Gregorio Aglipay

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, pindutin ang link na ito.

Si Gregorio Labayan Aglipay (Mayo 5, 1860 - Setyembre 1, 1940) ay ang kauna-unahang Punong Obispo at siyang nagtatag ng unang malayang simbahang ng Katolikong Pilipino na Filipina Independiente.


Pagkabata

Ipinanganak si Aglipay sa Batac, Ilocos Norte noong ika-lima ng Mayo taong 1860. Ang kaniyang mga magulang ay sina Gregorio Aglipay y Labayan at Victoriana Labayan Hilario na pawang mula sa angkan ng mga magsasaka. Namatay ang kaniyang ina noong siya ay isang taon at pitong buwan pa lang. Dahil dito, lumaki siya sa pangangalaga ng mga tiyuhin at tiyahin ng kaniyang ina. Bata pa lang, naging manggagawa na siya sa plantasyon ng tabako. Nakulong siya nang hindi niya matumbasan o magawa ang itinakdang kota. Ang karanasang ito ay nagdala ng matinding depresyon sa kaniya na naging dahilan kung bakit labis na lang ang pagkagalit niya sa mga Espanyol. Naging adbokasiya niya ang pagsalungat sa pang-aabusong ginagawa sa sektor ng agrikultura. Isinulong din niya ang reporma sa pamunuan ng simbahan.

Nag-aral si Aglipay sa kaniyang bayan. Taong 1876 nang magtungo siya sa Maynila para mag-aral sa pribadong eskwelahan ng Julian Carpio. Sinuportahan siya ng tiyuhin ng kaniyang ina na si Francisco del Amor sa loob ng dalawang taon. Matapos nito, nagkaroon siya ng pagkakataong maging ‘’capista’’ o iskolar sa Collegio de San Juan de Letran. Dito, hindi na siya pinagbayad ng matrikula at tirahan sapagkat siya'y nagsilbi sa simbahan ng eskwelahan tuwing may misa at maging sa kantina. Nang makatapos ng kolehiyo, binalak niyang mag-aral ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nagbago ang kaniyang isip at pinasok ang pagiging pari sa Vigan Seminary noong 1883. Pagsapit ng taong 1898, opisyal na siyang idineklara bilang pari ng simbahang Katoliko.


Mga pagsubok na kinaharap

Habang nagsisilbi si Aglipay bilang katulong ng isang Obispo sa San Pablo Laguna noong 1896, sumiklab ang rebolusyon. Batid ni Aglipay ang dahilan ng mga pag-aalsa at nakiisa siya sa dahilan nito. Ang kaniyang pagiging makabayan ang nag-udyok sa kaniyang suportahan ang mga rebolusyonaryo sa Victoria, Tarlac. Ito ay mga panahong nagtatrabaho siya bilang kaagapay o katulong ng isang Espanyol na kura paroko.

Nang tumindi ang rebolusyon ng sumunod na taon, pinadakip siya ng paring pinagtatrabahuan niya mismo. Ipinag-utos din ang pagpatay sa maraming Pilipinong inakusahang bahagi ng mga pag-aalsa. Ipinaglaban sila ni Aglipay kaya hindi natuloy ang parusa sa kanila.

Taong 1898, sumapi si Aglipay sa Katipunan. Ang kaniyang mga pamamaraan ay tinutulan ng ibang mga pari. Itinalaga siyang Military Vicar General ni Heneral Emilio Aguinaldo noong ika-dalawampu ng Oktubre taong 1898. Ito ang naging daan para maging punong pari siya ng rebolusyon.

Kahit matindi ang hinanakit niya sa mga mananakop na Espanyol, nagmamalasakit pa rin siya sa ilan sa mga ito. Ipinagtanggol niya ang paring Jesuit na si Antino Rosell nang ikulong ng mga rebolusyonaryo. Pinalaya rin niya mula sa kahihiyan ang isang Espanyol na pari sa Laoag na inutusang magbunot ng damo sa harap ng maraming tao.

Bilang tugon sa mungkahi ni Apolinario Mabini sa kaparian na magtayo ng isang pambansang simbahan para sa mga Pilipino, binuo ni Aglipay ang Filipino Ecclesiastical Council sa Paniqui, Tarlac noong Oktubre taong 1899. Ito ay kinabibilangan lamang ng mga Pilipinong pari.


