Gregorio Honasan

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Gregorio B. Honasan II, kilala rin bilang Gringo Honasan, ay dating militar, politiko, at lingkod-bayan. Siya ang kasalukuyang kalihim ng Department of Information and Communications Technology.

Siya ay isinilang noong 14 Marso 1948 sa Lungsod Baguio kina Koronel Romeo Honasan at Alice Ballesteros, isang guro mula sa Sorsogon.

Gregorio B. Honasan II

Edukasyon

Si Honasan ay isinilang noong 14 Marso 1948 sa Lungsod Baguio kina Koronel Romeo Honasan at Alice Ballesteros, isang guro mula sa Sorsogon. Nag-aral siya ng elementarya sa San Beda College sa Maynila kung saan na-accelerate siya mula Baitang 4 tungo sa Baitang 6 at nag-aral sa Paaralang Dominikano sa Taipei, Taiwan. Sa murang edad, nagpamalas na siya ng karunungan at liderato. Nagtapos naman siya ng sekundarya sa Don Bosco High School sa Mandaluyong nang may parangal.

Noong 1967, matapos ang isang taong pagpasok ng kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas, ay nag-aplay si Honasan sa Philippine Military Academy (PMA) kung saan nahalal siyang pangulo ng kanilang klase hanggang sa magtapos noong 1971 bilang “Class Baron,” pinakamataas na parangal ng PMA sa pagkaliderato.

Noong 1981, nagtapos siya ng Master’s Degree in Business Management sa Asian Institute of Management kung saan kinilala ang kaniyang masteral thesis.

Karera sa Militar

Nang makapagtapos sa PMA, naging tenyente si Honasan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at nadestino Hilagang Luzon at Mindanao upang labanan ang iba’t ibang armadong grupo kabilang ang mga komunistang pangkat, kriminal, at terorista. Maraming beses siyang nasugatan sa mga sagupaan. Dahil sa kaniyang liderato at gawa, pinarangalan siya ng mataas na pagkilala. Isa siya sa Ten Outstanding Young Men para sa serbisyong militar noong 1985.

Sa edad na 35, si Honasan ang nahirang na pinakabatang opisyal sa kasaysayan ng Sandatahang Lakas kung saan na-promote siya bilang full colonel. Napili rin siya bilang aide ng Secretary of National Defense, at kalaunan ay naging Chief of Security.

Noong 1986, ginawaran siya ni dating Pangulong Corazong Aquino ng Distinguised Conduct Star dahil sa naging partisipasyon nito sa Aklasang Bayan sa EDSA. Isa siya sa mahahalagang pinuno ng Reform the Armed Forces Movement (RAM) na nag-aklas laban sa Batas Militar ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Matapos nito, naging Commandant of Special Operations School siya sa Philippine Army Training sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija sa loob ng isang taon.

Karera sa Politika

Noong Halalan 1995, nagwaging senador si Honasan bilang independiyente. Siya ang kauna-unahang politiko na kumanditato bilang independiyente na nagwagi sa Senado. Bagama’t baguhan sa politika, nakapagpasa siya ng 144 panukalang-batas at 44 resolusyon noong ika-10 Kongreso at 64 panukalang-batas at 53 resolusyon noong ika-11 Kongreso. Muli siyang nahalal na senador noong 2001 at noong 2007.

Kabilang sa mga pangunahing akda at kinatuwang na akda niya ay ang Clean Air Act of 1999; Clean Water Act; National Security Policy, Disaster Risk Reduction Management Act of 2009; Solid Waste Management Act of 2000; at ang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms Law (CARPER).

Halalan 2020

Noong Hunyo 2021, inanunsiyo ni Senate President Tito Sotto, tatakbong pangalawang pangulo sa Halalan 2022, na isa si Honasan sa mga posibleng dating senador na magbabalik sa senado. Ayon kay Sotto, bagama’t independiyente si Honasan, handa umano ang Nationalist People’s Coalition na ampunin nila ang dating senador. Si Sotto ang tagapangulo ng NPC.

Mga Sanggunian