Greco Belgica

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Grego Belgica - Report on vote buying cases by PACC (cropped).jpg

Si Greco Antonious Beda Banta Belgica (isinilang noong 27 Marso 1978) na kilala rin bilang Greco Belgica, ay isang Pilipinong kawani ng pamahalaan, negosyante, at politiko. Siya ay kasalukuyang chairman ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na nagsimula sa panunungkulan noong 25 Marso 2021.

Siya ay naglingkod bilang konsehal ng Maynila noong 2004 sa edad na 26 at nakilala sa taguring “Batang Magaling.” Noong 2013 ay kinuwestiyon ni Belgica ang pagiging konstitusyonal ng pork barrel system kaugnay ng anumalya sa PDAF. Pumanig kay Belgica ang Korte Suprema  at bumotong 14-0 na idinedeklarang hindi naaayon sa Konstitusyon ang pork barrel. Tinawag ang kasong ito bilang “Belgica Ruling.”

Si Belgica rin ang nagtatag ng Founder of the Truth and Justice Coalition (TJC), isang non-stock, non-profit organization na naglalayong tuluyang mawaksi ang korupsiyon sa pamahalaan. Siya rin ang nagtatag at pangulo ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), isang pambansang partidong politikal na kinilala ng Commission on Elections (COMELEC) noong 30 Oktubre 2018.

Noong 2013 at 2016, tumakbong senador si Belgica sa ilalim ngunit nabigo siya sa parehong taon.

Sa kasalukuyan, umeere sa DZRH News Television ang programa ni Belgica na Ireklamo Kay Greco na nag-umpisa noong 2016.

Personal na buhay

Si Greco Belgica ay isinilang noong 27 Marso 1978. Siya ay anak ng pastor na si Grepor Butch Belgica at ni Carmelita Banta Belgica. Tulad ng kaniyang ama, si Belgica ay isa ring pastor sa The Lord’s Vineyard Covenant Community.

Nagtapos si Belgica ng kursong Bachelor of Science and Administration in Marketing and Management sa San Beda College Manila. Mayroon din siya digri sa International Trade and Commerce mula sa University of California Berkeley.

Abala si Belgica sa pagtulong sa kaniyang sa kapuwa sa pamamagitan ng iba’t ibang organisasyon na karamihan ay siya ang nagtatag. Siya ang nagtatag at pangulo ng Save a Child Program na nagbibigay ng iskolarsyip sa mga batang lansangan at kursong bokasyonal sa mga magulang nila.

Sumabak din sa iba’t ibang trabaho si Belgica. Siya ay naging marketing manager ng New Oasis Advertising sa LLC Dubai. Naging chief executive officer din siya ng GBB Legacy Inc., Great Builders-Trading Company, at Trailers on the Run. Nagtrabaho rin siya bilang general manager ng Bistro Carmelita at assistant to the chairman ng Asian Precious Metals, Inc.

Ikinasal si Belgica kay Nina Rizzi Velasco. Mayroon silang dalawang anak. Si Greco ay isa ring personalidad sa telebisyon at radyo. Nagkaroon siya ng programang Bagong Pilipinas sa PTV-4 noong 2007 at #GrecoLive sa DZRJ-AM kasama si CJ Santos. Kasalukuyan ding umeere sa DZRH News Television ang programa niyang Ireklamo Kay Greco.

Politika

Konsehal at Pagtakbo sa Senado

Si Belgica ay naging konsehal ng Ikaanim na Distrito ng Maynila noong 2004 hanggang 2007. Noong 2013, nagdesisyon si Belgica na tumakbo bilang senador. Ayon sa isang panayam, naisipan niyang tumakbo agad bilang senador ng Pilipinas mula sa pagiging konsehal ng Maynila dahil ang kaniyang mga adbokasiya ay para sa Senado at hindi masosolusyunan ng pagiging alkalde, kongresista, o iba pang lokal na posisyon.

Sa kaniyang pagtakbo, isa sa mga plataporma ni Belgica ay ang pagpapatupad ng “flat tax system” o isang uri ng simple, isang beses, at isang uri ng buwis na ipapataw sa mga indibidwal at negosyo na 10 porisyento lamang ng kanilang kita. Nais rin niyang magkaroon ng free market at Christian fundamentalism. Isusulong din sana ni Belgica na buwagin na ang PDAF at ilaan ang pondo rito para sa pagbibigay ng iskolarsyip sa mga mag-aaral. Giit ni Belgica, ang pondong ito ay dapat napupunta direkta sa mga mamamayan at hindi sa mga politiko.

Hindi nagwagi si Belgica sa kaniyang pagtakbo noong taong iyon.

PDAF Scandal

Noong 2013, isa si Belgica sa mga naghain ng petisyon sa Korte Suprema tungkol sa pagiging konstitusyonal ng pork barrel system sa Pilipinas. Pinakinggan ang petisyon ni Belgica at kaniyang grupo at bumoto ang Korte Suprema 14-0-1 abstain, pabor sa ipinaglalaban nilang hindi konstitusyonal ang pork barrel.

