang bahagi ng Visayas na binubuo ng apat na lalawigan: ang Antique, Aklan, Capiz, at Iloilo.

Mga Sanggunian

  • F. Landa Jocano. Hinilawod: Adventures of Humadapnon (Tarangban 1). Quezon City: PUNLAD Research House, Inc. 2000.  
  • “Hinilawod.” Hinilawod Wordpress. https://hinilawod.wordpress.com/. Accessed 24 March 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.