Hernando R. Ocampo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Hernando Ruiz Ocampo (28 Abril 1911 - 28 Disyembre 1978) ay isa sa mga naunang modernong pintor sa Pilipinas. Kinilala siyang Pambansang Alagad ng Sining noong 1991. Tanyag siya sa kanyang mga gawang abstrak.

Kabataan

Ipinanganak siya noong 28 Abril 1911 sa Santa Cruz, Lungsod Maynila, kay Emilio Ocampo at Delfina Ruiz.

Edukasyon

Nag-aral si Ocampo ng pag-abogado, ng komersya at ng malikhaing pagsulat. Pagdating sa pagpipinta, mag-isa siyang natuto.

Karera

Bago siya pumasok sa sining biswal, naging manunulat muna si Ocampo. Noong 1931 nagtrabaho siya sa Philippine Education Company. Taong 1935 nang siya ay naging kalihim-ehekutibo ng National Paper Mills, Inc. Nagsulat din siya para sa Palaris Feler at Fernando Poe Productions pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Tumulong siyang itipon ang grupo ng manunulat na tinawag na Veronicans. Ilan sa mga kilalang miyembro nito ay sina Francisco Arcellana, Estrella Alfon, N.V.M. Gonzalez, Manuel Viray at Angel G. de Jesus. Binigyan siya ng mga gantimpala para sa kanyang mga kwentong "Bakya," at “Rice and Bullets.” Sa ilalim ng mga Hapon, sumulat siya ng mga dula at naging pangunahing tagasulat ng dula at katuwang na direktor ng Associated Artists. Dahil sa natatnging kahusayan at popularidad, siya'y itinalaga ng mga Hapon bilang censor ng mga dula at ng pahayagang Taliba. Siya ay naging pangalawang tinyente din ng mga gerilya ni Straughn. Naging editor siya ng Manila Sunday Chronicle Magazine, at prodyuser-direktor ng Filipino Players Guild noong 1958-1968.

Inumpisahan niya ang karera niya sa larangan ng sining biswal noong 1950s. Nag-eksibit siya ng kanyang mga gawa hindi lang sa Pilipinas kundi sa mga ibang bansa — sa Washington, New York, Sao Paolo, at Tokyo.

Sa tingin ni Ocampo, dumaan siya sa iba-ibang estilo: ang estilong Amorsolo 1929-1934), na impluwensya ni Fernando Amorsolo; ang proletarian (1934-1945), kung saan ipinakita niya ang mga nakakapanahong pangyayari; ang transisyonal (1945-1963), Kung saan naging mas kuplikado at abstrak ang kanyang mga gawa; ang “mutants period” (1963-1968), kung saan ang inspirasyon niya ay isang pelikulang science fiction The Beginning of the End na nagpakita ng mga pormang mutant; at ang kanyang “visual melody period” (1968-1978), kung saan nabuo niya ang kanyang estilong abstrak. Sa larangan ng sining biswal talagang naging kilala si Ocampo. Naging miyembro siya ng Saturday Group, at isa siya sa mga Thirteen Moderns. Kasama sina Vicente S. Manansala at Cesar Legaspi, binuo niya ang tinatawag na triumvirate ng mga neo-realist.


Ilan sa kanyang mga gawa

Ilan sa kanyang mga gantimpala

  • Ika-6 na gantimpala, Art Association of the Philippines, para sa Nude with Candle and Flower(1948)
  • Ika-3 Gantimpala, Manila Club Art Exhibition, para sa Angel’s Kiss (1949)
  • Unang Gantimpala, Art Association of the Philippines, para sa Arabesque (1950)
  • Ika-2 Gantimpala, Art Association of the Philippines, para sa Man and Carabao (1950)
  • Unang Gantimpala at Special Award, Art Association of the Philippines, para sa Ancestors (1951 )
  • Honorable Mention, Art Association of the Philippines, para sa Intramuros (1951 )
  • Ika-3 Gantimpala, Art Association of the Philippines, para sa 53-E (1954 )
  • Republic Cultural Award (1965)
  • Honorable Mention, Art Association of the Philippines, para sa 54-A (1955)
  • Ika-2 Gantimpala at Purchase Prize, Art Association of the Philippines, para sa Nativity (1958)
  • Unang Gantimpala, Art Association of the Philippines, para sa Circle (1969)
  • Gawad para sa pagiging Patnubay ng Sining at Kalinangan, mula sa Lungsod ng Maynila (1969)
  • Gawad para sa pagiging Diwa ng Lahi, mula sa Lungsod ng Maynila (1976)

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.