Hanging Habagat

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Hanging Habagat (Southwest Monsoon) ay isang maulap, mainit, at basang klima na karaniwang nabubuo sa pagitan ng mga buwan ng Mayo at Hunyo at lumalakas sa mga buwan ng Hulyo at Agosto. Kadalasang nagmumula ang kaulapan ng hanging habagat sa timog-kanlurang bahagi ng Pilipinas na maaaring dumaan pakanluran, patimog, o patimog-silangan. Maaaring magkaroon ng mga hanging nagmumula sa karagatan o kalupaan sa tuwing mahina ang paggalaw ng hanging habagat.


Katangian at pamumuo

Mainit at mamasa-masa ang hanging habagat na may temperaturang 25.5 sentigrado hanggang 27.5 sentigrado. Nabubuo ito kapag dumaloy ang mainit at basang hangin sa timog-kanluran at nagdudulot ng malakas na pag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa na maaaring magtagal nang isang linggo. Nakaaapekto ito sa klima ng Pilipinas tuwing buwan ng Mayo hanggang Oktubre.

Bagama't hindi tiyak kung kailan nagsisimulang kumilos ang kaulapan sa Dagat Timog Tsina, naitala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pamumuo ng hangin nang hilagang-silanganin tuwing Abril, timog-silanganin tuwing Mayo, katimugan sa buwan ng Hunyo at timog-kanluranin pagsapit ng Hulyo, Agosto at Setyembre. Noong 1991 at 1992, maagang pumasok ang habagat sa bansa sa buwan ng Hunyo, kasabay ng pagputok ng Bulkang Mayon.


Pinagmulan

Nakuha ang pangalang habagat sa isang alamat kung saan nabanggit ang sinasabing diyos na si Bathala na maylalang ng langit at lupa. Sa isang kwentong-bayan, sinasabing matalik na magkaibigan noon si Habagat, hanging nagmumula sa dagat at si Amihan, hanging nagmumula sa kabundukan, hanggang sa sirain sila ng inggit dahil sa isang paligsahan.


Hagupit ng habagat

Agosto 2012 nang bumuhos ang malawakang pag-ulan sa Kalakhang Maynila at mga katabing lalawigan dahil sa habagat na hinatak ng Bagyong Haikui na noo'y nasa labas ng bansa. Umabot sa walumpu't lima katao ang nasawi at mahigit tatlong milyong residente ang apektado ng malawakang pag-ulan at pagbaha, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Ilang araw ding sinuspinde ang mga klase at opisina sa gobyerno dahil sa paglubog ng mga kalsada na umabot sa lampas-tao ang taas sa ibang lugar. Nagpalabas ang PAGASA ng red warning signal na nangangahulugang aabot sa mahigit-kumulang na 30-50 milimetro kada oras na pagbugso ng ulan sa lungsod ng Quezon, Maynila at Marikina.

Ika-7 ng Agosto nang maiulat na maaaring nalagpasan na ng tuluy-tuloy na pag-ulan dahil sa habagat ang tubig-ulang ibinuhos ng Bagyong Ondoy na nanalasa noong Setyembre 2009. Pumalo sa 472 milimetro ang ulan sa mahigit na dalawampung oras habang 455 milimetro naman ang taas noong panahon ng bagyong Ondoy.

Tinatayang umabot sa 585 milyong piso ang inabot na pinsala sa imprastraktura at labing siyam na milyon sa agrikultura ang naidulot ng habagat na ito. Pansamantala ring pinutol ng MERALCO ang serbisyo ng kuryente sa mga lugar na mataas ang pagbaha. Ayon sa nakalap na impormasyon ng GMA News mula sa NDRRMC, umaabot sa 2,954 na kabahayan ang nawasak at nasa bilang na 5,474 ang nasira.



Sangguinian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.



Klima