Habal-Habal

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Habal-Habal ay isang uri ng transportasyon na karaniwang matatagpuan sa mga bulubundukin at liblib na lugar sa Visayas at Mindanao. Ang salitang "habal" ay nag-ugat sa salitang Bisaya at Cebuano na nangangahulugang "ang pagtatalik ng mga hayop, kung saan ang lalaki ay nasa likod ng babae." Sa kasalukuyan, ang habal-habal ay tumutukoy sa isang uri ng pampasaherong motorsiklo na binago at higit na pinatibay upang makapagkarga ng higit pa sa limitasyon ng isang ordinaryong motorsiklo. Ito ang karaniwang ginagamit na sasakyan sa mga lugar na hindi kayang daanan ng mga pampasaherong bus at dyipni dahil sa matarik, lubak-lubak at maputik na daanan tungo sa liblib at bulubunduking mga barangay.


Ito ay kilala din sa tawag na "Skylab" na ayon sa ilan ay hango sa pangalan ng estasyong pangkalawakang nasira at bumulusok pabalik sa mundo. Ayon naman sa iba, ito ay galing sa pinaikling pangungusap na "Sakay na lab!" na malimit sabihin ng mga drayber ng habal-habal sa mga pasaherong babae.


Mga Uri ng Habal-Habal

Mayroong dalawang uri ng habal-habal sa Visayas at Mindanao.

Una, ang isang motorsiklo ay dinagdagan ng mga pampatibay sa katawan, nilagyan ng isang upuan sa ibabaw ng tangke ng gasolina, at pinahaba ang upuan sa likuran upang maaaring sakyan ng mula dalawa (2) hanggang sa limang (5) pasahero. Karaniwang pinauupo ang pinakapayat at pinakamaliit na pasahero sa ibabaw ng tangke ng gasolina, sa unahan ng drayber. Ang pinakamataba naman ay pinauupo sa pinaka-gitna upang mabalanse ang motorsiklo. Ang pang-apat, panlima at pang-anim na pasahero ay pinapaupo sa hulian.

Ikalawa, ang isang simpleng motorsiklo ay nilalagyan ng kahoy na pahalang sa likuran ng sasakyan na magsisilbing upuan ng mga tao. Ang kahoy na ito ay binalutan ng goma at supot upang hindi masaktan ang pang-upo ng mga pasahero. Sa pamamaraang ito, maaaring magsakay ng hanggang sa labindalawang (12) pasahero sa motorsiklo. Ang kanilang mga bagahe tulad ng mga bag, isang sakong bigas, mga pinamili sa palengke, manok at kambing, ay itinatali lamang sa mga kahoy na nakakabit sa likuran. Kumplikado ang pamamaraang ito dahil kailangang balansehin ng drayber ang motorsiklo habang umaandar sa matarik at lubak-lubak na daanan.


Sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.