Gayunman, sa isang pahayag noong Marso 2018, sinabi ni noon ay commissioner at spokesperson ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC)  na si Belgica na naniniwala siyang hindi umano si Janet Lim-Napoles ang utak sa sa ₱10 bilyong pork barrel scam. Bagama’t mayroon pa rin daw itong pananagutan sa batas, naniniwala naman si Belgica na hindi ito ang pumirma sa mga kontrata bagkus ang mga mambabatas pa rin na may hawak sa mismong pondo ang kumokontrol dito. Si Napoles daw ay isa lamang “willing beneficiary” ng korupsiyong iyon.

“Never naman po ako naniwala na mastermind ang isang businessman. ‘Di ako naniniwala. It cannot be true that a businessman can be the mastermind because kahit na sinong contractor, Janet Napoles pa ‘yan, hindi siya ang last say sa mga kontrata. Pag sinabi ni Senador, ni Congressman na go, go, no, no. Ang pork barrel po really is a corruption of the politicians. The businessmen are there just to make money. So kung ano gusto mo, ‘yun ang ibibigay ko, I just want my share.”

Eleksiyon 2016

Noong 2016, muling sumubok sa pagtakbo sa pagkasenador si Belgica. Naharap siya sa isang isyu kaugnay nang muntik na niyang pagkadiskwalipika dahil napasama siya sa listahan ng COMELEC ng mga kandidatong nakadalawa o tatlong beses nang hindi naghain ng kanilang statement of contributions and expenses (SOCE).

Iginiit ni Belgica na naghain siya ng kaniyang SOCE noong 2007 at 2013 at sinabing mayroon daw na nagmamanipula ng record. Ngunit ayon sa inilabas na ulat ng COMELEC, hindi raw nakapaglabas ng mga ginastos niya sa kampanya si Belgica noong 2007 nang tumakbo siyang konsehal sa Maynila at noong 2013 sa pagkasenador.

Sa kabila ng isyu, nakatakbo pa rin si Belgica sa senado sa ilalim ng partido ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ngunit katulad noong 2013, muling nabigo si Belgica na manalo.

Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan

Noong 30 Oktubre 2018, pormal na kinilala ng COMELEC ang Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS) na isang pambansang partidong politikal. Ito ay itinatag ni Belgica. Layunin ng partido na maipatupad ang pederalismo sa Pilipinas. Ang mga bahagi ng PDDS ay ang mga orihinal na tagasuporta ni Pangulong Duterte noong eleksiyon 2016. Sa isang pahayag, sinabi ni Belgica na ang kanilang pangunahing kandidato noong 2018 sa pagkasenador ay si Bong Go. Sinabi rin ni Belgica na susuportahan din nila si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) deputy executive director Mocha Uson kung tatakbo ito sa pagkasenador. Gayunman, hindi tumakbo si Uson.

Presidential Anti-Corruption Commission

Itinalaga ni Pangulong Duterte si Belgica bilang bagong chairman ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) noong 25 Marso 2021. Sa isang pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque, kinompirma niyang ang dating tagapagsalita ng PACC na si Belgica na ang bagong chairman ng komisyon.

Pinalitan ni Belgica si Dante Jimenez na pumanaw noong Enero 2021 dahil sa aortic aneurysm. Sa pag-upo ni Belgica, sinabi niyang isang karangalan para sa kaniya na maging bahagi ng pagpuksa ng korupsiyon sa bansa. Layunin din ni Belgica na magtalaga ng mga tauhan sa PACC na totoong tutulong sa komisyon na labanan ang katiwalian.

Noong Setyembre 2021, kinompirma naman ni Belgica na binuo ang National Anti-Corruption Coordinating Council (NACC) kung saan nakailalim ang PACC at 49 pang ahensiya ng pamahalaan. Si Duterte ang magsisilbing chairman ng konseho habang si Belgica naman ang vice-chairman.

Ito ay binuo sa gitna ng umiinit na kontrobersiya tungkol sa di umano’y hindi maayos na paggasta ng pondo ng bayan sa gitna ng pandemya. Sa isang pahayag, sinabi ni Belgica na ang NACC ay tulad ng pagsugpo ng pamahalaan sa iligal na droga na tututok maging sa mga barangay.

Halalan 2022

Isa si Belgica sa inilabas na pangalan ng PDP-Laban para maging pambato sa pagkasenador sa eleksiyon 2022. Ayon kay Belgica, dahil sa kaniyang nominasyon, marami na umanong lumalapit sa kaniyang mga opisyal ding iniimbestigahan nila sa isyu ng katiwalian na ngayon ay nais siyang suportahan sa kaniyang pagtakbo. Banta ni Belgica sa mga nag-aalok sa kaniya ng tulong kapalit ang pagbagal ng imbestigasyon sa kanila, isasama niya raw kanilang mga ulat ang iligal na alok na ito ng mga politiko.

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.