Grace Poe

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Grace Poe-Llamanzares portrait.jpg

Si Mary Grace Natividad Sonora Poe-Llamanzares (bininyagan noong 3 Setyembre 1968) na kilala rin bilang Grace Poe, ay isang Pilipinong politiko, negosyante, at guro. Siya rin ay kasalukuyang senador ng Pilipinas at nagsisilbi simula 2013. Siya rin ay naging chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) mula 2010 hanggang 2012.

Si Poe ay inampon ng mga artistang sina Fernando Poe, Jr. at Susan Roces. Pumunta si Poe sa Amerika upang mag-aral at bumuo ng pamilya ngunit bumalik sa Pilipinas noong 8 Abril 2005 nang yumao ang amang si FPJ. Siya rin ang nanguna sa pakikipaglaban sa naging resulta ng halalan 2004 kung saan tumakbo si FPJ bilang pangulo ng Pilipinas ngunit natalo ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Kalaunan, tumakbo na rin si Poe bilang senador ng Pilipinas. Noong 2016, kumandidato rin siya bilang pangulo ng Pilipinas ngunit nabigo.

Personal na buhay

Si Mary Grace Natividad Poe ay natagpuan noong 3 Setyembre 1968 sa Iloilo City ng isang babae sa may lagakan ng banal na tubig sa tapat ng Jaro Metropolitan Cathedral. Nang makita ang bata, pinangalanan siya ng pari bilang “Grace” dahil sa paniniwalang biyaya ang sanggol ng Panginoon. Bininyagan siya ni Jaime Sin na kalaunan ay naging arsobispo ng Maynila.

Walang kumuha sa sanggol matapos ang ilang panawagan. Si Poe ay unang napunta sa pamilya Militar sa pangunguna ni Edgardo Militar na siyang pumirma sa sertipiko ng pagkakahanap sa kaniya. Kinonsidera din si Militar bilang posibleng ama ni Poe. Sa kaniyang orihinal na Certificate of Live Birth, si Poe ay binigyan ng pangalan na Mary Grace Natividad Sonora Militar. Kalaunan, ibinigay si Poe sa kanilang kaibigan na si Tessie Ledesma Valencia, isang babaeng hindi naikasal at walang anak na tagapagmana ng isang malaking negosyo ng asukal sa Bacolod, Negros Occidental.

Si Valencia naman ay kaibigan nina Fernando Poe Jr. at Susan Roces na bagong kasal noong mga panahong iyon. Nagpasiya si Valencia na ibigay si Poe sa mag-asawa dahil mas mabuti raw kung lalaki itong may kompletong magulang. Noong una ay may alinlangan si Militar na ibigay ang sanggol sa mag-asawang Poe ngunit nakumbinsi rin ni Arsobispo Sin kalaunan.

Pormal na inampon si Poe nina FPJ at Susan at binigyan ng pangalan na Mary Grace Natividad Sonora Poe. Noong bata pa siya, lagi niyang pinanonood ang ama sa lokasyon ng kaniyang mga pelikula at lumabas pa sa Durugin si Totoy Bato bilang anak ni Paquito Diaz at bilang isang batang kalye sa Dugo ng Bayan.

Nag-aral si Poe ng elementarya sa Saint Paul College of Pasig at Saint Paul College of Makati. Noong 1982, lumipat sa Assumption College San Lorenzo para mag-aral ng haiskul. Pumasok naman sa University of the Philippines – Manila noong kolehiyo at kumuha ng kursong development studies. Lumipat si Poe sa Boston College kung saan siya nagtapos ng digri sa political science noong 1991. Naging intern si Poe ni William Weld noong kolehiyo.

Pamilya at trabaho

Nagtrabaho si Poe bilang isang guro sa preschool sa isang Montessori education-style na paaralan noong 1995. Noong 1998, pumasok naman siya bilang procurement liaison officer sa United States Geological Survey. Nagtrabaho rin si Poe sa kompanya ng kaniyang tatay na FPJ Productions bilang Vice President at Treasurer.

