Haluhalo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Tatak ng pagkaing Pilipino ang pagsasama-sama ng samu’t saring sangkap sa iisang putahe, maging ulam man ito o panghimagas. Ang haluhalo na marahil ang isa sa mga patunay ng katangian ito.

Ang haluhalo ay patok na meryenda at panghimagas sa mga Pilipino lalo na kung tag-init. Karaniwang makikita sa mga gilid ng lansangan ang maliliit na tindahan na nag-aalok ng haluhalo. Sangkap nito ang pinaghalo-halong minatamis na abitsuwelas, saging na saba, langka, nata de coco, sago, kaong, at tustadong pinipig na inihahanda sa isang baso o mangkok kasama ang kinaskas na yelo, gatas na evaporada, at asukal. Katakam-takam na pang-akit sa paningin at panlasa ang sorbetes, leche flan, at haleang ube na karaniwang nasa ibabaw ng siksik nitong sangkap. Bukod sa mga nabanggit, maaari pa itong dagdagan ng anomang naising pampasarap tulad ng mangga, mais, melon, gulaman, at mani.

Marahil ay isang patunay ang anyo at lasa ng haluhalo ng katangi-tanging kultura ng mga Pilipino na puno ng kulay, buhay, at mukha.

Sanggunian

Deborah Rosalind Nieto , ed. Virgilio S. Almario. “Halu-halo.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.