Halalan ng 1978

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ginanap ang halalan ng 1978 noong ika-7 ng Abril 1978 para maghalal ng 165 na kinatawan sa Interim Batasang Pambansa, na binuo sa ilalim ng Saligang Batas ng 1973. Ito ang unang halalang isinagawa matapos isailalim ni Pangulong Ferdinand E. Marcos sa batas militar ang Pilipinas.

Kabilang sa mga partidong lumahok sa halalan ang Lakas ng Bayan (LABAN), na may 21 kandidato para sa Metro Manila, kabilang na si Benigno Aquino Jr., at ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL) sa pangunguna ni Imelda Marcos. Hindi sumali sa halalan ang Partido Liberal, ngunit hinayaan nilang lumahok sa halalan si Aquino.

Matapos ang halalan noong ika-7 ng Abril, nagkaroon ng isa pang halalan para sa karagdagang 14 na kinatawan. Nagtalaga rin ng 10 pang kinatawan. Sa kabuuan, mayroong 189 na kinatawan ang Batasang Pambansa.

Kampanya

Bagama't nakakulong, pinayagan si Aquino na lumahok sa halalan. Dahil pinili ng Partido Liberal na hindi lumahok sa halalan, bumuo ng bagong partido si Aquino, ang Lakas ng Bayan o LABAN. Pinayagan rin si Aquino na lumahok sa isang panayam sa telebisyon. Noong ika-6 ng Abril, lumahok sa isang noise barrage ang partido para makahikayat ng suporta para sa oposisyon.

Binuo rin ni Pangulong Marcos ang kaniyang partido, ang Kilusang Bagong Lipunan, para sa nasabing halalan.

Resulta ng Halalan

Nakakuha ng 137 pwesto ang Kilusang Bagong Lipunan, na nakakuha ng 147,885,493 na boto. Sa kasamaang palad, walang nakuha ni isang puwesto ang LABAN, sa kabila ng pagkakaroon ng 21,541,600 na boto.

Bukod sa dalawang partido, nagkaroon rin ng puwesto sa Batasang Pambansa ang mga sumusunod na partido:

  • Pusyon Bisaya (9,495,416 boto, 13 puwesto)
  • Bagong Lipunan-Kilusan ng Nagkakaisang Nacionalista, Liberal (7,981,060 boto, 14 puwesto)
  • Mindanao Alliance (6,685,224 boto, 1 puwesto)
  • Independent (7,633,851 boto, 1 puwesto)

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.