Citizenship

Si Poe ay isinilang na isang Pilipino. Noong Oktubre 18, 2001 nagkaroon ng US Citizenship sa pamamagitan ng naturalisasyon. Muli naman niyang nakamit ang kaniyang pagka-Pilipino noong Oktubre 2010 at tinalikdan ang kaniyang US citizenship sa bisa ng RA 9225.

Mga kapatid at sariling pamilya

Si Poe ay may dalawang kapatid sa ama na sina Ronian Poe, anak ng aktres na si Ana Marin; at si Lourdes Virginia ‘Lovi’ Poe, anak naman ng modelong si Rowena Moran. Gayunman, hindi lumaki si Poe sa piling ng mga kapatid at nakilala lamang si Lovi noong namatay ang kaniyang ama.

Noong Hulyo 27, 1991, ikinasal si Poe kay Teodoro Misael Daniel “Neil” Vera Llamanzares. Siya ay isang beteranong US Air Force na nagsilbi mula 1988 hanggang 1991 at kalaunan ay nagtrabaho sa Science Applications International Corporation. Nang bumalik si Llamanzares sa Pilipinas, nagtrabaho siya San Miguel Corporation.

Mayroong tatlong anak si Poe: si Brian, isang mamamahayag ng CNN Philippines; at dalawang anak na babaeng sina Hanna at Nika. Tumira ang pamilya ni Poe sa Fairfax, Virginia, USA sa loob ng 12 taon.

Politika

Nang malaman ni Poe na tatakbo ang kaniyang amang si Fernando Poe, Jr. sa pagkapangulo para sa halalan 2004, bumalik si Poe sa Pilipinas upang tumulong sa kampanya ng kaniyang ama. Matapos ang eleksiyon kung saan natalo si FPJ kay Gloria Macapagal-Arroyo, bumalik din siya sa US.

Isang taon ang lumipas, isinugod sa ospital si FPJ dahil sa stroke. Bumalik si Poe sa Pilipinas at ilang araw lamang ay yumao ang dating aktor. Matapos ang kamatayan ni FPJ, nagpasiya si Poe na permanente nang tumira sa Pilipinas upang samahan ang nabiyudang ina.

Media regulatory board

Noong halalan 2010, nagsilbing convenor si Poe ng Kontra Daya. Naging honorary chairperson din si Poe ng FPJ for President Movement (FPJPM), ang samahang umudyok kay FPJ na tumakbo noong 2004, at ipinagpatuloy ang mga gawain ng samahan. Noong Oktubre 10, 2010, itinalaga ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III bilang chairman ng Movie and Television Review and Classification  Board (MTRCB).

Sa pag-upo ni Poe bilang bahagi ng MTRCB, sinimulan niya ang bagong rating system ng mga programa sa telebisyon bilang tulong sa mga magulang na mabantayan ang panonood ng mga bata.

Eleksiyon 2013 at bilang senador

Naunang napabalitang tatakbo bilang senador si Poe noong 2010 ngunit hindi siya kumandidato. Gayunman, noong 2012, nang ianunsiyo ni Pangulong Aquino na kasama si Poe sa kanilang Team PNoy coalition senatorial slate ay pormal na ring ipinahayag ni Poe ang kaniyang pagtakbo. Naghain siya ng kandidatura noong Oktubre 2, 2012. Kahit nasa senatorial slate ng Team PNoy coalition, kinokonsidera ni Poe ang sarili bilang isang independent na kandidato. Noong Pebrero 2013, naging kabahagi rin si Poe, kasama sina Loren Legarda at Francis Escudero bilang guest candidates ng United Nationalist Alliance (UNA) ni Bise Presidente Jejomar Binay.

