Hidilyn Diaz

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Hidilyn Francisco Diaz ay isang weightlifter at unang Pilipinong atleta na nagwagi ng kauna-unahang gintong medalya para sa Pilipinas sa Olympic Games.

Si Hidilyn Diaz sa 2018 Sea Games

Noong 26 Hulyo 2021, napagtagumpayan ni Diaz na makamit ang gintong medalya para sa women’s 55-kilogram weightlifting category ng 2020 Tokyo Olympic Games na ginanap sa Tokyo, Japan (23 Hulyo hanggang 8 Agosto 2021). Si Diaz ay nakapagbuhat ng may kabuoang bigat na 224 kilogramo (bago niyang record), isang kilogramong lamáng sa kalabang si Liao Quiyun ng China.[1]

Unang Gintong Medalya sa Olympics

Nagbigay ng karangalan sa Pilipinas ang pagkakapanalo ni Diaz sa women’s 55-kilogram weightlifting category ng 2020 Tokyo Olympic Games. Sa kabuoan, siya ay nakapagbuhat ng 224 kilogramo, isang kilogramong lamáng sa kalaban at ikalawang puwesto na si Liao Quiyun (223 kg) ng China. Ikatlong puwesto naman si Zulfiya Chinshonlo (213 kg) ng Kazakhstan.[2]

Isang makasaysayang pangyayari para sa karangalan ng Pilipinas ang pagkakapanalo ni Diaz sapagkat ito ang unang gintong medalya na naiuwi ng isang Pilipinong atleta na lumaban sa Olympic Games mula nang lumahok ang bansa noong 1924.[1]

Personal na Buhay

Si Diaz ay tubòng Zamboanga City na ipinanganak noong 20 Pebrero 1991 kina Eduardo at Emelita Diaz. Siya ang panglima sa anim na magkakapatid. Lumaki siya sa hirap at natutong magpursigi sa buhay sa murang edad.[1] [3]

Nagsimulang maengganyo sa weightlifting si Diaz sa gulang na 11. Ang kaniyang pinsang si Allen Jayfrus Diaz ang nagturo sa kaniya ng mga pangunahing kaalaman ukol sa weightlifting.[1][3]

Bagama’t kumuha ng kursong computer science sa Universidad de Zamboanga, hindi ito tinapos ni Diaz sapagkat iba ang kaniyang hilig. Ipinagpatuloy niya ang training sa weightlifting.[1][3]

Sa kasalukuyan, kasintahan ni Diaz ang kapuwa niya atleta at coach na si Irvin Naranjo.[4]

Karera sa Weightlifting

2008

Sa edad na 17, napili si Diaz bilang wild card entry ng Philippine Weightlifting Association sa ginanap na 2008 Summer Olympics sa Beijing, China. Siya ang unang babaeng weightlifter na lumaban para sa Pilipinas sa Olympic Games. Bagama’t nasa ika-11 puwesto sa 12 atletang kalahok sa weightlifting, hinahangan ang ipinamalas niyang lakas para sa kaniyang edad.[1][3]

2012

Noong 2012, lumaban siya sa women’s 58-kilogram weightlifting category sa Continental at World Qualifying Tournaments at nagwagi sa ikasiyam na puwesto. Ito ang naging daan para sa kaniya patungong 2012 London Oympics, kung saan napili rin siyang flagbearer sa opening ceremony. Hindi naging matagumpay ang naging laban ni Diaz dito sapagkat isa siya sa dalawang kalahok (kasama si Lina Rivas ng Colombia) sa hindi nakabuhat ng 118 kg matapos ang tatlong pagtatangka. Sa opisyal na resulta ay nakatala ang “Did not finish” ng laro. [1][3]

2015–2016

Noong 2016, nagwagi si Diaz ng gintong medalya 1st Southeast Asian Weightlifting Championships na ginanap sa Bangkok, Thailand. Nakapagbuhat siya ng 98 kg snatch at 115 kg clean and jerk para sa kabuoang 213 kg.

Sa Asian Weightlifting Championships, nakamit ni Diaz ang gintong medalya noong 2015 at tansong medalya noong 2016. Tatlong tansong medalya rin ang nakuha niya sa IWF World Weightlifting Championship na ginanap sa Houston, Texas noong Nobyembre 2015, na naging susi upang ma-qualify siya sa 2016 Rio Olympics.

Samantala, dinomina ni Diaz ang 58 kg event ng 2015-16 Philippine National Games na ginanap sa Lingayen, Pangasinan. Naitala rito ang 92 kg snatch at 120 kg clean and jerk sa kabuoang 212 kg.

Nagwagi rin si Diaz ng medalyang pilak nang lumaban siya sa 53 kg division sa 2016 Summer Olympics na ginanap sa Rio de Janeiro. Ikaanim siya sa snatch event at pangalawa sa clean and jerk. Ito ang unang medalya ng Pilipinas sa Olympics makalipas ang 20 taon. Ito rin ang unang non-boxing medal para sa bansa mula noong 1936. [1][3]

2018

Lumahok si Diaz sa women’s 53-kg event sa 2018 Asian Games na ginanap sa Jakarta, Indonesia kung saan nagwagi siya ng gintong medalya. [1][3]

2019

Nagwagi si Diaz ng tansong medalya sa 2019 World Championships, medalyang pilak sa Asian Championship, at gintong medalya sa 2019 Southeast Asian Games. .[1]

2020

Nagwagi si Diaz ng gintong medalya sa women’s 55-kg event sa Roma 2020 World Cup na ginanap sa Rome, Italy noong Enero 202 .[1]

2021

Noong 26 Hulyo 2021, napanalunan ni Diaz ang gintong medalya sa 2020 Tokyo Olympic Games sa pagbuhat niya ng clean and jerk sa kabuoang 224 kg. Mahigpit niyang nakalaban si Liao Qiuyun ng China kung saan nalamangan niya ito ng isang kilogramo. Ito ang kauna-unahang gintong medalya na nakamit ng Pilipinong atleta mula nang lumahok ang bansa sa Olympics noong 1924.

