Guido de Lavezaris

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Guido de Lavezaris ay ang ikalawang naging gobernador-heneral ng Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Siya ay naglingkod mula 20 Agosto 1572 hanggang 25 Agosto 1575. Siya ang sumunod na nanungkulan kay Miguel López de Legazpi.

Si Lavezaris ay isa sa mga nagpondo ng ekspediyon ni Ruy Lopez de Villalobos sa Pilipinas noong 1542. Pinaniniwalaan din na isa siya sa mga nagpondo ng ekspedisyon ni Francisco Vazquez de Coronado sa Amerika sa pagitan ng 1540–1542.

Si Lavezaris ay mamamayan ng Seviila, Spain. Siya ay nagmula sa prominenteng pamilya na anak nina Sebastian de Lavezariis at Catalina de Chavez.

Panunungkulan sa Pilipinas

Sa panahon ng kaniyang panunungkulan, inatasan ni Lavezaris si Juan de Salcedo na pumunta sa hilagang bahagi ng Luzon at sakupin ang Ilocos, kung saan itinatag nila ang Villa Fernandina (kasalukuyang Vigan City).

Nang tangkain ng pangkat ni Limahong, isang piratang Instik, na sakupin ang Pilipinas sa Labanan ng Maynila noong 1574 ay napigilan siya ni Lavezaris.

Katiwalian

Noong 1 Hunyo 1575, nagpadala ng liham ang prayleng si Martin de Rada sa Hari ng Espanya na humihiling na tanggalin sa puwesto si Lavezaris dahil sa pang-aabuso nito sa kapangyarihan, partikular ang mataas na singil ng buwis sa mga katutubo.

Hindi na nagbalik si Lavezaris sa Espanya at naging mayamang enkomendero. Kalaunan, hinati-hati ang kaniyang encomienda nang palitan siya sa puwesto ni Francisco de Sande.

Mga Sanggunian

  • Carlos L. Quirino, ed. Maria Eloisa G. Pargo de Castro. “Governors-General of the Philippines.” Old Manila 2nd Edition, p. 288. Quezon City: Vibal Foundation, 2020.
  • Richard Flint, Shirley Cushing Flint. “Guido de Lavezariis: The Life of a Financier of the Coronado and Villalobos Expeditions.” New Mexico Historical Review, Vol. 86 No. 1 (2011). https://digitalrepository.unm.edu/cgi/viewcontent.cgi?article=1185&context=nmhr. Accessed 22 Pebrero 2021.
  • “Martin de Rada’s compaint letter against the extortions and unjust collection of tributes.” Agustinian Churches Wordpress, 13 Abril 2015. https://augustinianchurches.wordpress.com/2015/04/13/martin-de-radas-compaint-letter-against-the-extortions-and-unjust-collection-of-tributes/#more-301. Accessed 22 Pebrero 2021.  

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.