Haydee Coloso-Espino

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Haydee Coloso-Espino (28 Agosto 1937-12 Agosto 2021) ay isang Pilipinong atleta na lumahok bilang kinatawan ng Pilipinas sa 1960 Olympics sa Roma at sa Asian Games.

Karera

Kinilala si Coloso-Espino bilang "Asia's Swim Queen" dahil sa kaniyang galing sa paglangoy. Nagkamit siya ng sampung medalya sa 1954 Asian Games, 1958 Asian Games at 1962 Asian Games. Sa kaniyang mga medalya, nakakuha siya ng tatlong ginto, limang pilak at dalawang tanso. Nakuha niya ang kaniyang mga gintong medalya sa 100-meter freestyle at butterfly events.

Labing-anim na taong gulang lamang si Coloso-Espino nang nagwagi siya ng dalawang gintong medalya at isang medalyang pilak sa 1954 Asian Games sa Maynila. Dahil sa kaniyang ipinakita sa 1954 Asian Games, tiyak na sana ang kaniyang paglahok sa 1956 Olympics, ngunit nabuntis si Coloso-Espino at pansamantalang tumigil sa paglahok sa mga kumpetisyon.

Muling bumalik sa paglangoy si Coloso-Espino matapos manganak at nagkamit ng apat pang medalya sa 1958 Asian Games sa Tokyo, Japan. Noong 1960, lumahok si Coloso-Espino sa 100-meter freestyle event sa 1960 Olympics sa Roma ngunit hindi nakaabante sa kumpetisyon. Huli siyang lumahok sa 1962 Asian Games kung saan nagwagi siya ng tatlo pang medalya.

Pagreretiro

Nagretiro sa paglangoy si Coloso-Espino matapos ang 1962 Asian Games at naging isang guro. Pansamantala siyang nanirahan sa ibang bansa bago bumalik sa Iloilo. Nagturo siya sa Far Eastern University, sa Lyceum of the Philippines at sa Araullo High School. Nagretiro siya sa pagtuturo noong 1993.

Kamatayan

Pumanaw si Coloso-Espino noong ika-12 ng Agosto, 2021 sa Iloilo City, mahigit dalawang linggo bago ang kaniyang ika-84 na kaarawan.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.