Higit 40 komando patay sa engkwentro sa MILF

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Hindi bababa sa 40 miyembro ng Philippine National Police – Special Action Force (PNP-SAF) ang namatay sa engkwentro nila sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Maguindanao noong linggo, ika-25 ng Enero, 2014. Pakay umanong dakpin ng mga miyembro ng PNP-SAF ang Malaysian terrorist na si Zulkifi bin Hir alyas Marwan. Ngunit, inatake nila ang posisyong hawak ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa bayan ng Mamapasano.

Ang BIFF ay isang splinter group o pangkat na humiwalay mula sa MILF. Salungat sila sa kasalukuyang pag-uusap at pakikipag-ayos ng MILF at ng gobyerno tungo sa kapayapaan.

Ayon kay MILF chief negotiator Mohagher Iqbal, ang nasabing sagupaan ay sanhi ng kawalan ng koordinasyon ng otoridad at mga pulis. Dagdag pa niya, self-defense ang nangyari sapagkat pumasok at umatake ang PNP-SAF kaya't ipinagtanggol lamang ng BIFF ang kanilang mga sarili.

Hindi bababa sa 40 ang pinagsamang bilang ng mga nasawing pulis at MILF rebels. Ayon kay Capt. Joanne Petinglay, ang tagapagsalita ng 6th Infantry Division, halos 20 komando ang nakaligtas ngunit kasalukuyan pang nasa lugar kung saan naganap ang engkwentro.

Ayon kay Miriam Coronel-Ferrer, ang pinuno ng peace panel ng gobyerno, hindi sana maging isang balakid ang nasabing insidente sa kasalukuyang nilalakad na peace process sa pagitan ng gobyerno at MILF. Aniya, ang nasabing engkwentro at iba pang pangyayaring puno ng karahasan ay nagpapatibay lamang ng loobin na ipagpatuloy at mapagtagumpayan ang pagsasabatas ng Bangsamoro Basic Law at iba pang normalization programs.

Isang araw matapos ang engkwentro, sinuspinde ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos ang hearing ng Bangsamoro Basic Law. Aniya, hindi maaaring ipagpatuloy ang mga hearing ng BBL kung hindi pa maayos ang seguridad sa Mindanao.




Balita mula kay Carlos Maningat ng Philippine Online Chronicles.(Hinango noong 27 Enero 2015).



Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.