Papel ni Aglipay sa Kongreso ng Malolos

Naging kinatawan ng Ilocos Norte si Aglipay sa ginanap na Kongreso ng Malolos noong 1898. Isa siya sa mga Pilipinong pumirma sa isinulat na Konstistusyon ng Pilipinas.

Nang bilhin ng mga Amerikano ang Pilipinas mula sa mga Espanyol, sumiklab ang digmaan sa pagitan ng hukbong Pilipino at Amerikano. Nagsilbing lider ng mga rebelde sa rehiyon ng Ilocos si Aglipay. Sumuko lang siya sa Laoag, Ilocos Norte noong 1901 nang ideklara ng Estados Unidos na papalayain na ang Pilipinas. weh

Pagsisimula ng Iglesia Filipina Independiente

Ang pagiging malaya ng kaparian ay isang bagay na inaasam-asam ni Aglipay. Humingi siya ng tulong mula sa pambansang lider ng mga manggagawa sa Pilipinas na si Isabelo de Los Reyes para ilakad ang kagustuhang ito sa Vatican at sa simbahang Katoliko. Ang kaniyang pakikibahagi sa nagdaang rebolsuyon ang naging dahilan kung bakit hindi pinahintulutan ng Vatican at simbahang Katoliko ang kaniyang kagustuhan. Hinikayat niya raw kasi ang kaparian na mag-alsa noon laban sa mga namumuno sa simbahan.

Noong ika-tatlo ng Agosto taong 1902, itinatag ni Aglipay ang Iglesia Filipina Independiente bilang kauna-unahang malayang Katolikong simbahan ng mga Pilipino. Siya ang itinalagang unang punong obispo. Inaprubahan ang unang Konstitusyon ng Iglesia Filipina Independiente sa Sibakong, Maynila noong ika-isa ng Oktubre taong 1902. Dalawampu’t anim na araw matapos ito, isinagawa na ni Aglipay ang pinaka-unang misa.

Ang pagtatatag ni Aglipay sa Iglesia Filipina Independiente ay palatandaan ng tuluyan niyang paghiwalay sa Romano Katolikong Simbahan.Ang simbahang kaniyang itinayo ay marka ng bunga ng naganap na rebolusyon noong 1896. Sa wakas naisakatuparan din ang gustong mangyari ng mga martir na paring sina Father Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora. Tinuldukan nito ang pamamayagpag lang ng iilang lider ng simbahan. Naging mas malaya ang simbahan sa Pilipinas.

Malaki ang naging papel ng Iglesia Filipina Independiente sa kasaysayan ng bansa dahil salamin ito ng pagpupursige ng mga Pilipino na maging malaya mula sa mga dayuhan. Nagpapakita rin ito ng kapasidad ng mga Pilipino na magpatakbo ng sariling simbahan nang walang ibang nakikialam. Ipinapamulat ng simbahang ito sa mga miyembro na mahalin ang bansa at tularan ang ginawa ng mga pambansang bayani. Sa katunayan, nakalagay sa gilid ng altar ng bawat simbahan ng Iglesia Filipina Independiente ang watawat ng Pilipinas.

Sa ngayon mayroong tatlong milyong Aglipayans o miyembro ang simbahan. Karamihan nito ay nasa rehiyon ng Ilocos. Isang porsyento lang ito sa kabuuang populasyon ng bansa. Ang walumpu’t tatlong porsyento ay bahagi ng Simabahang Katoliko.

Pinahihintultan ng Iglesia Filipina Independiente ang mga pari na mag-asawa. Taong 1939 nang pakasalan ni Aglipay si Pilar Jamias ng Sarrat, Ilocos, Norte.


Politika

Ipinaglaban ni Aglipay ang kalayaan ng bansa sa politikal na pamamaraan. Nang magpunta siya sa Estados Unidos noong 1931, tumindi ang kaniyang kagustuhan na mapabilang sa politika ng Pilipinas. Tumakbo siya bilang pangulo noong 1935 sa pamunuang Komonwelt pero tinalo siya ng kalabang si Manuel Quezon. WEH!?

Pagkamatay

Noong ika-isa ng Sityembre taong 1940, pumanaw si Aglipay dahil sa pagdurugo sa utak. Inilibing siya sa kaniyang bayan sa Batac, Ilocos Norte.



Sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.