Gomez Perez Dasmariñas

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Gomez Perez Dasmariñas ay ang ikapitong naging gobernador-heneral ng Pilipinas sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Siya ang pumalit kay Santiago de Vera. Naglingkod siya mula Mayo 1590 hanggang 25 Oktubre 1593.

Si Dasmariñas ay isinilang sa Galicia, Spain. Napili siya ng Hari ng Espanya na maging gobernador-heneral ng Pilipinas dahil sa kaniyang mahusay na pamamalakad bilang gobernador sa León at kalaunan ay naging corregidor (administrador ng militar sa corregimiento) sa mga siyudad ng Murcia, Lorca, at Cartega.

Bilang Gobernador-Heneral

Isa sa mga pangunahing isinulong ni Dasmariñas bilang gobernador-heneral ng Pilipinas ay ang sugpuin ang Real Audencia at itatag ang isang harison bilang pandepensa. Muli niyang ipinatayo ang Fort Santiago, pinagawang bato ang simbahan ng Maynila, at hinikayat ang mga mamamayan na ipagawa ring bato ang kanilang mga bahay.

Pinagbuti rin niya ang pakikipagkalakalan ng Maynila sa Tsina at gumawa ng paraan upang mas mapabilis ang pakikipagkomunikasyon sa Espanya sa panahon ng kaniyang termino.

Nagpagawa rin siya ng mga galera (mahabang barkong pinauusad ng hilera ng mga tagagaod) bilang pandepensa.

Huling Paglalayag at Kamatayan

Noong 1593, plinano ni Dasmariñas ang isang ekspedisyon sa Mollucas upang makuha ang kuta sa Terrenate. Bago maglayag, ipinadala niya ang kaniyang anak na si Luis Perez Dasmariñas sa Pintados. Iniwan niya kay Diego Ronquillo ang pamamahala sa militar ng Maynila at kay Pedro de Rojas ang mga gawaing sibil.

Sinikap ng armada ni Dasmariñas na makarating sa Isla ng Caca, ngunit hindi sila natuloy dahil sa malakas na hihip ng hangin kaya ipinag-utos niyang i-angkla ang mga barko at palipasin ang gabi.

Sa kasamaang-palad, ginamit itong opurtunidad ng mga Tsinong (Sangley) tagasagwan ng kanilang barko upang mag-aklas at sakupin ang mga galera.

Sa gabing iyon, inatake ng mga Tsino ang mga guwardiya at ang mga natutulog na Espanyol. Nagising si Dasmariñas sa narinig na kaguluhan at lumabas sa kaniyang silid. Dito siya inatake at pinaslang ng mga Tsino.

Mga Sanggunian

  • Carlos L. Quirino, ed. Maria Eloisa G. Pargo de Castro. “Governors-General of the Philippines.” Old Manila 2nd Edition, mp. 288–289 Quezon City: Vibal Foundation, 2020.
  • Virgilio S. Almario. “Real Audencia.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.  

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.