Aminado si Poe na ang pinakamalaki niyang bentahe sa pagtakbo niya bilang senador ay ang knaiyang pangalan. Ngunit itinanggi naman ni Poe na ang pagtakbo niya ay para gumanti sa pagkatalo at pandaraya umano ni Arroyo sa kaniyang ama noong elekisyon 2004. Noong Mayo 2013, nakakuha si Poe ng 20 milyong boto na pinakamarami noong eleksiyong iyon.

Sa unang araw ni Poe bilang senador, inihain niya ang batas na naglalayong palaganapin ang “film tourism” sa Pilipinas. Inahain din ni Poe ang “Sustenance for the Filipino child” bill na naglalayong magbigay ng libreng masustansiyang pagkain sa mga pampublikong paaralan sa elementarya at haiskul.

Isinulong din ni Poe ang freedom of information bill upang mas maging bukas sa publiko ang mga transaksiyon ng pamahalaan. Si Poe rin ang nanguna sa imbestigasyon ng Mamasapano clash kung saa 44 na tauhan ng Special Action Force ang nasawi.

Pagkandidato bilang pangulo

Matunog ang pangalan ni Poe bilang isa sa mga tatakbong pangulo sa halalan 2016. Nanguna siya sa ilang sarbey sa loob ng ilang buwan. Iba-iba rin ang pangalang lumitaw na makakapareha ni Poe sa pagtakbo.

Ngunit noong 16 Setyembre 2015, inanunsiyo ni Poe ang kaniyang kandidatura sa pagkapangulo kasama ng kaniyang bise presidente na si Francis Escudero. Ginawa ang anunsiyo sa Tahanan ng Alumni ng University of the Philippines – Diliman, Lungsod Quezon.

Noong Hunyo 2015, nagkaroon ng isyu sa kaniyang kuwalipikasyon si Poe. Ito ay matapos ungkatin ni Navotas Representative Toby Tiangco na kulang si Poe sa sampung taong paninirahan sa Pilipinas upang tumakbo sa isang nasyonal na posisyon. Sa kaniyang pagtakbo sa 2016 elections, kulang pa raw si Poe ng anim na buwan para makompleto ang sampung taong pamamalagi sa Pilipinas.

Ibinasura ang kaso laban kay Poe noong Nobyembre 2016 ng Senate Electoral Tribunal at sinabing si Poe ay isang “natural born Filipino” kaya hindi dapat patalsikin bilang senador ng bansa. Gayunman, dinsikwalipika si Poe ng COMELEC bilang kandidato sa pagkapangulo dahil hindi nito nakuha ang “10 taong paninirahan sa Pilipinas” na isa sa mga kailangan ng mga kakandidato sa pagkapangulo. Inapila ni Poe ang desisyon ng COMELEC sa COMELEC en banc at kalaunan ay dinala sa Korte Suprema. Noong Disyembre 28, 2015 ay naglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) hinggil sa desisyon ng COMELEC en banc.

Natuloy ang kandidatura ni Poe ngunit hindi siya pinalad na manalo. Pumangatlo siya sa anim na kandidato. Noong Mayo 9, 2016, pormal na tinanggap ni Poe ang kaniyang pagkatalo kay Rodrigo Duterte.

Pagbabalik sa senado

Bumalik si Poe sa senado matapos ang pagkabigo sa pagkapangulo. Noong Nobyembre 2016, pumirma pabor si Poe sa inihaing resolusyon ni Senadora Risa Hontiveros na tumutuligsa sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Bumoto rin pabor si Poe sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN Act) at sa pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao. Isa rin si Poe sa mga bumoto pabor sa national ID system.

Muling tumakbo si Poe sa senado noong eleksiyon 2019. Pumangalawa siya sa may pinakamaraming boto, sunod kay Senadora Cynthia Villar.

Nang maupong muli bilang senador, si Poe ang naging chairman ng komite sa pagtalakay sa pagtatayo g ikatlong telecommunications company sa Pilipinas na Mislatel na pagmamay-ari nina Dennis Uy at ng Chelsea Logistics.

Mga sanggunian:

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.