Hermano Pule
Si Apolinario de la Cruz (Hulyo 22, 1815-Nobyembre 4, 1841), na kilala rin bilang Hermano Pule, o kaya’y Hermano Puli, ay ang nagtatag ng kapisanang Cofradia de San Jose. Ipinaglaban niya ang karapatan ng mga Indio na magkaroon ng kalayaan sa pananampalataya, lihis sa nais ng mga kolonisador.
Kabataan
Isinilang si De la Cruz sa Lucban, Tayabas noong Hulyo 22, 1815 sa mga magulang na sina Pablo de la Cruz at Juana Andres, na nagpalaki sa kaniya bilang relihiyosong Katoliko.
Noong 1830, nagpasiya siyang lumuwas patungong Maynila upang maging pari. Dahil isa siyang Indio, hindi siya pinahintulutang tumuloy sa seminaryo.
Nagsilbi na lamang siya bilang isang layko sa Ospital ng San Juan de Dios. Habang nagsisilbi sa ospital, naging bahagi siya ng Cofradia de San Juan de Dios, isang kapisanang tumatanggap ng mga Indio.
Cofradia de San Jose
Noong 1832, kasama ang ilang kababayan mula Tayabas, binuo ni De la Cruz ang Hermandad de la Archi-Cofradia del Glorioso Senor San Jose y de la Virgen del Rosario (Cofradia de San Jose). Bagamat nagsimula ito na 19 lamang ang mga kasapi, lumago ito hanggang magkaroon ng ilang libong miyembro mula sa iba’t ibang lugar sa Quezon, Batangas, at Laguna.
Tinawag si De la Cruz na “Hermano Pule” ng kaniyang mga kasamahan sa Cofradia.
Noong 1841, batay sa padrones o rehistro, naitala ni De la Cruz na umabot sa 4,500 o 5,000 ang mga kasapi ng Cofradia de San Jose. Dahil dito, naisipan ng pamunuan ng kapisanan na manghingi ng pagkilala ng Simbahan.
Tinanggihan ito ng Simbahan, at pinatawag ng mga prayleng Pransiskano ang gobernadorcillo upang dakipin at ibilanggo ang mga kasapi ng Cofradia. Pinalaya rin sila, ngunit sapat ito upang maudyok si De la Cruz na sumulat sa pamunuan ng Simbahan ukol sa pagmamaltrato sa kapisanan.
Hari ng mga Tagalog
Lingid sa kaalaman ni De la Cruz, nagpasiya ang pamahalaang Kastila na subersibong grupo ang Cofradia de San Jose. Sinalakay ng pamahalaan ang kampo nina De la Cruz noong Oktubre 11, 1841.
Tinawag siyang “Hari ng mga Tagalog” ng mga kasapi ng Cofradia matapos nilang magwagi sa madugong labanan.
Nang makarating kay Gobernador Heneral Oraa ang balita ng pagkatalo ng hukbong Kastila sa kamay ng Cofradia de San Jose, ipinatugis niya ang kapisanan sa puwersang pinamunuan ni Kol. Joaquin Huet. Inalok muna nila ng amnestiya ang grupo, ngunit walang tumanggap nito kaya't ipinagpatuloy ang pagsalakay sa kampo nina De la Cruz.
Noong Nobyembre 1, 1841, natalo ng hukbong Kastila ang Cofradias. Tumakas si De la Cruz patungong Sariaya, ngunit siya ay nabihag ng mga Kastila.
Pagkamatay
Matapos mailitis, ipinapatay si De la Cruz ng pamahalaang Kastila sa pamamagitan ng pagbaril noong Nobyembre 4, 1841, sa edad na 26. Kamatayan din ang naging parusa sa ibang mga pinuno ng Cofradia na sina Dionisio de los Reyes, Francisco Espinosa de la Cruz, at Gregorio Miguel de Jesus.
Bilang babala sa Cofradias, pinagpuputol ng mga sundalo ang katawan ni De la Cruz. Inilagay din nila ang ulo nito sa isang hawla at isinabit malapit sa daanan patungong bayan ng Majayjay.
Nang makarating sa Espanya ang balita ng pagkamatay ng mga kasapi ng Cofradia de San Jose, ikinondena ito ng Korte Suprema ng Espanya.
Ayon sa korte, walang bahid ng politika ang Cofradia de San Jose, at nais lang nina De la Cruz at iba pang mga kasapi nito na magkaroon ng kalayaan sa pananampalataya.
Sanggunian
- “193rd Birth Anniversary of Apolinario Dela Cruz”. National Historical Commission of the Philippines. (Hinango noong 2 Marso 2021).
- "Quezon holiday for local hero". Philippine Daily Inquirer. (Hinango noong 2 Marso 2021).
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |