Harry Roque

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Si Harry Roque sa isang press briefing noong 2017.

Si Herminio “Harry” Lopez Roque Jr. (isinilang noong Oktubre 21, 1966) ay isang Pilipinong abogado, politiko, at dating propesor ng batas. Siya ang kasalukuyang tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte. Una siyang naging tagapagsalita ni Duterte noong 2017 at nagbitiw noong 2018 ngunit muling itinalaga noong 2020. Siya rin ay dating partylist representative ng Kabayan mula 2016 hanggang 2017 matapos patalsikin ng Board of Trustees sa kaniyang puwesto dahil sa ilang isyu.

Si Roque din ang kauna-unahang Pilipino at Asyano na natanggap upang makapagtrabaho at magamit ang propesyon sa International Criminal Court at sa UN War Crimes Tribunal for Rwanda. Naging propesor din ng constitutional law at public law si Roque sa University of the Philippines College of Law sa loob ng 15 taon.

Siya rin ay miyembro ng Advisory Council of the Asian Society of International Law (AsianSIL) at naging pangulo nito mula 2018 hanggang 2019.

Ilan sa mga pinag-usapang kasong hinawakan ni Roque ay ang Maguindanao Massacre at pagpatay kay Jennifer Laude.

Personal na buhay

Si Herminio “Harry” Roque Jr. ay isinilang noong Oktubre 21, 1966. Isa siyang protestante. Siya ay kasal kay Mylah Reyes, isang dating reporter sa telebisyon, at mayroong dalawang anak.

Sa isang panayam, sinabi ni Roque na nakilala niya ang kaniyang misis sa isang sesyon sa Kongreso. Dahil daw naiinip siya at ang dating Tariff Commissioner na si Anthony ‘Tony’ Abad, hinamon daw siya nitong kausapin si Mylah. Hindi raw siya nagustuhan nito noong una at tiningnan lang mula ulo hanggang paa. Anim na buwan ang lumipas, nang makipaghiwalay ang nobya ni Roque sa kaniya, sinabihan siya ng isa pang kaibigan na i-date ang kaibigan ng dati niyang nobya na si Mylah pala. Nang mag-umpisa silang lumabas, sinabi raw ni Roque sa sarili na si Mylah na ang babaeng pakakasalan niya.

Ipinahayag din ni Roque na isang biyaya na ang kaniyang mga anak ay nasa edad 17 at 16 na nang siya ay pumasok sa Palasyo at magsilbing tagapagsalita ng pangulo. Nauunawaan na raw ng mga anak niya na madalas ay abala siya at wala nang oras para sa pamilya.

Edukasyon

Natapos ni Roque ang Master of Law sa London School of Economics noong 1996 habang ang kaniyang Bachelor of Law naman ay natapos niya sa University of the Philippines – College of Law noong 1990. Ang kaniyang digri sa Economics at Political Science ay natapos naman niya sa University of Michigan noong 1986.

Propesyonal na Karera

Bilang abogado

Si Roque ang isa sa mga bumuo ng Center for International Law (Centerlaw), isang non-governmental organization na naglalayong mapag-isa ang kalikasan ng international law sa sistemang ligal ng Pilipinas at maisakatuparan ang iba’t ibang batas tungkol sa karapatang pantao at International Humanitarian Law. Ang Centerlaw at si Roque rin ang siyang nanguna sa pakikipaglaban sa mga naging biktima ng Maguindanao Massacre noong 2009. Siya rin ang nanguna sa kaso ng Malaya Lolas, mga naging biktima ng panggagahasa at pang-aabuso noong panahon ng pananakop ng mga Hapones. Naging matunog din ang pangalan ni Roque nang maging isa sa mga kinatawan ni Jennifer Laude, ang transgender na pinatay sa Olongapo ng Amerikanong sundalong si Joseph Scott Pemberton. Siya rin ang naging abogado ng pamilya ng pinatay na taga-media at tagasulong ng kalikasan na si Gerry Ortega mula sa Palawan.

Makailang ulit ding binatikos ni Roque ang Korte Suprema patungkol sa iba’t ibang isyu. Ilan sa mga ito ay ang Presidential Proclamation no. 1017 o ang pagdedeklara ng state of emergency sa buong bansa noong 2006 kung saan magiging ligal ang pag-aresto kahit walang warrant, at hindi pinahihintulutan ang mga kilos-protesta para sa kapayapaan ng bansa.

Isa rin si Roque sa mga tumalakay sa isyung inilabas tungkol sa Cybercrime Law. Kinatawan din ni Roque ang Integrated Bar of the Philippines sa pakikipaglaban tungkol sa kawalan ng awtoridad ng mga lokal na pamahalaan upang hindi pahintulutan at bigyan ng permiso ang mga magkikilos-protesta maliban na lamang kung ito ay mag-uugat sa malinaw na banta sa kaligtasan ng bansa.

Sa tulong ni Roque ay nagkaroon ng Temporary Environmental Protection Order (TEPO) ang Boracay Foundation upang maitigil ang pagkuha sa 42-ektaryang lupain sa Caticlan dahil sa kawalan umano ng pag-aaral na hindi nito maaapektuhan ang isla ng Boracay. Napanalunan din ni Roque ang ilang petisyon kabilang ang writ of Amparo na pabor sa mga mamamahayag.

Bilang propesor

Si Roque ay naging associate professor sa UP College of Law. Ilan sa mga itinuro niya ang Public International Law, International Humanitarian Law, at Constitutional Law. Maliban sa UP College of Law, nagturo din si Roque sa Philippine Judicial Academy.

Naging direktor din siya ng University of the Philippines Law Center Institute of International Legal Studies. Naging founding editor in chief din si Roque ng Asia-Pacific Yearbook of International Humanitarian Law na inilimbag ng Institute of International Legal Studies at ng International Committee on the Red Cross. Napasama rin si Roque sa editorial board ng Asian Journal of International Law at Asian Journal of Comparative Law.

Naging tagapagsanay din siya ng ilang mga mag-aaral ng UP College of Law na nagawagi sa iba’t ibang kompetisyon tulad ng 2015 Oxford Price Moot Court Competition na ginawa sa UK at sinalihan ng 92 koponan. Nanalo rin ang mga mag-aaral ni Roque sa Red Cross International Humanitarian Law Moot Competition na ginawa sa Hong Kong noong Marso 2015. Nakaabot naman sa semifinals ang Team Philippines sa pangunguna ni Roque sa 2012 Jessup International Law Moot Court competition na ginawa sa Washington DC.

Bilang kongresista

Naging kongresista si Roque sa pagkakapanalo ng partylist niyang Kabayan noong 2016. Ang Kabayan partylist ay sinasabing isang makakaliwang grupo at representante ng mga mahihirap na sektor ng bansa tulad ng mga mangingisda, magsasaka, overseas Filipino workers, at iba pang mahihirap na manggagawa.

Umalis si Roque bilang bahagi ng Centerlaw nang maging kongresista at kinatawan ng Kabayan partylist. Siya rin ang naging principal author ng Universal Health Coverage Bill na naisabatas noong Setyembre 6, 2017.

Gayunman, noong 2017 ay pinatalsik si Roque bilang bahagi at kinatawan ng Kabayan partylist. Ayon sa inilabas na pahayag ng Kabayan partylist, napagdesisyunan ng 12 Board of Trustees ng Kabayan (na siya ring nagluklok kay Roque bilang kinatawan ng partylist noong 2016) na tanggalin na si Roque bilang bahagi ng partylist dahil lumabas sa kanilang imbestigasyon na may mga ginawa at sinabi si Roque na nakasisira sa partylist.

“After careful and thorough deliberation by the Board of Trustees, consultations with party members and supporters, and considering and adopting the findings and recommendations of the Special Investigation Committee, created by virtue of Board Resolution No. 2016-005 (dated December 10, 2016), to investigate Atty. Roque for acts inimical to Kabayan Partylist, and Resolution No. 2016-005-A (dated December 10, 2016), enlarging the scope of the investigation.”

Agad namang sumagot si Roque sa ginawang pagpapatalsik sa kaniya. Giit ni Roque, sa media lamang daw ipinadala ang anunsiyong siya ay tanggal na bilang kinatawan ng Kabayan partylist, at hindi siya nakatanggap ng kopya. Pinabulaanan din ni Roque ang alegasyon sa kaniya at sinabing wala siyang nilalabag sa Konstitusyon.

Bilang Tagapagsalita ng Pangulo

Ilang buwan matapos mapaalis bilang kinatawan ng Kabayan partylist, kinuha ni Pangulong Rodrigo Duterte si Roque bilang presidential spokesperson. Umupo si Roque bilang tagapagsalita ng Palasyo noong Nobyembre 6, 2017 kapalit ni Ernesto Abella.

Ayon kay Duterte, kinuha niya si Roque dahil liban sa bagay sa kaniya ang posisyon, magkatulad raw sila na ‘malikot magsalita’.

Gayunman, nabalutan ng kontrobersiya ang pag-upo ni Roque bilang tapagsalita ni Duterte dahil sa di umano’y taliwas na daang tinutungo ng administrasyon tungo sa karapatang pantao na ipinaglalaban noon ni Roque bago maging bahagi ng gabinete.

Isa sa mga naging kontrobersiyal na pahayag ni Roque ay pag-akusa niya sa United Nations (UN) bilang ‘bully’ dahil sa ginawang imbestigasyon ng UN patungkol sa ‘extrajudicial killings’ sa Pilipinas sa ginagawang giyera kontra droga ng pamahalaan.

Naging kontrobersiyal din ang naging pahayag ni Roque na tila pagtatanggol sa pangulo tungkol sa sinabi nitong kaya mataas ang krimen ng panggagahasa sa Davao ay dahil maraming magagandang babae sa lalawigan. Ang naging pahayag daw ng pangulo ay biro lamang at mas liberal daw kasi ang mga tao mula sa Visayas at Mindanao.

Noong 2018, ipinahayag ni Roque ang kaniyang intensiyong tumakbo bilang senador ng Pilipinas. Gayunman, sinabi ni Pangulong Duterte sa isang pahayag na hindi mananalo si Roque, sa halip ay bibigyan na lang siya ng ibang trabaho at posisyon ng pangulo.

Noong Oktubre 2018, nagbanta si Roque na aalis sa kaniyang puwesto matapos na di umano’y hindi maabisuhan sa naging pagbisita ni Duterte sa Cardinal Santos Medical Center. Noong Oktubre 15, 2018 ay tuluyan nang nagbitiw si Roque at pinalitan ni Salvador Panelo.

Matapos nito ay naghain si Roque ng kaniyang certificate of candidacy (COC) para sa 2019 elections. Gayunman, noong Pebrero 2019, inanunsiyo ni Roque ang kaniyang pag-atras sa pagtakbo bilang senador. Ayon kay Roque, ang kaniyang kalusugan ang naging dahilan ng pag-atras niya. Nagkaroon daw siyang angina coronary disease at kinailangang sumailalim sa percutaneous coronary intervention.

Noong Abril 2020, sa kalagitnaan ng pandemya, bumalik si Roque bilang presidential spokesperson at pinalitan si Panelo. Naging tagapagsalita rin si Roque ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kapalit ni Karlo Nograles.

Muling nabalutan ng kontrobersiya si Roque sa mga alegasyon ng hindi pagsunod sa quarantine protocols nang bisitahin niya ang Ocean Adventure sa Subic, Zambales at hindi magsuot ng face mask. Nag-viral din sa social media ang pagdalo ni Roque sa isang kaganapan sa Bantayan Island, Cebu kung saan makikita sa larawan ang pagdagsa ng mga tao. Ayon kay Roque, handa siyang sumailalim sa imbestigasyon kaugnay sa alegasyong hindi sila sumunod sa quarantine protocols.

Noong Marso 15, 2021, inanunsiyo ni Roque na siya ay nagpositibo sa COVID-19.

Sa isang panayam sa isang kaganapan sa Panglao Island, Bohol noong Hulyo 2021, sinabi ni Roque na handa na siyang muling tumakbo bilang senador sa 2022 elections dahil daw maganda na ang kaniyang kalusugan.

Mga Sanggunian

  • “Harry Roque”. “American University Washington Colleg of Law”. (Hinango noong 17 Agosto 2021).

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.