Sa kabuoan, apat na beses na lumahok si Diaz sa Olympic Games.[1]

Mga Bunga ng Pagsisikap

Tinatayang aabot sa mahigit 35 milyong piso ang matatanggap na salapi ni Diaz dahil sa pagkakapanalo ng gintong medalya.[5]

Ayon sa Republic Act No. 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentibes Act, ang isang Olympian gold medalist ay gagantimpalaan ng 10 milyong piso. Nangako rin ang mga business tycoon na sina Manny V. Pangilinan at Ramon S. Ang ng tig-10 milyong piso habang si Deputy Speaker of House Mikee Romero ay tatlong milyong piso.[5]

Nabalita rin na ang lokal na pamahalaan ng Zamboanga City, kaniyang sinilangan, ay magbibigay ng 2.5 milyong piso. Dagdag pa rito ang ibibigay ng Office of the President na naunang maianunsiyo na magbibigay ng karagdagang cash bonus.[5]

Nangako rin si Philippine Olympic Committee president Abraham Tolentino ng bahay at lupa sa Tagaytay City.[5]

Nag-anunsiyo din ang tycoon na si Andrew Tan noong 27 Hulyo 2021 na magbibigay ang Megaworld ng isang residential condominium unit na nasa Eastwood City.[5]

Pagsapi sa Hukbong-Sandatahan

Noong 2013, nahikayat si Diaz na sumapi sa Philippine Air Force (PAF) at naitalaga sa Air Force Special Service Group. Na-promote siya mula sa ranggong Airwoman tungong Airwoman Second Class. Nabigyan muli siya ng promosyon dahil sa ipinamalas niya sa 2016 Summer Olympics, at naging Airwoman Sergeant kasunod ng tagumpay niya sa 2018 Asian Games. [1][3]

Kontrobersiya

Noong Abril 2019, laking-gulat na lamang ni Diaz nang mapabilang ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga di-umano’y nagtatangkang pababain sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte, na iprinisenta ni Salvador Panelo na noon ay presidential spokesperson. Kasama rin sa nasabing listahang ang atleta ring si Gretchen Ho.[6]

Sa simula, tinawanan lamang ni Diaz ang balita ng pagkakadawit ng kaniyang pangalan. Gayunman, napagtanto rin niya na ang pagkakasama niya sa listahan ay maaaring maging banta sa kaligtasan niya at ng kaniyang pamilya.[7]

Binawi rin ni Panelo ang pangalan ng dalawang atleta at nilinaw na hindi kasama sina Diaz at Ho sa paratang. [6][7]

Mga Sanggunian

  1. 1.00 1.01 1.02 1.03 1.04 1.05 1.06 1.07 1.08 1.09 1.10 1.11 1.12 Beatrice Go. “Fast Facts: Who is weightlifting queen Hidilyn Diaz?” Rappler, 19 Hulyo 2021.Beatrice Go. “Fast Facts: Who is weightlifting queen Hidilyn Diaz?” Rappler, 19 Hulyo 2021.https://www.rappler.com/sports/things-to-know-hidilyn-diaz. Accessed 27 Hulyo 2021.
  2. Jack Dickson. “Weightlifter Hidilyn Diaz (55KG) Of The Philippines Wins Gold Medal At The 2020 Olympic Games.” Barbend, 26 Hulyo 2021. https://barbend.com/2020-olympics-weightlifting-results-womens-55-kilograms/. Accessed 27 Hulyo 2021.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 3.6 3.7 Joefer Traya. “Sino si Hidilyn Diaz? Talambuhay Kauna-unahang Olympic Silver-Medalist.” Buhay OFW, 31 Enero 2017.https://www.buhayofw.com/blogs/blogs-filipino-literature/sino-si-hidilyn-diaz-talambuhay-kauna-unahang-olympic-silver-medalist-589031313241e#.YP-i1hN96-s. Accessed 27 Hulyo 2021.
  4. Bea Micaller. “Hidilyn's coach, BF thanks Filipino community for supporting Team HD.” GMA News, 26 Hulyo 2021. https://www.gmanetwork.com/news/sports/othersports/796900/hidilyn-s-coach-bf-thanks-filipino-community-for-supporting-team-hd/story/. Accessed 27 Hulyo 2021.
  5. 5.0 5.1 5.2 5.3 5.4 Mark Giongko. “Hidilyn Diaz’s gold medal prize to reach more than P35M.” Inquirer, 27 Hulyo 2021. https://sports.inquirer.net/430649/hidilyn-diazs-gold-medal-prize-to-reach-more-than-p35m. Accessed 27 Hulyo 2021.
  6. 6.0 6.1 EJ Roque. “Palace clarifies Gretchen Ho, Hidilyn Diaz not part of ouster matrix.” Philippine News Agency, 11 Mayo 2019. https://www.pna.gov.ph/articles/1069523. Accessed 27 Hulyo 2021.
  7. 7.0 7.1 “FLASHBACK: The day Hidilyn was shocked over inclusion in oust-Duterte matrix.” Inquirer, 26 Hulyo 2021. https://newsinfo.inquirer.net/1464972/flashback-the-day-hidilyn-was-shocked-over-inclusion-in-oust-duterte-matrix. Accessed 27 Hulyo 2021.